~ Minnie ~
NAGMULAT ako ng mata at nilibot ng tingin ang kuwartong kinaroroonan ko. Tumayo si Riley sa sofa na kinauupuan niya at nilapitan ako.
"Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong niya at inalalayan akong maupo. Hinilot ko ang aking ulo bago sumagot.
"Okay na ako," sabi ko at tinunghayan siya nang maalala ang nangyari. "Nasaan ako?"
"Nasa ospital ka, Minnie."
"Si Uno? Anong lagay ni Uno?"
"Hindi pa ako nakakabalita tungkol sa kanya. Ang huling narinig ko ay dinala siya sa ospital ng mga residente malapit sa lugar ng insidente," sabi niya.
"Ano? Dapat inuna mo na siyang puntahan, Riley. Mas malala ang nangyari sa kanya. Alamin mo kung saang ospital siya dinala. Please, gusto ko siyang puntahan!" pagmamakaawa ko habang umiiyak. Hindi ako matatahimik hangga't wala akong naririnig na balitang maayos na ang lagay ni Uno.
Bumukas ang pinto at pumasok ang isang doctor. Nakita ko ang dalawang pulis sa labas na siguradong silang nagbabantay sa akin. Nang maisarado ang pinto ay dumiretso sa akin ang doctor.
"Mabuti naman at gising ka na," sabi nito at tiningnan ang kanyang clipboard.
"Kumusta ang lagay niya, doc? May injury ba siya?"
"Bukod sa ilang galos ay wala namang malalang nangyari sa pasyente. The baby is also safe." Nagkatinginan kami ni Riley at mabilis na nilingon muli ang doctor.
"B-baby?" tanong ko.
"Oh, you didn't know? You're going four weeks pregnant, Misis..." Natulala ako sa sinabi ng doctor. Hindi kayang i-proseso ng utak ko ang bagay na ito.
Hindi ko alam ang dapat maramdaman. Hindi sa ayaw ko sa batang ito, pero hindi ko alam kung paano mairaraos ang bawat araw sa bilangguan kung ganitong may bata akong dapat protektahan. Natatakot ako na baka mapahamak ang bata lalo pa't wala akong makakasama sa paglilipatan sa akin. Nababahala ako sa kaligtasan ng bata. Baka hindi ko siya maprotektahan.
"You just need to be more careful. Maselan ang pagbubuntis mo. Mabuti na lamang at hindi ganoon kalala ang aksidenteng kinasangkutan mo. I'll issue a permit to admit you in a medical isolation since I've heard you're an inmate. You need to be monitored in the first trimester of your pregnancy. And please, make your environment stress free, it could affect your baby." Matapos ang ilang paalala ay nagpaalam na ang doctor.
"Riley..." tawag ko sa kanya dahil baka may naiisip siyang plano. Pero bakas din sa kanya ang pagkabigla.
"I know there's something going on between you and Uno, pero hindi ko alam na ganito na iyon kalalim," biro niya para pagaanin ang situwasyon pero tinapik ko siya sa sikmura.
"Wala akong nakikitang future ng bata, Riley." Bumuntong hininga siya at naupo sa kama.
"I'll tell Uno. Alam kong may magagawa siyang paraan para mailabas ka na. Or you can be under hospital arrest using Uno's power and money," sabi niya. "Mag-iisip kami ng paraan. Siguradong dadalawin ka niya sa Serezo."
Umiling ako sa sinabi niya. "Sa koreksyonal na ako, Riley." Nabigla siya sa sinabi ko.
"Pero walang order na ililipat ka ng kulungan," sambit niya.
"Kontrolado nila ang situwasyon, magagawa nila ang gusto nilang gawin." Ayoko man aminin, hawak nila ang alas sa ngayon.
"Ginawa siguro nila ito para mailayo ka kay Uno. Siguradong ang alam ni Uno ay sa Serezo ka pa rin kaya roon ka niya babalik-balikan. Ililigaw lamang nila ang atensyon ni Uno gayong nasa koreksyonal ka na." Tumango ako. Tulad ng sinabi ko, pinaghandaan na nila ito.