TAHIMIK na nakaupo sa buhanginan si Jeena habang nakatanaw sa karagatan. Hindi siya nakatulog sa pag-iisip sa nangyari sa kanila ni Raziel. Ang tanga-tanga niya. Bakit hinayaan niyang mangyari iyon? Paano na siya ngayon? Pakiramdam niya ay mababaliw siya sa pag-iisip. Napakislot siya nang may magsalita mula sa likuran niya.
"Nandito ka lang pala. Kanina pa kita hinahanap."
Nilingon niya si Raziel. "G-gising ka na pala."
Umupo ito sa tabi niya. Namayani ang ilang sandali ng katahimikan bago ito nagsalita. "Nag-breakfast ka na ba?" tanong nito.
Umiling siya. "Hindi pa ako nagugutom."
Muling namayani ang katahimikan. Tila pareho nilang hindi malaman kung ano ang dapat sabihin. Hanggang sa hindi na niya nakayanan ang tensiyon. Tatayo na sana siya para umalis nang magsalita ito.
"We need to talk."
"About what?" Tiningnan niya ito.
"About us. About what happened last night."
Nag-iwas siya ng tingin at hindi siya nagsalita.
"Nakahanda akong panagutan ang nangyari sa atin."
Muli niyang tiningnan ito. "Wala kang dapat panagutan. Hindi natin parehong ginusto ang nangyari. Pareho lang tayong nadala ng sitwasyon."
"Pakakasalan kita," wika nito na parang hindi narinig ang sinabi niya.
"Bakit?"
"Hindi kita puwedeng basta na lang pabayaan pagkatapos ng nangyari sa atin."
Parang tinarakan ng kutsilyo ang dibdib niya dahil sa sinabi nito. Pakakasalan siya nito dahil lang nakokonsensiya ito sa nangyari sa kanila. Napailing siya. "Kalimutan na lang natin ang nangyari."
"Pero, Jeena-"
"Raziel, isang pagkakamali ang nangyari sa atin kagabi at mas malaking pagkakamali kung tatanggapin ko ang kasal na iniaalok mo."
Hindi ito nagsalita. Nanatili lang itong nakatitig sa kanya.
Napabuga siya ng hangin. "Hindi tayo puwedeng magpakasal dahil lang sa nangyari sa atin. Hindi na tayo mga bata para mag-isip nang ganoon kababaw. Kalimutan natin ang nangyari, that's the best thing we could do."
Walang sabi-sabing tumayo siya at iniwan ito. Nangingilid ang mga luha niya habang naglalakad siya pabalik sa hotel. Kung sasabihin mo lang na mahal mo ako, Raziel, hindi na ako magdadalawang-isip na tanggapin ang alok mong kasal, anang isip niya kasabay ng pagpatak ng kanyang mga luha. Dumiretso siya sa hotel room niya at nagkulong doon. Pinilit niyang alisin sa isip niya ang mga nangyari sa pamamagitan ng pagsusulat.
Hindi na niya namalayan ang oras. Natigil lamang siya sa ginagawa nang may kumatok sa pinto. Tumayo siya at binuksan iyon. Isa sa mga tauhan ng hotel ang napagbuksan niya.
"Ipinapatawag ho kayo ni Ma'am Grace. Sabay-sabay na raw ho kayong mag-lunch," sabi nito.
Gusto sana niyang tumanggi pero nahiya siya kay Grace. "Sige, sabihin mong susunod na ako."
"Opo. Naghihintay po sila roon sa café."
Tumango lang siya at isinara na ang pinto. Matamlay na humarap siya sa salamin. Nag-ayos siya ng sarili. Pagkatapos ay bumaba na siya sa café.
****
"HI, JEENA!" masiglang bati sa kanya ni Grace nang makalapit siya rito. As expected, kasama nito si Raziel.
Tipid na ngiti lang ang isinukli niya. Umupo siya sa bakanteng silya. Tahimik lang na umiinom ng juice si Raziel. Hindi man lang siya tiningnan nito. Wala ring kibo na naglagay siya ng pagkain sa kanyang plato at nagsimulang kumain. Hindi niya malasahan ang kinakain niya. Tumikhim si Grace. Sabay silang nag-angat ng tingin ni Raziel dito.
BINABASA MO ANG
❤With Just One Kiss (COMPLETED; Published under PHR)
RomancePlano ni Jeena na Huwag magtagal sa Quiñones Publishing Company. Kailangan lang niya ng work experience para makapag-apply siya sa mas malaking publikasyon. Pero nang makita niya nang Harapan ang presidente nilang si Raziel Quiñones ay biglang nag-i...