~ Minnie ~
GABI na rin at nakahiga lang ako sa sahig. Hindi pa ako dinadalaw ng antok kaya kung anu-ano ang tumatakbo sa isipan ko. Lalo na ang nangyari nitong mga nagdaang buwan. Sa dami ng nangyari, hindi ko na alam kung paano babalikan ang simula para alalahanin kung paano ako napunta sa ganitong situwasyon.
Ang malinaw lang sa lahat ay kung ano ang nagdala sa akin dito...ang aking trabaho. O mas akma kung sasabihin kong 'raket'. Lumaki ako sa isang sindikato. Bata pa lamang ay natuto na akong gumawa ng hindi mabuti. Naranasan ko maging snatcher, holdaper, manloob ng bangko at mapabilang sa akyat-bahay gang.
Pagnanakaw ang bumuhay sa akin. Nakakapag-aral ako sa kolehiyo sa paraang ito, bagay na hindi ko kayang ipagmalaki. Nahinto lamang ako dahil sa pagkakadawit ko sa kasong pagpatay kay Congressman Valderama.
Speaking of hindi ko alam kung bakit nandito, bigla kong naisip si Uno. Bakit siya narito? Ano ang kaso niya?
"Ineng, matulog ka na," sabi ni 'Ka Belen na siyang pinakamalapit sa akin. May kasama pa pala akong gising. Akala ko'y ako na lamang ang mulat.
"'Ka Belen, puwede ba magtanong?" tanong ko.
"Ano 'yon?"
"Anong kaso ni Uno?" Tumagilid siya sa hinihigaan para harapin ako.
"Kidnapping," sabi nito at hindi ko maiwasang hindi ma-curious sa kaso niya. Sino ang kinidnap niya? Hindi ko magawang magtanong pa dahil baka kung ano na ang isipin ni 'Ka Belen. Minabuti kong manahimik na lamang at hinintay na antukin.
KINABUKASAN, tulad ng nakasanayan, mabilis kaming naligo at nagpunta sa tinatrabaho namin. Pero ngayon ay livelihood program ang gawain namin.
"Minnie, Minnie! Dito ka," tawag sa akin ni Mang Jojo. Nasa iisang table sila nina Uno. Marami silang ginagawang recycled materials. May mga natapos na rin sila, tulad ng vases na gawa sa mga lumang magazine. Masyadong pambabae ang gawaing ito at hindi ko akalain na gagawin ito ng mga lalaking burdado. Tiningnan ko si Uno at nagpipinta naman siya. Hindi ako mahilig sa arts pero nakuha nito ang atensyon ko.
Hindi ko sure kung tama ba ang pagkakaintindi ko pero larawan ng masayang pamilya ang nakikita ko sa kanyang abstract.
"Anong gusto mong gawin, Minnie?" tanong ni Rizza nang makaupo kami sa iisang table kasama sila. Nagkibit balikat ako dahil wala talaga akong hilig sa ganito, kaya inabutan na lamang ako ni Donna ng mga lumang diyaryo.
"Oh, para naman may silbi ka." Tinuruan ako nina Donna kung paano gumawa ng iba't ibang gamit mula sa diyaryo. Nang matapos ako sa handbag na ginagawa ay pininturahan ko ito ng puti. Nabagot lang ako dahil hindi ko naman nagustuhan ang aking mga pinaggagawa.
Pero hindi ako sumuko. Parang ayokong matapos ang project na 'to nang walang nagagawang maayos, katulad ng kay Uno.
"Minnie, murder nga ba ang kaso mo?" tanong ni Mang Rudy na abala naman sa pagdo-drawing.
"Oo."
"Sinong pinatay mo?" kasuwal naman na tanong ni Mang Jojo. Naramdaman ko ang paghinto ni Uno sa pagpipinta ngunit hindi inaalis ang mata roon. Alam kong nakikinig ang isang 'to.
"Congressman ang pinatay niyan," sabat ni Donna. "Nakita ko 'yan sa balita noong naglinis ako ng opisina nina chief."
"Congressman?" Ibinaba ni Uno ang paint brush na hawak at binalingan ako ng tingin.
"Baka si Valderama. Siya lang naman ang Congressman na kamakailan lang namatay," hinala ni Mang Jojo. Nakita ko ang panginginig ng labi ni Uno na batid kong dahil sa galit. Nilingon ko si Mang Jojo at tumango ako.