TAHIMIK na kinakastigo ni Jeena ang sarili habang lulan siya ng taxi at binabagtas ang daan papunta sa Buendia kung saan matatagpuan ang opisina ng Quiñones Publishing Company. “Manong, wala na ho bang ibibilis itong taxi ninyo?” naiiritang tanong niya sa driver.
“May ibibilis pa, Miss. Ang kaso, sa sobrang traffic, eh, hindi ako puwedeng umarangkada,” sabi nito na halatang nainis din sa paraan ng pagtatanong niya.
Napakamot siya sa ulo. “Ang tanga-tanga mo kasi, Jeena. Alam mo namang may lakad ka ngayong umaga, saka mo pa kinalimutang i-set ang alarm clock mo,” sermon niya sa sarili.
Halos tatlumpung minuto pa ang lumipas bago niya narating ang Doña Constancia Tower. Iniabot niya sa driver ang bayad at nagmamadali na siyang bumaba ng taxi.
“Ay!” malakas na sabi niya nang matapilok siya bago pa man siya makapasok sa loob ng building.“Miss, okay ka lang?” tanong sa kanya ng guwardiya.
Ikaw kaya ang matapilok, maging okay ka kaya? ngalingaling isagot niya. Mabuti na lang at naisip niyang wala sa lugar kung magtataray siya. Nag-aalala na nga ito sa kanya, tatarayan pa niya.
“Okay lang ho ako,” sabi na lang niya. Pagtayo niya ay muntik naman siyang matumba. Mabuti na lang at nakahawak siya sa glass door. “Damn!” Hindi niya napigilan ang sarili na mapamura nang makitang naputol ang takong ng sapatos niya. Hinubad niya iyon at tinitigan. Gusto niyang maiyak. Kung bakit noon pa nangyari sa kanya ang kamalasang iyon.
“Miss, gusto mo ayusin muna natin iyan? Magagawan ko iyan ng paraan,” pag-aalok ng tulong ng guwardiya na bakas sa mukha ang pagkaawa sa kanya.
“Salamat na lang ho, Kuya, pero nagmamadali ako dahil may appointment ako. Ako na lang ho ang bahala rito,” tanggi niya, sabay hila sa natanggal na takong upang tuluyan na iyong humiwalay sa sapatos. Isinilid niya sa kanyang shoulder bag ang takong. Kahit hindi niya nakikita ang sarili sa salamin ay alam niyang namumula ang kanyang mukha. Pinagtitinginan kasi siya ng mga nakakasalubong niya dahil hindi pantay ang paglalakad niya.
Sa wakas ay nakarating siya sa eleventh floor kung saan naroon ang opisina ng Quiñones Publishing Company. Pumasok siya sa opisina niyon at nagtanong sa unang taong nakasalubong niya.
“Nagsisimula na ang orientaton. Naroon sila sa twelfth floor, sa pang-apat na pinto papunta sa kaliwa,” sabi ng babae.
Pigil ang sarili na mapamura, nagmamadali siyang umakyat sa kasunod na palapag at tinungo ang silid na itinuro ng babae. Pagkatapos niyang kumatok nang tatlong beses ay itinulak niya ang pinto at pumasok sa loob niyon.
“Good morning, Ma’am, Sir,” bati niya sa dalawang taong nakatayo sa harap. “I’m sorry, I’m late.”
“Are you Miss Jeenalyn Angeles?” tanong ng babae sa kanya na walang iba kundi ang editor na nag-interview sa kanya.
Tumango siya. “Yes, Ma’am.”
“You may take your seat,” malamig na sabi nito. Halatang hindi nito nagustuhan ang pagka-late niya.
Nakayukong umupo siya sa bakanteng upuan sa bandang likuran. Hiyang-hiya siya. She wanted to make an impression pero hindi sa ganoong paraan. Hinding-hindi niya makakalimutan ang kamalasang iyon kahit kailan. Nag-angat lang siya ng tingin nang magsalita uli ang editor. Ipinakilala nito sa kanila ang lalaking kasama nito na siya palang publisher at apo ng may-ari ng kompanya. Lalo siyang nakaramdam ng pagkapahiya.
Nice, Jeena! Sa harap ka pa ng big boss n’yo nagkalat, anang isang bahagi ng isip niya.
Sinikap niyang iwaksi sa isip ang nangyari. Nag-concentrate siya sa pakikinig sa mga sinasabi nina Mrs. Palma at Raziel Quiñones. Pagkatapos ng mahigit tatlong oras ay natapos ang orientation nila.
BINABASA MO ANG
❤With Just One Kiss (COMPLETED; Published under PHR)
RomancePlano ni Jeena na Huwag magtagal sa Quiñones Publishing Company. Kailangan lang niya ng work experience para makapag-apply siya sa mas malaking publikasyon. Pero nang makita niya nang Harapan ang presidente nilang si Raziel Quiñones ay biglang nag-i...