NANG GABING yaon ay nagpunta nga ang B1 Gang at si Mang Mike sa barangay hall. Si Virgie ang sumalubong sa grupo.
"Magandang gabi sa inyo," bati sa kanila ng dalagita.
"Mas maganda ka pa sa gabi," tila nahihipnotismong sagot ni Kiko dahil talaga namang lumutang ang kagandahan ni Virgie sa suot nitong kulay pink na bestida. Pilyong nagsikuhan naman sina Jo at Boging.
"Ang Papa mo, dumating ba?" singit ni Mang Mike.
"Opo. Kaaalis lang nga ninyo nang dumating siya. Nasa loob na po si Papa at hinihintay kayo. Tena po," yaya ng dalagita.
Sa loob ay itinuro ni Virgie ang ama niya na nakaupo sa isang mahabang mesa. Nakangiting kumaway naman ang lalaki nang mapansin ang anak. Naglakad pasalubong sa grupo ang lalaki. At dahil doon ay tila ipinako sa kinatatayuan ang mga kabataan. Nagitla sila sa kanilang nakikita. Gumagamit ng baston ang ama ni Virgie sa paglalakad nito!
Makahulugang nagkatinginan sina Jo at Boging. Maaari kayang ang Papa ni Virgie ang nakalikha ng mga butas sa ilog na parang sanhi ng bastong naidiin sa lupa nang sinuri nila ang pinagmulan ng matang-apoy? Pero hindi ba't kararating lamang daw ng Papa ni Virgie mula sa Naga?
Masuyong inakbayan ng lalaki ang kaisa-isang anak. Ganoon din naman ang ginawa ng dalagita. Kitang-kita sa mukha ni Virgie na mahal na mahal nito ang ama.
Matapos ipakilala ni Virgie ang lahat ay nagkamay ang dalawang lalaki. Nagkumustahan muna nang ilang sandali ang mga ito bago nagsimulang mag-usap nang masinsinan. Isinenyas ni Mang Mike sa mga kabataan na iwan muna sila. Lumabas ng barangay hall na kasama ng barkada si Virgie.
Parang sinasadya ng pagkakataon na nagkasabay sa paglabas sa pinto sina Kiko at Virgie. At dahil na rin sa kakiputan ng pinto, nasanggi ni Kiko ang babae. Nagkatinginan sila ngunit sabay din namang nagsipagbawi ng mga sulyap. Si Virgie ang unang nagsalita. "Ano ang palagay mo, Kiko?"
"Palagay saan?"
"Sa ginagawang report ni Mang Mike..." "Ha? A e hindi ko pa nababasa ang report e," parang naiilang na iwas ni Kiko.
"Suspect ba ang Papa ko?" tahasang tanong nito.
Hindi kaagad nakakibo si Kiko. Alam niya ang dapat na isagot ngunit hindi niya magawang masabi iyon. Ayaw niyang siya pa ang pagmulan ng mga detalye na makakasakit sa damdamin ni Virgie.
Walang kibuang nagpatuloy na lumakad ang dalawa papalayo sa barangay hall. Hindi nila namamalayan na sadyang lumalayo sina Boging, Jo at Gino upang mabigyan sila ng pagkakataong makapag-usap nang sarilinan. Biglang napahinto si Kiko nang mapansin niyang may nangyayari sa dalaga.
"Bakit ka umiiyak, Virgie?"
"Wala 'to..." sagot ng dalagita na sinabayan pa ng pagpapahid ng luha. "Puwede ba tayong mag-usap nang seryoso?"
"Oo naman, Virgie. You can trust me." Naupo ang dalawa sa bangko sa ilalim ng malaking punong narra na ilang metro ang layo sa barangay hall. Hinintay ni Kiko na magsalita ang kaharap. Ilang minuto rin ang lumipas bago tuluyang nagkaroon ng lakas ng loob si Virgie para magpatuloy.
"Matagal nang may balak ang Papa sa ilog na tumatagos sa lupa namin. Mahaba kasi ang ilog na iyan. Ang sabi nga ay kayang tagusin nito ang buong Tigaon. Mataas ang bahagi ng ilog na nasa aming lupain. Pabor ang ayos na ito sa mga magsasaka dahil malakas ang daloy ng tubig sa kanilang mga bukid kapag nakikiusap silang gumamit ng ilog bilang patubig," panimula ni Virgie na may halong buntong-hininga.
"Kiko, balak ni Papa na magtayo ng bagong negosyo na kasosyo ang ilang Hapones. Ang deal nga nila ng mga Hapones ang inaasikaso niya ngayon sa Naga. Magtatayo sila ng plantang gawaan ng semento sa itaas mismo ng ilog. Gagawin nilang coolant ang tubig sa ilog."
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.9: Mata ng Diyablo
Teen FictionMga matang apoy?! Isa-isa nang lumilisan ang mga taga-Tigaon dahil sa takot. Muli raw nagbalik ang mga matang apoy sa ilog! Ayon sa mga matatanda, ang mga bolang apoy na iyon ay mata ng diyablo at ang sinumang tumitig doon ay matutupok! Ano ang li...