~ Minnie ~
NAGKUKUWENTUHAN kami rito sa selda nang biglang dumating si Rizza. Nagkatinginan kaming lahat, hindi naman siya umimik at dumiretso lamang sa higaan. Nagkibit-balikat ako sa kanila at hindi na lamang din sila nagsalita.
“1423, labas,” sabi ng dumating na guard at binuksan ang selda.
“Saan n’yo ako dadalhin?” tanong ko nang magsimula kaming maglakad.
“Sa interrogation room. Padating na si Detective Santos.” Hindi na ako muli pang nagtanong hanggang sa marating namin ang kuwarto, ipinasok niya ako roon at lumabas na ang guwardiya. Pero nang tingnan ko ang nasa table, hindi isang detective ang nadatnan ko.
“Kumusta?” kasuwal na tanong ni Mrs. Valderama. Hindi ako umalis sa kinatatayuan ko at tiningnan lang siya.
“Anong ginagawa mo rito?”
“Maupo ka, mag-usap tayo.” Hindi nawawala ang mga ngiti niya sa labi. Mga ngiti na sa tuwing eleksyon mo lamang makikita. Lumapit ako at naupo sa tapat ng desk.
“Anong kailangan mo?” ulit ko.
“Pabubuksan ni Attorney Quizon ang kaso mo?” Napangisi ako sa tanong niya. Oo nga naman, bakit pa ba ako nagtanong kung bakit siya narito, malamang ay dahil nabalitaan na niya ang hiling naming buksan ulit ang kaso.
“Oo,” inaantok kong sagot.
“Why? I mean...bakit ngayon lang? You have been silent for the whole trial. Bakit ngayong sintensyado ka na, saka ka lamang aapela?” natatawa nitong tanong na ginantihan ko ng marahan ding pagtawa.
“Dahil wala akong laban noon. Anong magagawa ko kung wala akong hawak na ebidensya? Kaya siniguro ko munang may hawak ako kahit na isa o dalawa lamang,”
“Anong ebidensya ba ang hawak mo?” Tumayo siya at tinukod ang mga kamay sa mesa. Natawa ulit ako sa tanong niya.
“Hindi ka naman siguro umaasang sasabihin ko sa iyo, hindi ba?” sabi ko at muli siyang naupo.
“Maingat kang kumilos, Miss Aguirre,” sambit nito.
“Maingat at tahimik, Mrs. Valderama. Bakit ka nga pala narito? Dahil ba asawa mo ang napatay, o dahil ayaw mong maisiwalat ang katotohanan?” nakangisi kong tanong at tumalim ang tingin niya sa akin. Mas lalo lamang akong nag-e-enjoy na makita ang takot sa kanyang mga mata. “Isa si Attorney Quizon sa may hawak ng ebidensya,” dagdag ko.
“Isa sa may hawak?” ulit nito. “Dinamay mo pa ang abogado mo.” Marahan siyang tumawa.
“Sa totoo lang, hindi ko siya dinamay. Mas mapoprotektahan ko pa nga siya.” Nagsalubong ang kanyang nagtataasang kilay.
“Mapoprotektahan?”
“Isa lamang siya sa may hawak ng ebidensya, Mrs. Valderama. Marami kaming pinagpasahan ng larawang magsisilbing ebidensya. Hawak ito ng iba’t ibang tao na kasamahan namin. Oras na may mangyaring masama sa amin ni Riley, maraming maglalabas ng ebidensya. Maging ang deleted CCTV footage kung saan naroon ang mga tunay na salarin, ilalabas nila,” sabi ko. Sumandal siya sa kinauupuan at mataman akong tiningnan. Pilit siyang umaarte nang normal pero hindi niya maitatago sa akin ang panginginig sa galit.
“Paano kung sa maling tao rin pala maibigay ng mga kasamahan mo ang ebidensya?” panghahamon niya.
“Sino bang nagsabing sa tao nila ibibigay? Kapag may namatay sa isa sa amin ni Riley, lahat ng ebidensyang hawak namin, sa social media namin ikakalat. Kaya subukan n’yong pagtangkaan ang buhay namin, aalingasaw ang baho ng mga nasa likod ng krimeng nangyari sa Valderama Mansion.” Tumayo si Mrs. Valderama dahil sa sinabi ko.
