♠Ang Kuwento ni Mama♠

26.9K 535 24
                                    

Ayla's POV


Kablagggg!



"Ayla, ano iyon?"



Nagulat ako nang bigla na lang may marinig akong nahulog sa itaas ng bahay. Umakyat ako sa kawayan na hagdanan na may limang baitang patungo sa ikalawang palapag ng bahay namin.



Sahig na kawayan lamang ang ikalawang palapag namin hindi katulad sa baba na semento. Medyo may kalakihan ang bahay namin at gawa lamang sa kawayan at plywood ang dingding. Nakatayo ang bahay namin pinakadulong sulok ng kalsada ng zone 4 sa aming baryo.



"Titingnan ko po, Ma."



Lumangitngit ang sahig na kawayan nang umakyat na ako. Nilibot ko ang paningin at hinawi ang kurtina na humahati sa tinutulugan ng nakababata kong kapatid at ni Mama.



Ako naman kasi sa baba natutulog. Sa sofang kawayan. Doon kasi ako nasanay. Wala naman akong nakita na nahulog na kahit ano kaya isinara ko ang kurtina.



"Ahhhh!"



"Meow!"



Sapo ko ang dibdib ko sa pagkagulat. May lumundag na itim na pusa sa harap ko.



"Anong nangyayari d'yan, Ayla?" tanong ni Mama na abala sa pagluluto sa kusina.



"Wala, Ma. Naglilikot lang dito si Ertha."



"Baka naman ginawang tulugan ng pusang iyan ang mga damit ng pinsan mo na nakatambak d'yan sa taas! Ilagay mo nga ang mga iyon sa karton kapag may oras ka."



"Opo."



Tama, Ertha ang pangalan ng pusa namin. Bigla lang kasi sumulpot ang pusang iyon dito sa bahay noong may lindol. Earthquake talaga ang binigay na pangalan ng kapatid ko sa kanya. Ertha na lang for short.



Hindi na umalis si Ertha kahit na niligaw na namin, alam pa rin ng pusa ang pabalik dito sa bahay.



Hindi rin naman pumayag si Mama na itapon sa ilog dahil masama raw iyon. Mamalasin daw ng pitong taon ang sino mang magtatapon ng pusa sa ilog. Iyon ang mga pamahiin dito sa baryo namin.



"Bumili ka nga muna ng paminta roon sa tindahan ni Mareng Lena. Nakalimutan kong wala na pala tayo niyon. Bilisan mo ha baka nagsara na 'yon. Hindi ka pa makaabot," utos ni Mama.



"Sige po, Ma. Iyong pera na lang dito sa ibabaw ng TV ang kukunin ko."



Hindi ko na hinintay ang sagot ni Mama at lumabas na. Medyo malayo pa kasi ang tindahan ni Aling Elena at gabi na. Baka magsara na iyon.



Palabas na ako sa bakuran namin nang may marinig akong parang tunog ng mabigat na bagay ni hinihila sa semento. Bigla akong kinabahan nang mapatapat ako sa puno ng niyog. Ang kuwento kasi sa amin, sa punong iyon ng niyog sa bahay namin may nakikita si ate Angie na kabaong na lumilitaw. At ayon sa kuwento basag pa raw ang isang dulo ng kabaong na iyon.



Bigla akong kinilabutan. Pinalis ko sa isip ang bagay na iyon at marahan kong binuksan ang bakod. Hindi masyadong umaabot sa tapat ng bahay namin ang ilaw ng poste dahil doon nakatayo sa kabilang bahagi pa ng kalsada at tatlong bahay pa ang nakapagitan mula sa bahay namin.



Mabilis akong naglakad. Malapit na ako sa tindahan ni Aling Elena nang makasalubong ko si Zyl. Mukhang patay na ang ilaw sa tindahan ni Aling Elena. Minsan nga alas otso pa lamang ng gabi ay tulog na ang mga tao rito at wala nang pagala-gala sa kalsada.



"Saan ka pupunta?" narinig kong tanong ni Zyl na tumigil sa harap ko.



"Diyan lang sa tindahan ni Aling Elena. Bibili lang sana ako ng paminta."

Third Eye Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon