Kabanata 3 : ANG MAHABANG BIYAHE

322 4 0
                                    

MAGKAHALONG excitement at pagkadismaya ang naramdaman ng B1 Gang nang makarating sila sa estasyon ng tren. Iyon ang magdadala sa kanila sa Bicol.

Maganda ang bungad ng estasyon lalo ngayong ginawa na itong shopping mall. Tutuban Center na ang tawag dito. Ang iba naman, Divisoria Mall ang bansag pero pareho rin naman ang tinutukoy. Ibang-iba na sa dating ayos na talaga namang lumang-luma. Ngayon, ayos Kastila pa nga ang mga estruktura at maging ang monumento ni Andres Bonifacio na dating kupas ay pinturado na ng matitingkad na kulay.

Ang problema nga lang, ang mga tren ay ang mga dati pa ring tren na una pa yatang ginamit noong panahon ng Hapon.

Pero excited pa rin ang barkada dahil ngayon lang sila makasasakay ng tren at ngayon din lang sila makararating sa Bicol. Dismayado naman sila dahil sa ayos ng mga tren na medyo sira-sira na nga at amoy kalawang pa ang ilang bahagi.

"Hindi naman ganyan ang hitsura niyan sa pelikula, a," inis na banggit ni Jo.

"Pelikula kasi 'yon kaya mukhang maganda," biglang singit ni Boging.

"Malayo talaga ang pelikula sa totoong buhay," suporta ni Kiko. "Teka, nasaan na kaya ang sundo natin?"

"Oo nga e. Baka umalis na ang tren. Maiwan tayo," ang pag-aalala ni Gino habang hindi inaalis ang tingin sa kanyang relo.

"Huwag kayong mag-alala, hindi tayo maiiwan ng tren," ang malambing na sagot ng boses ng babae mula sa likuran ni Gino.

Sabay-sabay na napalingon ang lahat sa nagsalita. Saglit na hindi nakakibo ang sinuman habang nakatitig sila sa bagong dating.

Hindi nalalayo ang edad ng nagsalita sa magkakabarkada. Maputi ito. Puwede nang sabihing mestisa na may dugong Espanyol. Mahaba ang itim na buhok na nakatali sa likuran.

"Nagulat ko ba kayo?" ang muling wika ng dalagita.

"Hindi. Hindi naman," sagot ni Jo. "Ikaw si Virgie?"

Tumango ang bagong dating habang hindi inaalis ang ngiti na nagpapalitaw naman sa malalalim nitong biloy sa magkabilang pisngi.

Nagpakilala ang grupo kay Virgie liban kay Kiko na nanatiling nakatitig lamang sa kaharap. Nang mapadako kay Kiko ang pakikipagkamay ni Virgie ay saka lamang napansin ng lahat na parang tulalang nakatingin pa rin sa dalagita si Kiko.

"Hi! Ako si Virgie."

Hindi sumagot si Kiko. Iniabot lamang nito ang kamay upang kunin din ang kamay ng dalagita. Tawang-tawa na ang tatlong kabarkada nito sa kakaibang ikinikilos ng binatilyo.

Lumapit si Boging kay Kiko at ilang ulit na ikinumpas ang kanyang mga kamay sa mukha ng kabarkada upang kahit paano ay mahimasmasan ito. Ngunit nanatili lamang itong tulala.

"Pipi ba siya?" pabulong na tanong ni Virgie kay Jo.

"Hindi a! Nerd, oo, pero hindi pipi."

"Ang ganda mo..," sa wakas ay tila wala sa sariling nasabi ni Kiko.

"Salamat..," nag-aalangang tugon ni Virgie. Naghintay ang dalagita kung may sasabihin pa si Kiko pero muling tumahimik ang binatilyo.

"O tayo na. Sumakay na tayo," yaya ni Virgie dahil naiilang na ito sa pagkakatitig ng binatilyo.

Makalipas ang ilang minuto ay nakasakay na rin, sa wakas, ang lima sa tren. Abot-tainga ang ngiti ng magkakabarkada. Hindi naman pala ganoong kasama ang kanilang kalagayan dahil may section pala ang tren na first class. Airconditioned sa bahaging iyon ng tren at halatang bagong linis. Ibang-iba sa kanilang nakita kanina na sinasakyan ng ibang pasahero.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.9:  Mata  ng DiyabloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon