"BAKLA KA!" Isang malakas na sigaw mula sa aking mobile phone.
"Pu-tang-i-na!" May mga pagitan kong sabi habang pabulong na nanggigigil at nanlalaki ang ilong sa pagkairita. "Simang! Baka pwedeng wag kang sumigaw. Nakakatulig."
"Ano? Masakit ba? Masakit bang tanginamo ka? Bakit wala kang pasabi na lalayas kang tukmol ka? Wala akong kasamang magwawalwal ng ilang araw at magkokorean bow habang wasak na wasak sa alak! Punyeta ka!" Talak ni Simang sa telepono. Tama nga ang desisyon ko na hindi mag-loud speaker dahil nakakahiya sa mga kasama ko sa bangka.
Papasikat na ang araw ng ako ay makarating ng Batangas Pier upang magtungo sa talagang destinasyon ko – ang Puerto Galera. At ngayon nga na nasa bangka na ako ay heto at may impaktang sigaw ng sigaw sa mobile phone ko. Iba talaga ang radar ng babaeng ito. Buti na lang din at nakapuwesto ako sa may bintana.
"Para namang hindi na ako babalik diyan," pagsagot ko dito. Pucha. Ang hirap pa naman patahimikin nito.
"Huwag mo akong artehan ng ganyang bakla ka!" Round two ng talak agad. "Ang hilig hilig mong maglihim. Akala mo namang hindi mo ako puwedeng pagkatiwalaang animal ka."
Isang buntong hininga na lang ang binitawan ko bago ko binalikan ito sa linya.
"Simang," kalmado kong balik dito. "Hindi naman ibig sabihin na hindi ko ito sinabi sa iyo ay hindi na kita pinagkakatiwalaan. May mga bagay lang talaga na kailangan kong kaharapin ng mag-isa. Dahil kahit naman sabihin ko sa inyo, ako pa rin mag-isa ang haharap sa mga tinatakbuhan ko."
Sana maintindihan niya ako. Lalo lamang akong nilulukob ng lungkot kapag nahihimigan ko sa tono ng isang tao ang matinding pag-aalala. Kailangan ko na talagang ayusin ang sarili ko.
Narinig ko ang isang buntong hininga sa kabilang linya bago muling nagsalita si Simang, "Osya sige na. Pasasaan ba at uuwi ka rin dito ng buo. Huwag kang bubukaka kung kanino diyan kapag nakakita ka ng lalaki. Ay. Hindi ka nga pala makakaganyan kasi may pagka-manang ka." Paalala na may halong pang-aasar nito.
"Oo na. Lecheng 'to." Medyo napalakas kong sabi. Buti na lang hindi nabulabog ang atensyon ng iba pang pasahero.
Tumawa lang na parang bruha si Simang sa kabilang linya. Maya maya'y tumigil ito at medyo naging seryoso ata base sa kaniyang paghinga sa kabilang linya.
"Siya nga pala, matunog na naman ang pangalan mo dito kasi yung huling scoop mo na gustong gusto ng Vice President for News, naghakot sa George Foster Peabody." Sabi nito na may konting halo ng excitement. Sino ba naman ang hindi magagalak kung ang isa sa pinakamalaking award giving body ay tinangkilik ang gawa mo?
"Ikaw na naman ang bakla ng taon. Pagseselosan ka na naman ng mga matanda dito lalo pa't pagbalik mo ay may limang producer na balak ka nang dekwatin sa main show mo." Dagdag pa nito.
Blangko. Wala akong makapang emosyon na dapat kong maramdaman pagkasabi sa akin noon ni Simang. Dapat ko bang ikatuwa ang parangal na iyon? Tagumpay nga bang maituturing ang mga materyal na parangal na iyon?
Saan ba lahat ng ito patungo?
Hindi ko alam.
Tang ina hindi ko alam.
"O e bakit hindi ka man lang natuwa sa naaccomplish mo? Bakit wala kang kibo diyan?" Takang tanong ni Simang sa kabilang linya na siyang nagpabalik sa akin sa tunay na mundo.
"Simang, hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko,"pag-amin ko rito. Bakas na sa tinig ko ang kawalan ng pag-asa.
"Sa tingin ko nga dapat mo munang ihiwalay ang sarili mo sa industriyang ginagalawan natin," banggit nito sa seryosong tono. "Mukhang mabigat bigat na laban pa 'yan friend. Pero sana pagbalik mo sa kapatagan, ayos ka na. Sending a virtual hug." Pag-aalala nito sa akin at pag-intindi. Napakasuwerte ko pa rin dahil sa mga taong pinili kong pumaligid sa akin.
"Mamsh, thank you." Sabi ko sa kaniya sa isang kalmado ngunit sinserong tono.
"Osya sige na. Vavu."
"Bye."
Binaba na niya ang tawag. Naiwan naman akong nakatanga sa loob ng bangka.
"Mukhang kailangan mo ng tissue,"narinig ko mula sa isang baritonong boses sa aking kaliwa. Napatingin ako sa kaniya ng may halong pagtataka.
"Bakit?"
Mukha naman siyang natatae na ewan ng bigla niyang sinabi na, "Ah..eh.. kase umiiyak ka?"
Napahawak ako sa pisngi ko at sa may bandang eyebags ko. Basa nga. Puta. Umiiyak pala ako. Bakit hindi ko man lang naramdaman? Kinuha ko na lang ang inaalok niyang tissue at ginamit itong pamahid ng aking mga luha.
"Salamat," sabi ko sa katabi ko.
"Kung ako nga naman ang nasa sitwasyon mo at sinigawan ako ng ganun, baka nga maiyak din ako sa sakit ng tainga," pagsasabi nito na tipong pinapagaan ang loob ko. Pero ang labis na nakaagaw ng pansin ko ay yung kaalaman na nakikinig siya sa usapan namin ni Simang.
"Nakikinig ka?" Pagtatanong ko sa kaniya na may konting bahid na ng iritasyon.
Ngumiti siya na animo'y alam na niyang itatanong ko,"Hindi ako nakikinig, Napindot mo kanina yung loud speaker hindi mo lang ata napansin."
Nakaramdam ako ng hiya. Pahamak si Simang.
"Pasensya na," paghingi ko ng paumanhin dito. Kainin na sana ako ng dagat. "Naistorbo ko ang pahinga mo sa biyaheng ito."
"Ayos lang," pagsagot nito ng nakangiti. Napapansin ko ang mga titig niya. Ang uri ng tingin niya ay yung tipong parang ikaw ang sagot sa mga tanong niya, hindi pa man niya naisasatinig. Kung anu-ano na ang napapansin ko.
Namayani sandali ang katahimikan ng bigla ulit siyang nagsalita, "Ako nga pala si Seth Mercado." Inilahad niya ang kaniyang kanang kamay upang makipagkamayan. Nakita ko na naman ang kakaibang titig niya. Hindi nakakabastos pero alam mong makahulugan ang tingin. Ang ganda pa ng kaniyang mga ngiti – yung tipong wala siyang problemang kinakaharap. Nakakainggit lang na makita iyon.
"And you are?" Pagbabalik niya sa akin sa reyalidad. Putek! Naglakbay na naman ang diwa ko.
"A-Allen Corpuz." Sana hindi niya napansin ang pagkatulala ko at ang pagkautal ko. Mababaliw na ata ako. Iniabot ko naman ang aking mga kamay bilang respeto sa kaniyang ginawa.
"Nice meeting you, Allen." May ngiti niyang sabi.
Hindi ko na alam ano pa bang itutugon ko. Nginitian ko na lang siya. Yun lang yung kaya ko pang gawin ngayon e. Nilamon ako ng kahihiyan sa nangyari kanina.
Katahimikan ang muling namayani sa pagitan naming dalawa nitong binatang si Seth.
Kinuha ko ang aking earphones upang makinig ng kanta. Pupuslit muna ako ng tulog dahil may isang oras at kalahati pa bago ako makarating sa Balatero Pier ng Puerto Galera.
*****
Nakaramdam ako na parang may tumatapik sa akin kaya naman napamulat na ako. Pupungas pungas pa ako ng marinig ko ang boses ng aking katabi. "Napasarap ata ang tulog mo ah? Narito na tayo sa pier."
Pagmulat ng mga mata ko ay nakita kong muli ang ngiti ni Seth at ang kaniyang makahulugang mga titig. Hindi muna ako nagsalita at nagbigay atensyon muna sa pag-aayos ng sarili. Konting ayos ng buhok at pagkapa sa mga mata kung may namuo bang muta. Kinuha ko na rin ang mga gamit ko bilang paghahanda sa pagbaba sa bangka.
"Seth," pagtawag ko sa atensyon ng ngayo'y naghahanda na ring binata sa pagbaba. "Salamat nga pala."
Binigyan niya ako ng isang mapagpalang ngiti at nagsabing, "Walang anuman. Halika na at nagbababaan na ang mga tao."
Pagkababa namin mula sa bangka ay bumungad sa akin ang kakatuwang simoy ng hangin mula sa baybay dagat na nanggagaling sa Balatero Pier. Narito na ako sa Puerto Galera. Nandito na ako sa bayang pakiramdam ko ay tinatawag ako ng paulit-ulit. Matapos ang mahabang panahon, ngayon, masasabi ko na kahit papaano ay kumalma ang unos sa pagkatao ko.
Pinagmasdan kong mabuti ang paligid pagkababa namin. Makikita sa lugar na ito na napapangalagaan ang mga kapunuan, hindi katulad sa siyudad na konkreto na ang kagubatan. Maaliwalas at malinis ang paligid. Pakiramdam ko yung usok sa loob ng pagkatao ko ay dahan-dahang hinihigop ng bayang ito.
Ipinikit ko ang aking mga mata at hinayaan na ang pandama ko ang tumangkilik sa lugar na ito. Habang nakapikit, tila may isang malamig na hanging lumukob sa akin.
"Pangalan mo na ang ibinubulong ng hangin..." pamilyar na bulong ang aking narinig.
"Ngunit kaya mo nga bang hulihin ang hangin?"
Hindi ko alam kung sensory hallucinations lamang ba ang nangyaring ito. Pero isa lang ang kaya kong makumpirma – bulong ni Haru ang narinig ko. At pakiramdam ko unti-unting lumalabas ang mga pilosopiyang pinagsaluhan namin bilang matalik na magkaibigan.
"Pangalan mo na ang ibinubulong ng hangin, ngunit kaya mo nga bang hulihin ang hangin?" Inulit ko ang mga katagang narinig ko.
"Urduja at Heneral Luna?" Sambit ng isang tinig na nagpabalik ng kaluluwa ko mula sa maiksing paglalakbay nito. Nagmulat ako ng mga mata at napatingin sa kaniya ng may halong pagtataka at pagkamangha.
"Alam mo?" Hindi ko napigilang maisatinig. Bihirang bihira lang ang taong nakakausap ko na nakukuha ang lalim ng mga pilosopiya sa bawat pelikula at dokyu na nadadaanan ko.
Tumingin siya sa akin at kakikitaan mo ito ng mas matinding pagkagiliw sa naging tanong ko. "Oo naman. You know, there are certain lessons in films that viewers do not see. There is more than what meets the eye. Look beyond."
Doon pa ako lalong nasurpresa.
Linya ko 'yon.
Kinimkim ko ang kung ano mang gusto ko itanong sa kaniya. Lumakas ang pintig ng puso ko – hindi dahil sa nakakahumaling ang hitsura ng nilalang na ito kung 'di dahil sa hinahatid niyang supresa sa aking sistema.
Sino ka nga bang estranghero ka?
"Tara na?" Sabi niya pagkatapos niyang sabihin ang linya ko.
Tumango na lamang ako sa kaniya kahit na sa loob ko'y dumadami ang tanong. Naglakad naman kami palabas ng pier.
Habang papalabas ay nagtanong siyang muli, "First time mo dito?"
"Oo." Pag-amin ko. May kakulitan din siyang taglay.
"May matutuluyan ka na ba dito o kaya ay makakasama maglibot?" Dagdag pa nito.
Bakas sa mukha niya ang pagnanais na matulungan ako kahit pa hindi siya sigurado sa isasagot ko. Nagbigay naman ako ng isang ngiti at nagsabing, "Mayroon na akong matutuluyan. May susundo sa akin papunta doon. Kung kasama naman maglibot, wala pa. Baka maghanap na lang ako ng tour guide."
"I can be your tour guide," suhestyon niya. "Alam ko ang mga pasikot-sikot dito. And I think it will be better para hindi na lumaki yung expense mo."
Hindi ko maiwasang mapanganga sa mga sinabi niya. Ganito ba talaga ito kabait?
"Hindi ba kalabisan naman na ata ito?" Pagtatanong ko sa kaniya matapos kong makabawi sa pagkakagulat sa mga sinasabi niya. Napangunot naman ang aking noo at nagsalubong ang aking kilay.
Napatawa ito. "Not really. I went here alone din naman and a company will do. Besides, mag-isa lang ako sa rest house. It'd be boring if I just swim and all." Tumingin siya sa akin at dinagdag na, "Is it fine with you?"
Nagtataka pa rin ngunit napatango na lang ako sa kaniya. Hindi ko kasi alam ang pangalan ng mga lugar dito. May punto rin naman ang lahat ng sinabi nito. Makakatipid nga naman ako.
"Siguro mas maigi kung kukunin ko na lang ang address ng tutuluyan mo dito para mapuntahan kita,"pagsasabi nito sabay kuha ng phone niya. "Idagdag mo na rin ang number mo para matawagan mo ako and vice-versa." Hindi kaya fuckboy tong isang 'to? Parang dinadaan ako sa bilis?
Wag kang mag-assume. Masyado kang echusera. Sabi ng kunsensya ko. Baka nga nagmamaganda lang ako. Mukha namang likas ang kabaitan ng isang ito.
Inilagay ko naman ang address na tutuluyan ko sa mobile phone nito kasama na rin ang numero ko. Tinawagan na rin niya ako upang magkaron ako ng kopya ng numero niya. Sakto naman at dumating na ang susundo sa aking sasakyan ayon sa aking ipinareserbang panuluyan.
"Mauna na ako Seth," pagpapaalam ko sa kaniya. Dinampot ko na ang aking mga gamit. Napansin ko naman ang kaniyang mga matang nakatitig pa rin sa akin at may payak na ekspresyon sa kaniyang mukha – mukhang naglalarawan ng giliw.
"Tatawagan na lang kita kapag kailangan. Salamat sa kabutihan." Pero sa isip ko, ayaw ko ng bulabugin ang pamamahinga niya kaya't hindi ko na siya kukulitin.
"Walang anuman, Allen. Ingat ka."
Tuluyan na nga kaming naghiwalay.
BINABASA MO ANG
Sulad
Short Story"Kung pagmamahal ang nagdulot ng sugat, pagmamahal din kaya ang gamot? Paano babaguhin ng mga pagkakataon ang tagna* sa palad na nilikha ng panahon?" Kilala bilang mahusay na news and public affairs researcher si Allen. Ilang istorya na niya ang nag...