HUMINGA nang malalim si Jeena bago bumaba ng sinakyan niyang taxi pabalik sa Doña Constancia Tower. Nakita niyang nakatayo sa entrance ng building si Raziel. Nakaamerikana ito. Lumapit siya rito.
“Good afternoon, Mr. Quiñones,” magalang na bati niya rito.
Tiningnan siya nito. “You’re late,” matabang na sabi nito. Nauna na itong lumakad patungo sa kinaroroonan ng kotse nito.
Nagsalubong ang mga kilay niya at napatingin siya sa suot niyang relo. “Eksakto naman ho ang pagdating ko, ah,” aniya habang nakasunod dito.
Hindi nito pinansin ang sinabi niya. Binuksan nito ang pinto sa passenger’s seat. “Get in,” sabi nito.
Tumalima siya.
Isinara nito ang pinto at lumigid ito sa driver’s seat. Pagkaupo roon ay pinaandar na nito ang makina. Sinulyapan pa siya nito bago umiling. “Gawain mo ba talaga na dumating nang late sa mga appointments mo, Miss Angeles?” tanong nito nang bumibiyahe na sila.
Napatingin siya rito. “Ano ho?”
“Late kang dumating sa orientation ninyo, hindi ba? Ngayon naman, pinaghintay mo ang boss mo for almost half an hour. Hindi magandang habit 'yan, Miss Angeles.”
Nagulat siya sa sinabi nito. “Half an hour? Sandali lang po, Sir. Ang alam ko ho, five o’clock ninyo ako daraanan.”
“Malinaw ang sinabi ko kay Mrs. Palma na four-thirty kita susunduin dahil kailangang nasa hotel na tayo at exactly five o’clock. Six o’clock magsisimula ang conference.”
“Pero ang sabi ho sa akin ni—”
“I don’t want this to happen again, Miss Angeles. Sa uri ng trabaho mo, walang lugar para sa mga tamad at babagal-bagal na tao,” putol nito sa pagsasalita niya.
Nagtagis ang mga bagang niya sa inis. “Hindi ho ako tamad at lalong hindi ako babagal-bagal. Na-late ho ako sa orientation noon dahil nga ho naputol ang takong ng sapatos ko. Hindi ho ako nakatakbo o nakalakad nang mabilis.”
Tiningnan lang siya nito. Halatang hindi nito inaasahan ang pangangatwiran niya.
“Ngayon naman ho, na-late ako dahil hindi ko masyadong naintindihan ang instruction ni Mrs. Palma. I’m really sorry, Sir. I promise you it won’t happen again.” Ibinaling niya ang tingin sa labas ng kotse. Nagpupuyos ang kalooban niya. Galit na galit siya kay Mrs. Palma. Ang bruhang iyon... I’m sure sinadya niyang mangyari ito para magalit sa akin si Sir. Bumuntong-hininga siya at pasimpleng sinulyapan ang katabi.
Hanggang sa makarating sila sa Manila Hotel ay hindi sila nagkikibuan. Tahimik na nakasunod lang siya rito patungo sa Sampaguita Hall.
“I expect you already know what to do,” wika nito pagpasok nila sa venue ng conference.
Tumango siya. Tatalikod na sana siya nang pigilan siya nito sa braso.
“Where are you going?”
“Sa dapat kong kalugaran,” mapaklang sagot niya. “Doon sa table na naka-reserve for media.”
“Hindi ka uupo roon. Doon ka sa table kung nasaan ako.”
“Paano ko magagawa ang tra—”
“Hindi mo na kailangang sumama sa ibang mga reporters to get the information you need for your article. Makinig ka na lang sa usapan nila mula sa table natin.”
Hihirit pa sana siya pero tinalikuran na siya nito. Nakasimangot na sumunod na lang siya rito. Ipinakilala siya nito sa lima pang kasama nila sa table; mga kaibigan pala nito ang mga iyon. Iniwan siya sandali ni Raziel. Nilapitan nito ang iba pang mga participants.
BINABASA MO ANG
❤With Just One Kiss (COMPLETED; Published under PHR)
RomancePlano ni Jeena na Huwag magtagal sa Quiñones Publishing Company. Kailangan lang niya ng work experience para makapag-apply siya sa mas malaking publikasyon. Pero nang makita niya nang Harapan ang presidente nilang si Raziel Quiñones ay biglang nag-i...