Sa Bayan Ng Ignis | 04

41 9 5
                                    


"Dito ka rin matutulog?" tanong ni Reya kay Cross pagkapasok nila sa kuwartong pinanggalingang din nila kanina.

Imbes na sagutin ay tiningnan lang siya ni Cross; hindi siya makapaniwalang pumayag ang babae sa pagpapakasal sa kaniya. Hindi niya alam kung wala lang bang kaalaman si Reya sa kasal o talagang nabulag ito sa ipinangakong kalayaan ng kanilang kaharian.

"Sabi ng Hari ipapasyal mo raw ako bukas, totoo ba 'yon?"

"Oo."

"Isasama ba natin si Flame?"

"Hindi."

"Tayo lang?"

"Ayaw mo ba?" pagsusungit ni Cross bago siya tingnan ng masama at utusang mahiga na.

"Ikaw? Hindi ka pa ba matutulog?"

"May pupuntahan pa 'ko." Tinalikuran na siya nito at nagtuloy na sa paglabas ng silid.

Napangiti na lang ang dalaga dahil do'n. Para bang sa katauhan ng binata ay nakahanap siya ng kasama.

Kasal? Wala siyang nalalaman tungkol doon, pero ang alok na makasama si Cross ay tila napakagandang ideya sa kanya.

Ayon sa konseho, magsasama sila ni Cross habangbuhay kapag naikasal sila, hindi na rin siya ikukulong kaya kasal ang gusto niya.

#

Kinabukasan, maaga siyang nagising dahil sa kasabikan. Isasama siya ni Cross sa bayan at mamamasyal sila. Hindi niya pa naranasang makapamasyal sa buong buhay niya. Magandang pagkakataon ito para kay Reya.

Pero may isang problema, wala pa kasi ang binatang si Cross. Hindi pa rin ito bumabalik mula pa kagabi.

Napabintong-hininga siya, mukhang wala siyang ibang magagawa kung hindi ang hintayin ang lalaki.

Dahil sa kawalan ng mapagkakaabalahan inabala na lang ni Reya ang sarili sa pagtingin-tingin ng mga kagamitan sa loob ng kuwarto. Unang nadapuan ng kaniyang tingin ay ang pinto na hindi niya pa napapasok.

Idinikit niya roon ang kaniyang tainga at matamang pinakinggan kung may kakaiba ba sa loob. Nang wala siyang marinig na ingay ay unti-unti niyang itinulak ang pinto at pumasok.

Muntik pa siyang mapatakbo palabas ng sumalubong sa kaniyang paningin ang babae sa pakudradong bagay. Sabi ni Flame  no'ng makakita siya ng malaking ganito sa pagdiriwang kahapon, ang tawag sa bagay na kaharap niya ngayon ay salamin, at kahit na sino man ang humarap dito ay makikita ang sariling repleksiyon.

Napahinga siya ng malalim kasabay ng pagpikit sandali at paghawak sa salamin. Napangiti siya ng mag-mulat. Wala naman palang kakaiba rito, akala niya kasi no'ng una ay nanghihigop ito.

Hinawakan niya ang sariling mukha at namangha sa sariling hitsura. Ngumiti siya sa sarili at ilang minuto pang pumorma sa harapan nito bago nakontento at ilipat sa ibang bagay ang paningin.

Isang bilog na bagay ang sunod na nakakuha ng atensiyon niya. Isang bintana.

Tumanaw siya roon at namangha sa kabuuan ng kaharian at kabayanan sa ibaba.

"Ang ganda!" naibulalas niya.

Matatatayog ang kabahayan sa ibaba ng palasyo, singkad ng mga puno at pulang mga palamuti ang bayan at napalilibutan naman ng apoy na hindi namamatay ang kabuuan nito.

Mula sa tinatanawan ni Reya, makikita niya ang mga guwardiyang naglilibot sa kabayanan na animo'y mga pulang langgam na nakapila ng maayos habang nagmamartsa.

Napangiti siya at sinubukang ilabas ang kamay sa himpapawid upang damhin ang malamyos na hangin.

Napangiti siya sa kawalan. Nawala lang iyon nang makaramdam siya ng kakaibang sakit sa kaniyang dibdib—lumakas ang tibok ng kaniyang puso. Masakit. Napahawak siya sa dibdib niya at animo'y nagdoble ang paningin niya dahil doon.

Napaatras siya at napahawak sa salamin dahil sa pagkawala ng balanse...ngunit gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata niya ng hindi niya makita ang sariling repleksiyon mula roon.

Tok tok

"Reya? Nandiyan ka ba?" si Cross.

"O-oo," tugon niya at muling tumingin sa salamin. Nagbalik na ang kaniyang repleksiyon. Napahawak siya sa kaniyang dibdib. Naging normal na ulit ang tibok ng kaniyang puso na para bang huminahon pagkarinig ng boses ni Cross. Malandi rin talaga ang puso niya.

"Naliligo ka ba o dumudumi?"

Imbes na sumagot ay mabilis na siyang lumabas at tiningnan ang sarili sa isa pang salamin na naroon sa tabi ng kama. Napahinga siya ng maluwag ng nakumpirmang may repleksiyon na ulit siya.

"Anong nangyari?" tanong ni Cross na agad siyang hinila paharap at kunutan ng noo.

"W-wala."

Ilang segundo pa siyang sinuri ni Cross. Tinatantiya nito kung nagsasabi ba siya ng totoo o nagsisinungaling siya. Nagtangis ang panga ng binata ng makipagtitigan lang sa kaniya si Reya.

Wala siyang nagawa kundi ang mag-iwas ng tingin.
"Halika na."

#

Matapos ang mahabang lakarin palabas ng palasyo, sa wakas, nakatapak na ulit sa labas si Reya. Muli siyang namangha sa paligid at napangiti ng malawak matapos umikot ng marahan para damhin ang kalayaan.

Animo'y nagbalik siya sa pagkabata dahil sa pakiramdam. Nilingon niya si Cross na nakasunod lang sa kaniya. Nilapitan niya ito at hinila para tunguhin ang malaking tarangkahan para tuluyang masilayan ang kabuuan ng bayan.

"Hindi mo na 'ko kailangang hilain pa!" malakas na sabi ni Cross sa kalagitnaan ng pagtangay ni Reya.

Walang sagot siyang natanggap. Masyado itong masaya at sabik na masilayan ang bayan para pagtuunan pa siya ng pansin. Kumunot ang noo niya sa inis.

Kusang bumukas ang malaking pinto pagkakita sa dalawa ng mga guwardiya. Tinanguan ni Cross ang mga ito matapos magbigay galang sa kanya.

Ingay ang sumalubong sa dalawa pagkalabas. Sa kabuuang singkuwenta ektaryang sukat ng bayan masasabing maunlad ang kaharian dahil sa hitsura ng mga bahay sa paligid. Pare-pareho ang laki at haba ng mga bahay. May mga batang naglalaro. May mga mangilan-ngilang tindahan at mga taong nagkakatuwaan. Nakasuot ang bawat isa na telang may haba hanggang talampakan—mapa-babae man o mapa-lalaki.

Kung ikukumpara ang mga suot ng mamamayan ng Ignis sa suot nilang dalawa ay mabilis silang makikilala bilang mga Ignite.

"Nakamamangha!" naibulalas ni Reya turo ang mga nakikita.

"Huwag kang masyadong maingay, pinagtitinginan ka na." Paalala ni Cross na nasa likod niya pa rin at inoobserbahan lamang siya.

Sa pangalawang pagkakataon hindi na namam siya sinagot ng dalaga.

"Rey—

"Anong mayroon sa banda roon?" putol nito sa sasabihin niya turo-turo ang malayong parte ng bayan na mayroong kasiyahan.

"Pagdiriwan—

"Hindi pa ako nakapunta sa pagdiriwang, Pumunta tayo roon!"

"Hindi pu—

"Si Flame!"



---
A.N
See Ignis Kingdom on the multi media^

Pagtiyagaan muna 😆

Footnotes:
Ignis Regno means Fire Kingdom.

Ignite -mga mamamayan ng Ignis na mataas ang katayuan sa buhay at nakatira sa palasyo.

Pag-ibig Sa KamatayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon