Kabanata 7: MGA ANINO SA DILIM

223 5 0
                                    

KASISIKAT PA LAMANG ng araw nang magtungo sa ilog ang B1 Gang kasama si Mang Mike. Hindi kababakasan ng anumang pagkabahala ang mga kabataan. Bukod sa talagang sabik sila sa pamamasyal ay binigyan na sila ng instructions ni Mang Mike na huwag magpapahalata at ipakitang tulad lamang sila sa mga inosenteng nagbabakasyon.

Napakaganda ng ilog ng Tigaon. Malinis ang tubig na malumanay na dumadaloy. Bagamat may lugar na malalim ay may mga bahagi namang hanggang tuhod lamang ang tubig. Bulubundukin din ang ilang bahagi ng pampang ngunit masayang binaba at pinanik iyon ng mga kabataan. Kahit nga si Boging ay hindi kinaringgan ng reklamo gayong nagsisimula nang pawisan ito.

Gumawi ang magkakasama sa lugar na mababaw. Nagtampisaw ang magkaka-barkada. Bihira silang makaranas ng ganito dahil wala nang malinis na ilog sa Maynila. Ang madalas nilang makitang ilog sa Maynila ay ang Pasig. Pero sino ba namang matinong tao na gustong manatiling mabango ang magtatangkang magtampisaw sa Ilog Pasig?

Nalibang ang magkakabarkada sa pagtatampisaw kaya hindi nila namalayang dumating na pala si Virgie. May dalang basket na puno ng pagkain ang dalagita. Si Mang Mike ang unang nakapansin sa dumating at siyang tumulong sa pag-aayos ng mga pagkain. Nakaayos na ang lahat nang tawagin ni Mang Mike ang magkakabarkada.

Nagkakandarapa sa pagtakbo si Boging samantalang kung tutuusin ay siya pa nga ang nakakain na ng almusal sa kanilang lahat. Gayunman, nagdasal pa rin si taba bago niya sinimulang upakan ang nakahaing pansit.

"Hindi ba nag-almusal ka na, Boging?" tanong ni Jo na naiiling na lang sa katakawan ng kaibigan.

"Oo. Pero anim na pandesal lang ang nakain ko at dalawang baso ng mainit na tsokolate," sagot ni Boging habang namumuwalan sa kinakaing pansit.

"Kulang pa sa 'yo iyon?"

"Natunaw ko na kamo! Kita mo namang pataas-baba ang dinaan natin kanina a!" Tawanan nang malakas ang lahat. Ngunit kahit na tumatawa, patuloy pa rin si Boging sa pagnguya.

"Siyanga pala, maiba tayo. Kumusta ang lakad n'yo ni Kiko kay Mang Kanor, Gino?" Si Mang Mike.

"Okey, Dad. Marami kaming nakuhang impormasyon tungkol sa mga pinaniniwalaan sa matang-apoy." Isinaad ni Gino ang kuwento ni Mang Kanor.

Dilat na dilat ang mga mata nina Jo at Boging habang nakikinig kay Gino. Maging si Mang Mike ay buhos ang atensiyon sa panganay na anak.

Hindi tuloy nila napansin, hindi kalayuan sa dako nila, na may dalawang aninong kanina pa nakamasid sa grupo. Kitang-kita ng mga iyon ang ginagawa ng magkakasama. Mababakas sa mga mata ng mga anino ang kanilang maitim na balak.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.9:  Mata  ng DiyabloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon