"The number you have dialed is either unattended or out-of-the-coverage area. Please check the number or try your call again," panggagaya ko sa boses ng phone operator kapag hindi matawagan ang isang numero. "Joke lang! Allen speaking. Bakit po?"
Sa nakaraang tatlong araw ay hindi ako nilulubayan ni Seth. Sa bawat lakad din naming ay hindi ito nagmintis na bigyan ng mga repleksyon. Hindi ko alam kung sadya ba niya ito o hindi. Isa lang ang masasabi ko: anuman ang ginagawa niya'y napakaepektibo sa pagkatao ko.
Napagdesisyonan ko na hindi muna ako lalabas ngayong umaga. Magsusulat na lamang muna ako bago pumunta sa white beach upang namnamin ang tanawin. Bukas ay uuwi na ako. Dapat ko na rin sigurong isara ang mga kabanata ng pasakit ko.
Nasa kalagitnaan ako ng pagkakape ko ngayon ng tumawag si Seth. Istorbo. Alam kong nakakatawang isipin para sa iba na nagbakasyon ako para lang magkape. Pero kailangan ko mag-isip at kape lang ang gumigising ng diwa ko – kapeng matapang at walang asukal. Yung kapeng kayang-kaya ako ipaglaban. Yung kapeng nanunuot sa kaluluwa na tila di ka iiwan.
"Muntik mo na ako magoyo doon ah," pagtawa nito sa kabilang linya. Parang tanga 'to. Napakamasayahin masyado. "Anong pinagkakaabalahan mo ngayon?"
"Heto nagkakape habang nagsusulat," pagsasabi ko sa kaniya na para bang buryong-buryo na ako sa buhay ko.
"Nagsusulat ng?"
"Tula."
"Tula?"
"Ay. Gwapo sana kaso paulit-ulit." Pang-aasar ko.
"At least, gwapo pa rin," pagtawa ulit nito. "Siguro crush mo ako, 'no?" Pangbubuska naman nito sa akin.
"Kapal ah."
"Biro lang," pagbawi nito. Base sa tono nito, mukhang ngiting ngiti si gago sa kabilang linya. "So, any plans?"
"Uhm, wala. Matutulog lang ako ngayong araw," pagsisinungaling ko. Ayaw ko na sana siyang istorbohin pagka't may parte ng pagkatao ko na unti-unti nang niyayakap ang ideya na gusto ko na siya.
"Awww sad," nahimigan ko naman ng lungkot ang boses nito. Hindi ko mawari para saan ang lungkot na iyon. "Well, I guess I'll see you around then."
"Yeah."
"Uhm, bye?" Patanong nitong sabi.
"Bye." Binabaan ko na nga ito ng tawag. Isang buntong hininga ang pinakawalan ko matapos kong gawin ito.
Tumanga lang ako sa hardin na matatanaw mula dito sa balkonaheng kinalalagyan ko. Pilit kong ninamnam ang gandang inihahain sa akin ng bayang ito.
"Haru, hindi ko ba deserve maging happy sa buhay? Bakit parang lahat ng minamahal ko, nawawala? Bakit pagmamahal ang nagdudulot sa akin ng sugat? Nakakadala naman itong punyetang pagmamahal na ito." Pinakawalan ko ang pagod mula sa aking kaibuturan at isang buntong hininga. Kumawala rin ang mga luha sa aking mata. Pumikit ako sandali.
Nakaramdam naman ako na may humawak sa aking mga kamay at isang bulong na naman ang aking narinig. "Look around..."
"...and look within."
*****
Hindi ko namalayan ang pag-usad ng oras dahil itinuon ko sa paglikha ng mga tula ang atensyon ko. Napansin kong papalubog na ang araw kung kaya't nagpalit naman ako ng suot bago pumunta ng White Beach. Sinuot ko ang isang puting sando. Pinatungan ko ito ng manipis na puting satin long sleeves. Hinayaan kong nakabukas ang butones sa bandang dibdib nito at tinernohan ng isang Thai harem pants. Tingin ko naman sapat na yung suot ko para hindi ako magmukhang basahan.Wala pang dalawampung minuto ay nakarating na ako sa lugar na gusto kong puntahan. Hindi ko inaasahan na napakagandang tignan ng dapithapon sa lugar na ito – nagsasabog ang kahel, rosas, at lila sa kalangitan. Ninamnam ko ulit ang may kaalatang simoy ng hangin habang dinig na dinig ang hampas ng alon sa dalampasigan nito. Matapos ang mahabang panahon, ngayon lang ulit ako nakaramdam ng gaan sa pagkatao ko. Tama nga siguro ang desisyon ko sa pagpunta rito.
BINABASA MO ANG
Sulad
Short Story"Kung pagmamahal ang nagdulot ng sugat, pagmamahal din kaya ang gamot? Paano babaguhin ng mga pagkakataon ang tagna* sa palad na nilikha ng panahon?" Kilala bilang mahusay na news and public affairs researcher si Allen. Ilang istorya na niya ang nag...