Ang Natatagong Kapangyarihan 12

30 6 6
                                    

Matang lawin na nagmamasid si Cross at ang dalawa niya pang kasama mula sa ikalawang palapag ng Alteria.

Pinagmamasdan nila si Reya na panay ang takbo sa ibaba. Tinatakbuhan nito ang kalaban na may dala ring espada katulad niya.

Tawa nang tawa ang binatang si Flame sa nakikita, samatalang seryoso naman si Freya at Cross na napapailing pa sa ginagawa ni Reya sa ibaba. Gusto man nila itong sigawan para lumaban o sumangga man lang ay hindi puwede, sapagkat baka lalo lamang itong mapahamak kapag naukupa ng panandalian kung sakaling sumigaw sila.

"Sa tingin mo ay ilang buwan ang bubunuin para maging handa na siya?" biglang tanong ni Freya sa katabing si Cross.

"Isang taon," sagot nito diretso pa rin ang tingin sa pinapanood.

Napailing naman si Freya bago sumagot, "Tatlong buwan lang ang ibinigay ng Hari, Cross. Hindi isang taon."

"Kaya nga kailangan ko siyang pakasalan upang maging isa ang kapangyarihan namin."

Nahinto sa pagtawa si Flame dahil sa narinig. Kumunot ang kaniyang noo at tumagilid upang tingnan ang mga kasama. "Tuloy pa rin ang kasal?"

Hindi siya pinansin ng dalawa.

"Kailan ang kasal?" tanong ni Freya habang hinahaplos ang ulo ng lobo sa kaniyang gilid.

"Sa isang araw. Kasabay ng pagyakap ng buwan sa araw," sagot naman ni Cross.

"Paniguradong bukas kukunin na siya ng taga Aqua para hindi matuloy ang kasal." Pagsingit muli ni Flame sa usapan.

Kunot noo naman siyang nilingon si Freya. "Hindi nila pupuwedeng gawin iyon. Alam nila ang kasunduan sa Alteria. Walang kaharian ang pupuwedeng lumusob at gumawa ng gulo na walang sapat na dahilan."

"Pero may sapat silang dahilan! Sa kanila si Reyna!" giit ni Flame.

"Reya." Pagtatama naman ni Cross sa binanggit na pangalan ni Flame.

Siya naman ang hindi pinansin nito.

Napailing tuloy si Freya bago ulit pumagitna sa usapan at ipaliwanag sa inosenteng kasama ang batas na mayroon ang mundo nila. "Malayo sa Aqua ang kulungan ni Reya n'ong kunin natin siya. Wala silang pruwebang kanila ang kinuha natin kaya hindi sila puwedeng basta na lang kunin ang babae."

"Ano?" naguguluhang tanong ni Flame sa pinagsasabi ni Freya. Hindi niya alam na may gano'ng batas na umiiral sa mundo nila.

"Hindi mo binasa ang mga batas kaya ka mangmang ngayon." komento ni Freya bago ibalik ang tingin sa ibaba.

Sumama ang tingin ni Flame sa dalaga. Gusto niya itong sampalin sa noo kung hindi lang matalim ang tingin sa kaniya ng aso nito.

Napag-isip isip niya rin na tama naman ang dalaga. Hindi niya nga binasa ang batas. Hindi na siya makikipagtalo ngayon.

- -

SAMANTALA sa ibaba ay malungkot si Reya dahil sa kinalabasan ng una niyang laban. Hindi niya intensyon ang tumakbo. Gusto niyang lumaban pero hindi niya alam kung papaano.

Natapos ang pangalawang klase niya sa araw na iyon na nakasimangot siya. Nanghihina siya at para bang gusto niyang kumain ng kung ano.

Napahinto tuloy siya sa pagsunod sa mga kasamahan.

Napahawak siya sa pader nang maramdamang naging kakaiba ang tibok ng puso niya. Nagdodoble rin ang kaniyang paningin at masakit ang bawat pagtambol sa dibdib niya.

Napahawak siya sa tapat ng kaniyang puso, ngunit bago pa man niya iyon maidiin ay isang kamay na ang humawak sa kaniya at sa isang iglap nga ay nasa ibang lugar na sila.

Nahihilo niyang tiningnan ang batang babae na nakahawak sa kaniya. Unti-unti itong lumalayo sa kaniya at nagtago sa likod ng isang malaking puno.

Napaluhod si Reya sa madamong lupa at naghabol ng hininga. Napanganga siya at naglaway, at sa isang iglap ang makulay na damo ay naging abo ang kulay. Ganoon din ang nangyari sa puno at bulaklak na nasa paligid.

Unti-unti nagiging maayos ang pakiramdam ni Reya. Nagiging normal na ulit ang kaniyang paningin at paghinga. Nagpunas siya ng laway at dahan-dahang nag-angat ng paningin sa paligid.

Gulat siyang napaupo at napaatras ng bahagya sa nakita.

"Iyan ang resulta ng paulit-ulit mong pagmamanipula sa oras," saad ng bata na lumabas na sa pagtatago at dahan-dahang naglakad papunta sa kaniya.

"Binuksan mo ang ibang lagusan patungo sa ibang mundo. Kasakiman mo ang sisihin mo sa pagiging ganid ng katawan mo sa enerhiya." Dagdag pa nito bago ngumiti sa kaniya.

Hindi makasagot si Reya. Pamilyar sa kaniya ang itsura ng bata pero hindi niya matandaan ang pangalan nito.

"Tignan mo ako. Suriin mo akong mabuti baka sakaling maalala mo ako," sambit pa ng bata na sinunuod naman ni Reya.

Mayroong alon-alon na buhok ang bata. Puti ang kulay ng mga ito na siyang pumares sa kulay ng kaniyang balat na kulay puti rin. Nakasuot ito ng itim na mahabang damit at may hawak itong libro. Maitim ang palibot ng mata nito at kung susukatin sa tangkad na taglay ni Reya-hanggang tiyan niya ang bata.

"Hindi kita kilala," sa wakas nakapagsalita si Reya.

Sumimangot naman ang bata.

"Magtapos kong magdusa para sa iyo hindi mo lang pala ako maalaala?"

Napailing-iling ito at naglahad ng kamay sa harapan niya. Tinanggap naman ito ni Reya. Sa isang iglap nawala ang gubat. Bumalik na sila sa loob ng Alteria.

Namangha si Reya. Sandali pa siyang nahilo sa bilis ng pangyayari.

"Paano mo nagawa iyon?" tanong niya sa batang nasa kaniyang gilid.

Nagkibit balikat lang ito at ngumiti. "Sabihin na lang natin na kaya kong magbukas at magsara ng lagusan. Huwag kang mabilib, mas magaling ka pa rin sa akin."

"Kaya ko rin iyon?"

"Ginawa ka para sumira at hindi para doon, Luca."

"Luca? Reya ang pangalan ko." pagtatama ni Reya sa bata.

Nagkibit balikat lang naman ito bago siya harapin ng maayos.

"Aalis na ako."

Hindi sumagot si Reya pero bago pa man makahakbang patalikod sa kaniya ang bata ay hinawakan niya ito sa braso. "Anong ngalan mo?" tanong niya.

Ngumiti ang bata bago sumagot, "Abelia."

"Salamat, Abelia," nahihiyang sambit ni Reya na agad namang tinanguan ng bata.

Akma na sana itong aalis muli nang magsalita ulit si Reya. "Iyong mangyari kanin-

"Tatagal ng ilang araw ang enerhiyang nakuha mo sa gubat kaya hindi ka na dapat mag-alala pa sa darating na bukas. Kapag nagkita ulit tayo sasamahan uli kita, pero sa ngayon kailangan ko nang umalis," saad nito bago alisin ang kamay ni Reya na nakahawak sa kaniya at maglakad na papalayo.

Naiwan si Reya na puno ng katanungan ang isip.

Pag-ibig Sa KamatayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon