~ Minnie ~
LUMIPAS ang mga araw namin dito sa bahay nang normal. Wala masyadong nagbago sa amin ni Uno. Madalas pa rin kaming nagtatalo at bihira lamang magkasundo. Mahigit isang linggo na rin kami rito ngunit kapuwa hindi namin nararamdam ang pagkainip. Parang ayos lang kahit habang buhay na ako rito.
“Saan ka pupunta?” tanong ko kay Uno nang makita siyang tumatakbo palabas ng bahay.
“Sa bayan. Wala na tayong pagkain para mamayang gabi,” sabi niya kaya sumunod ako palabas.
“Sama ako—”
“Hindi!” Napatalon ako sa biglaang paghinto at mabilis na paglingon ni Uno para lamang sa pagpropesta niya dahil sa pahayag kong pagsama.
“Pero—"
“Minnie, alam mo ang nangyari noong unang beses kang nagtangkang sumama sa akin!” problemado niyang sabi. Naalala ko ang nangyari kinabukasan ng araw na iyon. Pumunta si Uno sa bayan habang tulog ako para hindi niya maisama. “Ni hindi ko nakalahati ang daan noon. Ngayon, kailangan kong makabili ng pangkain natin. So please, dito ka na lang,” pagmamakaawa niya pero gusto ko talagang sumama. Ayokong mapag-isa rito nang wala si Uno.
“Gusto kong sumama, please...” Hinawakan ko siya braso at huminga siya nang malalim.
“Sige na, sige na. Basta manahimik ka lang, Minnie. Baka kung saan-saan na naman mapunta ’yang kamay mo. Puputulin ko talaga ’yan oras na—” Naputol siya dahil sa pagtawa ko.
“Aww. Paano kita mahahawakan kung puputulin mo ’tong kamay ko?” Natatawa kong pinaghugis ‘O’ ang aking kamay at nanlaki ang mga mata ni Uno. Kailan ko lamang na-realize na hindi lang pala ako ang nawala sa katinuan ng gabing iyon.
Sa tuwing maririnig ko kung paano maghabol ng hininga si Uno ay hindi ko maiwasang ipagsawalang kibo ang lahat ng iyon. Lahat ng haplos at halik na pinagsaluhan namin ay mayroong kahulugan. Sa kung paano kami nabingi sa ungol at halinghing ng isa't isa.
Tinalikuran akong bigla ni Uno pero nakita ko ang pamumula ng kanyang mukha. Sa loob ng isang linggo, ngayon lang namin nabuksan ang topic na ito. Hindi ko rin alam kung paano biglang naging ganito kakomportable pag-usapan ang tungkol sa nangyari sa amin ni Uno.
Pero siguro nga ay dahil nagiging komportable na rin ako sa kanya. Na nasanay na ako sa presensya niya. Nababahala lamang ako na baka sa sobrang pagkasanay ko na nariyan palagi si Uno, hindi ko na makita ang aking sarili nang hindi siya nakakasama. At ito ang pinaka-ayaw ko sa lahat. Ang dumepende sa ibang tao.
“Bilisan mo. Sasama ka ba?” Bumalik lang ako sa sarili nang marinig ang boses ni Uno. Bumuntong hininga ako, tumakbo palapit sa big bike at umangkas sa kanya. Hanggang sa matiwasay naman kaming nakarating sa mataong bayan.
Maraming tao ngayon dito pero tila alam na ni Uno kung saan kami didiretso. Pumasok kami sa palengke at mga pagkain agad ang inuna niyang damputin. Wala siyang inaaksayang oras dahil alam niyang delikado ang ma-expose kami sa ganitong lugar. Inayos ko ang aking suot na cap at nakayuko kami kung maglakad. Pero hindi niya binibitiwan ang kamay ko kahit pa puno na ng plastic ang kabilang kamay.
May ilang pulis din ang rumoronda at nag-iikot kaya mas dinagdagan namin ang pag-iingat. Napadaan kami ni Uno sa nagtitinda ng diyaryo at nahagip ng paningin ko ang headline doon. Napabitiw ako sa kanya para balikan ang pahayagang iyon at binili.
“Anong ginawa mo?” tanong ni Uno. Marami-rami na rin ang bitbit niya kaya hinila ko na siya pabalik sa pinag-parkan ng bike.
“Tingnan mo,” sabi ko nang marating ang sasakyan namin. Tiningnan niya ang iniabot kong diyaryo at binasa ang nandoon. Nagkatinginan kami dahil mukha namin ang makikita. Ilang araw na rin marahil na ito ang headlines ng bawat pahayagan.