"Pagbabanyuhay," sambit ni Seth habang nasa malalim akong pag-iisip. Pakiramdam ko ay nakangiti siya ng ganap kahit pa hindi ko nakikita ang kaniyang mukha. "Sa katanungan ko sayo ukol sa sulad, pagbabanyuhay ang sagot."
Ang tanong na hindi na namin napag-usapan tatlumpung taon na ang nakalilipas ay nagbalik.
Oo.
Tama.
Tatlumpung taon kaming nagsama ni Seth.
Akala ko end of story na ang pag-alis ko sa Puerto Galera. Pagkatapos ng mga pilosopiya at surpresang naganap noong gabing iyon ay pansamantala kaming nawalan ng komunikasyon. Umuwi ako ng Maynila kinabukasan. Umuwi ako ng Maynila na mas mahusay - hindi dahil pinipilit kong maging mahusay kung 'di dahil buo na kung sino ako at ang saysay ng aking mga ginagawa. Ikinagulat nina Marco at Simang ang nangyari sa akin. Sobrang proud nila para sa akin dahil sa wakas daw ay tao na akong muli.
Buong akala ko ay hindi na kaming magkikitang muli sa pagbabalik ko sa konkretong kagubatan ng Maynila. Ngunit mapaglaro ata ang tadhana at nagkataon na siya ang panibagong researcher na nadagdag sa aming team. Bago pa man siya dumating ay naikuwento ko na siya kay Marco at Simang. Ayun, ang dalawang impakta, kulang na lang gawan kami ng indie film sa sobrang pagbubugaw sa aming dalawa.
Iba rin talaga maglaro ang kapalaran.
Nagsimula sa tuksuhan. Nagkadevelopan. Nagkagustuhan.
Niligawan niya ako at gamit ang pagmamahal na mayroon siya ay tinanggal niya ang mga natitirang takot sa dibdib ko.
Bago ko siya sinagot ay humingi muna ako ng patnubay sa aking best friend at sa aking pamilya. Ipinaramdam naman nila sa akin na tama ang desisyon ko gamit ang paglukob ng malamig na hangin sa aking pagkatao na tila niyayakap ako.
Sa mahabang panahon ay naging makulay ang pagsasama naming dalawa ni Seth. Naibahagi ko sa kaniya ang lahat ng tungkol sa aking buhay dahil alam ko na karapatdapat siya para rito. Natawa pa nga siya nung napagtanto niya kung paano naging instrumento si Haru sa aming buhay.
Habang magkasama kaming tumatanda'y hindi na rin kami nagtagal pa sa siyudad. Matapos kaming makapag-ipon at maging secured ay napagdesisyonan na naming manatili sa kanilang bahay sa Puerto Galera at nagtayo ng simpleng coffee shop. Binibiro niya pa ako na papatok sa mamamayan ang timpla ko dahil kasingsarap daw ng pagmamahal ko sa kaniya ang kapeng inihahanda ko.
Hindi nga ako nagkamali ng desisyon. Minsan kailangan nating maniwala sa ating sarili na karapatan natin ang maging masaya.
Naalala ko pa ang isang bulong sa hangin na aking narinig na tila ba boses ni Haru, "Oras na para maging masaya ka ng tuluyan."
Nakaramdam ang puso ko ng kapanatagan.
Muling nanuot sa aking kaibuturan ang sayang hindi matatawaran ninuman.
Isinara ko ang huling pahina ng aklat na aking isinusulat.
Tapos na.
Naisulat ko na ang kuwento namin ni Seth.
Ang kwento namin ni Haru.
Ang kwento ng aking buhay.
Nandito na tayo sa dulo.
Tumayo ako mula sa aking kinauupuan at pumwesto sa veranda, kaharap ang maaliwalas na dagat at ng isang dapit-hapon sa Puerto Galera. Nanariwa sa aking isipan ang hapong isinaayos ni Seth ang aking buhay.
"Pagbabanyuhay o metamorphosis. Iyan ang tunay na kahulugan ng sulad. Hindi natin kailangang mamatay upang maisaayos natin ang mga naganap sa ating buhay. We need to realize that a part of us must die in order to live. That death, simply put, does not mean that it is the end. Rather, it is the start of transformation. Challenges happen in our lives to strengthen who we are, and not to kill who we are. Ang sulad ay isang paalala mula sa ating mga ninuno – na kung ating pipiliin ang mabuhay na isinasapuso ang aral ng bawat karanasan ay mabibigyan tayo ng pagkakataong makamit ang tunay na kasiyahan." Mahabang turan nito habang inililingkis niya ang kaniyang kamay sa aking baywang at binibigyan ng mga mabining halik ang aking pisngi. "Ang sulad ay isang paalala upang tayo ay huminto at magmasid upang tuluyan nating mahanap ang kasagutan sa ating mga tanong na maghahatid sa ating pagbabanyuhay sa mundong lahat ay nagmamadali."
Gumanti ako ng hawak sa kaniyang mga braso at ninamnam ko ang kaniyang mga yakap. Muli kong naramdaman ang mumunting halik sa malamig na simoy ng hangin. Matagal kong hinangad na sana'y maramdaman ko siyang muli. At hindi naman ako binigo ng hangin pagka't ipinaramdam niya sa akin na nandito pa rin siya kahit na anong mangyari.
May mga luhang nanulas sa aking mga mata. Punong puno ang puso ko ng kapanatagan at pagmamahal. Sa paglipas ng mga taon, lalo lamang pinagtibay nito ang nararamdaman ko para sa kaniya. Akala ko hindi na darating ang panahon na makukumpleto ako – na mararamdaman ko ano man ang kulang sa buhay kong puno ng mga patlang.
Nararamdaman ko, nasa hangganan na ako ng oras.
Nasa pintuan na ako ng walang hanggan.
At sa bawat segundong natitira, nais kong iparating na...
"Mahal na mahal kita, Seth.
Hintayin niyo ako ng aking pamilya at ni Haru sa ating muling pagkikita...
...sa sulad."
BINABASA MO ANG
Sulad
Storie brevi"Kung pagmamahal ang nagdulot ng sugat, pagmamahal din kaya ang gamot? Paano babaguhin ng mga pagkakataon ang tagna* sa palad na nilikha ng panahon?" Kilala bilang mahusay na news and public affairs researcher si Allen. Ilang istorya na niya ang nag...