“JEENA, Jeena,” tawag sa kanya ni Bianca. Niyugyog pa nito ang mga balikat niya.
“Bakit ba?” Dumilat siya at pupungas-pungas na umupo sa kama.
“Hinahanap ka na nila. Kanina pa kami nagkakasayahan sa pagsu-swimming. Wala ka bang balak bumaba at sumali sa amin?”
“Masakit ang ulo ko, eh,” aniyang sinapo pa ang ulo. Talagang masakit iyon dahil sa hangover.
Umismid ito. “Paano ba naman hindi sasakit 'yan, eh, para kang aagawan ng alak kanina. 'Tapos, nang malasing ka, bigla mo na lang kaming nilayasan.”
“I’m sorry. Umiikot na kasi talaga ang paningin ko kanina kaya bumalik ako rito.”
Inismiran siya nito. “Ang ayus-ayos ng usapan na hihintayin na nating magliwanag para diretso na tayo sa pagsu-swimming.”
Hindi na siya sumagot. Bumalik na lang siya sa pagkakahiga at muling ipinikit ang mga mata.
“Ano, hindi ka ba bababa?” pangungulit nito.
“Hindi nga, inaantok pa ako.”
“Nakakaasar ka naman, eh. Mamayang after lunch, aalis na kami nina Mrs. Palma. Kaya dapat, bumaba ka na ro’n.”
Nagmulat siya at tiningnan ito. “Alam mo, ang arte mo. Magkikita rin naman tayo sa Manila. At saka wala ako sa mood mag-swimming.”
“Bahala ka nga!” Padabog na lumabas ito ng pinto.
Nakahinga siya nang maluwag. Ang totoo, kaya ayaw niyang bumaba ay dahil ayaw niyang makita na magkasama sina Raziel at Veronica.
****
NAGTUNGO si Jeena sa café para mag-almusal. Habang kumakain ay nilibang niya ang sarili sa pagbabasa ng English pocketbook na baon niya. Kapagdaka ay nakita niya sina Raziel at Veronica na palabas ng café. Itinapat niya sa kanyang mukha ang pocketbook para hindi siya makita ng mga ito. Ibinaba lamang niya iyon nang sa tantiya niya ay wala na ang mga ito.
Tinapos na niya ang pagkain at saka siya bumalik sa kuwarto. Humiga siya sa kama at ipinagpatuloy ang pagbabasa sa pocketbook. Mayamaya ay pumasok sa pinto si Bianca.
“Bumangon ka na riyan. In twenty minutes’ time ay magla-lunch na raw tayo. 'Tapos, aalis na kami.”
“Okay,” tanging sabi niya.
Papasok na ito sa banyo nang tumigil ito at tumingin sa dalawang bag na nasa tabi ng kama. “Ano 'yan?” nakakunot ang noong tanong nito.
“My things.” Iniligpit niya ang mga iyon pagbalik niya sa kuwarto.
“Yes, I know. Ang ibig kong sabihin, bakit nakahanda na iyan, eh, hindi ka pa naman babalik sa Maynila.”
“Sasabay na akong umuwi sa inyo,” simpleng sagot niya. “Bilisan mo na ang kilos mo para makababa na tayo. Magpapaalam na rin ako kay Sir.”
Pagkatapos maligo at maayos ni Bianca ang mga gamit nito ay bumaba na sila sa café. Kumuha sila ng pagkain at sumama sa mesa nina Edmund.
“Sigurado ka bang sasabay ka na sa amin pabalik sa Manila?” tanong sa kanya ni Maricar nang sabihin ni Bianca sa mga ito ang desisyon niya.
Tumango lang siya.
“Bakit? Sayang ang isa pang araw ng bakasyon mo,” wika nito. “Bukas naman, uuwi na rin kayo kaya bakit ka pa sasabay sa amin?”
“Sino’ng sasabay sa inyo?” tanong ng isang tinig ng babae mula sa likuran niya.
Nang lumingon siya ay nakita niya sina Raziel at Veronica.
BINABASA MO ANG
❤With Just One Kiss (COMPLETED; Published under PHR)
RomantizmPlano ni Jeena na Huwag magtagal sa Quiñones Publishing Company. Kailangan lang niya ng work experience para makapag-apply siya sa mas malaking publikasyon. Pero nang makita niya nang Harapan ang presidente nilang si Raziel Quiñones ay biglang nag-i...