NAKAPAGPAHINGA na nang maayos sina Kiko at Boging nang harapin sila ni Mang Mike. Nagkumpulan ang B1 Gang kasama si Mang Mike sa komedor. May ilang minuto na ring nakaupo ang lahat bago nagsalita ang lalaki.
"Ano ba ang nakita n'yo, Kiko, Boging?" Sabay na nagsalita ang dalawa kaya walang naintindihan ang mga nakikinig sa kanila. Naguluhan si Mang Mike.
"Sandali lang, mga bata. Walang mangyayari kung hindi kayo magbibigayan. Isa-isa lang. Ikaw muna, Boging."
"Dalawang bola po ng apoy. Napakaliwanag. Nakakasilaw pong talaga. Pumikit nga po ako kaagad dahil naalala ko ang kuwento ni Mang Kanor. Pero kahit nakapikit na po ako, e, parang nakikita ko pa rin ang liwanag ng mga matang-apoy. Kaya tumalikod po ako."
"Ikaw naman, Kiko..."
"Totoo po ang sinabi ni Boging. Napakaliwanag po talaga ng mga matang-apoy. Pero ako po, matagal ako bago nagdesisyong pumikit kaya nakita ko na tinawid nang ilang ulit ng mga matang-apoy ang magkabilang pampang ng ilog."
"Ang ibig mong sabihin ay hindi nanatili sa isang lugar lang ang mga matang-apoy?" ang sunod na tanong ni Mang Mike.
"Hindi po. Gumagalaw pong talaga!" Biglang nag-isip si Mang Mike. Bago muling nagtanong. "Paano n'yo unang nakita ang mga matang-apoy?"
"Maliit po muna hanggang lumaki nang lumaki." Si Kiko pa rin.
"At pagkatapos?" si Gino na halatang dalang-dala na ng kanyang naririnig.
"Pumikit na ako nang makita kong ilang ulit na tinawid ng mga matang-apoy ang magkabilang pampang," ang wika ni Kiko na napayuko.
"Ako rin po," dagdag ni Boging.
"Pagdilat n'yong dalawa ay wala na ang mga apoy?"
"Opo," tango ni Kiko.
"Kung babalik tayo sa ilog, maaalala ba ninyo ang eksaktong lugar na kinakitaan n'yo sa mga matang-apoy?"
"Kaya ko pong maituro," matatag na wika ni Kiko.
"Kailangan po ba talagang bumalik tayo, Mang Mike?" sabad ni Boging na halata ang nararamdamang kaba.
"Kailangan Boging. Kailangan..."
"Ang dilim-dilim na ho e," Si Boging ulit. "Huwag kang mag-alala, Boging. Hindi pa ngayon. Magpapaumaga muna tayo," natawang sagot ng lalaki.
Saka lamang nakahinga nang maluwag si Boging.
Bago magkahiwa-hiwalay ang lahat ay naalala ni Kiko ang pulburang nakita niya sa bahay nina Virgie. Sinabi niya iyon kay Mang Mike. Lalong napakunot ang noo ng imbestigador. Hindi ganoon kasimple ang kasong ito.
IKAPITO PA LAMANG ng umaga ay nasa gawing iyon na ng ilog ang lima. Naghahanap ang lahat ng kahit na anong maaaring mapagbatayan ng kanilang mga palagay. Ilang minuto rin ang lumipas nang biglang sumigaw si Jo.
"Dad!"
"Bakit, Gino?" tanong ng lalaki sa kapatid. "May upos ng sigarilyo dito!"
Nilapitan ni Mang Mike ang bagay na tangan-tangan ng anak at saglit na sinipat. Tinandaan nito ang 'brand' ng sigarilyo na upos na lamang ngayon.
Si Boging naman ang sumigaw kaya biglang nagtakbuhan ang lahat papunta sa gawi ni taba. May kung anong hinihila si Boging mula sa likod ng mga halaman nang magdatingan ang apat.
"Ano 'yan?" tanong ni Kiko. "Alambre. Mahabang alambreng itim." "Iunat n'yo. Tingnan natin kung gaano kahaba 'yan."
Agad namang kumilos ang lahat at iniunat ang mahabang alambreng itim. Nang ganap nang maiunat ito ay sobra pa nga para makatawid sa magkabilang pampang ng ilog. Ilang ulit itong puwedeng makatawid sa ilog nang walang anumang kulang.
"Yuk!" parang nandidiri namang sabi ni Jo nang mapansin niyang nangitim ang kanyang kamay nang hawakan niya ang itim ding alambre.
Unti-unti namang nakabuo na ng kanyang haka-haka si Mang Mike. Pinangkat niya ang grupo. Sina Kiko at Gino ay pupunta sa bahay nina Mang Ben at Aling Sally upang magtanung-tanong tungkol sa kanilang sariling bersyon ng mga matang-apoy. Si Mang Mike ay sa bahay naman nina Virgie tutungo upang kumpirmahin ang nakita nina Kiko'ng mga kahon ng pulbura. Sina Boging at Jo naman ay maghihintay sa bahay ng kung anumang mga developments.
Nakaahon na sa ilog ang apat na lalaki ay naiwan pa rin sa may gawing pampang si Jo. Sinisipat niya ang ilang bahagi ng lupa na nasa pampang. Sinusukat niya ng daliri ang ilang maliliit ng butas na nasa lupa. Kasinglaki iyon ng piso at mababaw lamang.
Hanggang sa pag-uwi ay nasa isip pa rin ni Jo ang mga nakitang butas. Iniisip niya kung ano ang maaaring nakasanhi noon.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.9: Mata ng Diyablo
Teen FictionMga matang apoy?! Isa-isa nang lumilisan ang mga taga-Tigaon dahil sa takot. Muli raw nagbalik ang mga matang apoy sa ilog! Ayon sa mga matatanda, ang mga bolang apoy na iyon ay mata ng diyablo at ang sinumang tumitig doon ay matutupok! Ano ang li...