Kabanata 12: PaGTUKLAS NG MGA LIHIM

200 4 0
                                    

"ANO?! Nababaliw ka na ba, Diyosa? E kung nasa loob pala 'yung zombie, este, si Mang Kanor?" pagtatalak ni Boging sa mungkahi ng kasama.

"Wala siya 'no? E di sana'y lumabas na siya kanina pa noong nag-e-emote ka na pang-senakulo!"

"Pero, Jo, ang liit-liit ng kubo. Wala tayong mapagtataguan kung biglang dumating si Mang Kanor. Tapos puwede pa niya tayong ipapulis," katwiran uli ni Boging.

Tumahimik si Jo. "Sige na nga, silipin na lang natin ang loob. At least, kung mahuhuli tayo e puwede tayong magpalusot na hinahanap lang natin siya."

Naghanap ang dalawa ng siwang sa gilid ng kubo. Nakatiyempo si Boging ng may kalakihang butas. Ipinikit ni taba ang isang mata at idinikit ang mukha sa dingding. Pilit niyang inaaninag ang mga bagay na naroon. Madilim ang loob ng kubo kaya kailangan pang hintayin ni Boging na mag-adjust ang kanyang paningin sa dilim.

Unti-unti ay nagsimulang magkaroon ng anyo ang sinisilip ni taba. Kuwadrado... may kalakihan... mukhang luma. "Baul. Lumang baul," isip ni Boging nang mapansin niyang may nakapatong sa baul na nasa bahaging kaliwa lamang ng butas na sinisilipan niya. Kulay puti... pabilog na hindi mawari ang hugis... may apat na butas at... ngipin. "Ngipin!?" nagtatakang isip ni taba.

Pinagbuti ni Boging ang pagsilip. Naghanap siya ng magandang anggulo. Huli na nang matanto ni taba na natapat pala siya sa kinaroroonan ng baul na may nakapatong na bungo. Nagkatitigan sila ng bungo!

Gayon na lamang ang gulat ni Jo nang marinig nito ang malakas na sigaw ni Boging. Nataranta na rin ang dalagita kaya napasabay ito sa biglang pagtakbo ni Boging para magkubli. Nasumpungan na lamang ng dalawa na nagtatago sila sa likod ng makapal na hilera ng mga puno ng saging.

Humihingal ang dalawa habang nakasandal ang mga likod sa puno. Ilang sandali pa ang lumipas bago naisipang itanong ni Jo kung ano ang dahilan ng pagsigaw at pagtakbo ni Boging.

"May bungo..," ang tanging nasabi ni Boging.

"Saan?"

"S-Sa loob ng kubo. Sa ibabaw ng baul. Nakatingin sa akin!"

"Paanong titingin sa 'yo ang bungo, e wala nang mata 'yon?"

"Ewan ko, basta 'yon ang pakiramdam ko e. Pero, Jo, anong klaseng tao ang nagtatago ng bungo sa bahay?"

Napakibit-balikat si Jo. "Isa lang ang paraan para masagot ang tanong mo, Bogs. Balikan natin ang kubo ni Mang Kanor," anito kasabay nang tayo.

"Sandali naman, Jo. Pagod pa 'ko e," nakatingalang samo ni Boging sa dalagita pero nagpapalusot lang ito.

"Kanina pa tayo dito a. Tayo na," sagot ni Jo kasabay ang buong lakas na paghaltak sa kaliwang braso ni taba para mapilitang tumindig ang binatilyo. Kaya lang ay dumulas ang pagkakahawak ni Jo dahil may pawis pa rin ang braso ni Boging. Paatras na tumilapon ang dalagita. Malakas na napaupo si Jo sa lupa.

"Aray ko!" bulalas ni Jo na hawak ang puwitan dahil sa sakit na natamo.

Mabilis namang sumaklolo si Boging. Bumangon agad ito at nilapitan si Jo. "Nasugatan ka ba, Jo?"

"Hindi. Kaya lang parang nakantuhan ako e," nakangiwing sagot ng dalagita na kinapa-kapa ang bahagi ng lupa na nabagsakan niya. Nang biglang mabura ang ngiwi ni Jo at mapalitan ng pagkamangha. "Bogs, may lona sa ilalim ng lupa."

"Bakit naman magkakaroon ng lona d'yan? Sino naman ang magtatago ng kung anong bagay dito sa mga puno ng saging?" pansin ni taba. Nagkatinginan ang dalawa sa sinabi ni Boging at nagkaintindihan. Halos sabay silang lumuhod at mabilis na naghukay.

Ilang saglit pa at lumitaw na nga ang lona. "Hawakan mo 'yung kabila, Bogs," sabi ni Jo na tangan ang isang dulo. Sabay na inangat ng dalawa ang lona at lalo silang nagtaka sa lumantad sa kanilang paningin.

May nakabaong malaking kahon na yari sa stainless steel! Iyon pala ang naupuan ni Jo kaya nasaktan ang dalagita. Pero ano ang laman noon? Sabik na binuksan ng dalawa ang kahon ngunit malaking supot na plastic ang nakita nila.

"Kung ano man ang nasa loob nitong kahon, Bogs, e tinitiyak no'ng nagtago na hindi mababasa ang laman," pansin ni Jo na sinisimulan nang buksan ang supot. At nang lumantad ang laman ng supot ay parang natuklaw ang mga kabataan sa nakita: mga kagamitan sa paggawa ng paputok!



MULING TINABUNAN ng dalawa ang natuklasan upang hindi maghinala ang nagbaon niyon. Ngayo'y hatak-hatak ni Jo si Boging na talaga namang napakabigat ng mga paa sa paglalakad. Pupunta kasi ang dalawa sa ilog.

"Wala ka ba talagang lagnat, Jo?"

"Bakit naman ako lalagnatin?"

"Kasi mukhang nahihibang ka na, e."

"Bakit naman?"

"E bakit hindi na muna natin ipaalam ang nadiskubre natin sa tatay mo?"

"Mamaya pa babalik si Daddy e. Meron lang akong gustong balikan sa ilog," sagot ni Jo.

Ilang saglit lamang at narating na nila ang pakay. Tiningnan ni Jo ang lupa sa pampang kung saan nila nakita ang itim na alambre noong una silang magpunta rito. Subalit ilang segundo pa lamang silang naroroon nang may marinig silang kaluskos ng mga dahong hinahawi. Mukhang may mga parating! Lalo silang nakatiyak na may mga tao ngang paparating nang may matapakan ang mga iyon na tuyong sanga.

Mabilis na nagtago sina Boging at Jo. Gayunman, hindi sila masyadong nakalayo dahil baka makita na sila ng sinumang dumarating.

Hindi nagtagal ang dalawang nilalang. Mayroon lamang kung anong tiningnan din ang mga ito at naghanda na ring umalis. Ligtas na sana sina Boging nang sa paglingon ni Jo kay taba ay kitang-kita niya ang pagbabago sa mga guhit ng mukha nito... babahing si Boging!

Nataranta si Jo. Hindi pa gaanong nakalalayo ang mga pinagtaguan nila. Tiyak na maririnig ang paghatsing ni Boging. Kilala ni Jo kung paano bumahing si Boging. Talo pa nito ang platoon leader na nag-uutos sa mga kadete at gumagamit pa ng megaphone.

Balak na sanang ingudngod ni Jo sa buhanginan ng pampang si Boging ngunit nahuli siya.... bumahing na nga si Boging!

Kumaripas ng takbo ang dalawa! Walang lingun-lingon. Dinig na dinig naman nila ang mabilis na kaluskos ng mga paghawi ng mga halaman. Sinusundan sila!

"Takbo, Boging! Bilis!" sabi ni Jo sa kasunod na tumatakbo ring binatilyo.

Hindi na nakasagot pa si Boging. Puro hingal na lang ang narinig ni Jo mula sa kaibigan.

Nang makapanhik na si Jo sa gawi ng pampang na siyang pinakamataas na bahagi ng ilog, agad siyang nagpadausdos upang mabilis na makababa. Kapag nakababa siya roon, bukid na ang tatakbuhin niya. At ligtas na sila ni Boging kapag nakarating sila sa gawi ng kalsada dahil may mga sasakyan na nagdaraan doon at may mga ilaw.

"Malapit na tayo, Boging... Boging? ...Bog..."

Wala si Boging sa likod niya! Baka nahuli si Boging. Sa pagkataranta, babalik sana si Jo ngunit bigla siyang nakarinig ng tawag. Nang lumingon siya ay nakita niya si Boging na tihayang-tihaya na nakabaon sa mga bagong tanim na palay sa bukid.

"Anong ginagawa mo riyan?" "Mukha ba 'kong nagpapahinga?" "Paano kang nakarating diyan?" "Gumulong... pagod na pagod na kasi ako!"

Napahalakhak na lang si Jo. Tinulungan niya ang kabarkada para makabangon. Katatayo pa lamang ni Boging nang bigla itong sumigaw.

"Bakit, Boging? May masakit ba sa katawan mo?"

"Wala pa."

"Anong wala pa?"

"Kasi, tiyak na mananakit ang katawan natin kapag inabutan tayo ng mga iyon!" ang wika ni Boging sabay turo sa dalawang aninong nakatayo sa pinanggalingan nila kanina.

"Takbo na!"

Muling kumaripas ng takbo ang dalawa hanggang sa marating nila ang kalsada. Nang lingunin nila ang mga aninong humahabol sa kanila, wala na ang mga iyon. Hinang-hinang napaupo sa gilid ng kalsada sina Jo at Boging. Ngayon ay tiyak na nila... hindi lamang isa ang kalaban nila.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.9:  Mata  ng DiyabloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon