Part 1

55K 875 12
                                    


"MALAPIT na pala ang birthday mo, anak," anang Mommy Cleo ni Amber isang umagang nagkita sila nito sa gym kung saan sila nag-eehersisyo ng tatlong beses sa isang linggo. Magkatabi ang mga threadmill na kasalukuyang gamit nila.

"Yup. I'm getting older," sagot niya sa ina. Sa susunod na Martes ay magda-dalawampu't pitong gulang na siya.

"And you're still single!" bulalas ni Cleo. "Sigurado ka bang hindi mo pa nami-meet ang lalaking napanaginipan mo two years ago?"

She rolled her eyes. "Nope," pagsisinungaling niya. "Sigurado po ako, Mommy." Ang totoo ay ayaw niyang sabihin sa ina ang tungkol kay Kenobi Celeste dahil kilala nito ito at ang pamilya ng lalaki.

"Nakilala ko ang daddy mo dalawang linggo lang matapos ko siyang mapanaginipan," nakangising sabi ni Cleo.

"Yeah, you told me," tinatamad niyang sabi.

"Hindi ka talaga naniniwala sa power ng kumot na iyon, ano?" dudang tanong ng ina.

Sumimangot na lamang siya. Pamana daw ng kanyang namayapa nang Lola Isidra sa kanyang Mommy Cleo ang quilt na nabanggit. Tatlong quilt iyon, tig-iisa sila ng dalawang kapatid na babae ni Cleo. Galing daw ang mga iyon sa France, bigay ng isang gypsy kay Lola Isidra, at may taglay daw na mahika. Sa bisperas daw ng ika-dalawampu't limang kaarawan ng sinomang gagamit ng mga iyon ay mapapanaginipan nila ang makakapareha nila sa buhay— ang taong mamahalin nila at magmamahal sa kanila sa habang panahon.

At hindi makapaniwala si Amber na si Ken ang napanaginipan niya noong gabing iyon! Why him? Hindi siya nito gusto. Hell, he despised her and even rejected her! Saka isa pa, nawala na ang pagka-crush niya sa lalaking iyon, matagal na matagal na.

Kaibigan ng kanyang paternal grandfather ang pamilya Celeste sa Tierra Roja. Bawat summer vacation ay nagpupunta silang mag-anak sa bahay ng kanyang lolo't lola. Abril kasi idinadaos ang malaking pagdiriwang ng kaarawan ng kanyang Lolo Horacio. Kapitbahay ng kanyang abuelo ang mga Celeste kaya lagi niyang nakikita noon si Ken.

Hinihintay niya lagi noon ang pagsapit ng summer vacation upang makaluwas siya sa Tierra Roja at madalas ay sadya niyang pinapahaba ang pagbabakasyon doon upang mas magkaroon siya ng tsansang malapitan si Ken. Ngunit halos hindi siya kinakausap nito kahit pa mabait sa kanya ang buong pamilya Celeste. Hanggang isang gabi, sa birthday party ng kanyang lolo, ay tahasan siyang tinanggihan ni Ken nang ipagtapat niya ditong may gusto siya dito, ni hindi siya nito pinagbigyang makipagsayaw. Iba raw ang babaeng gusto nitong isayaw, hindi siya. Iyon na rin ang huling kaarawan ni Lolo Horacio, namatay na ito sa katandaan, naging malulungkutin at matamlay na rin kasi ito mula nang unang namayapa ang esposa nito nang dalawang taon na.

Amber was nineteen years old that time. Maganda, sexy at hinahabol ng maraming lalaki. But the only man that got her interest had rejected her right in her pretty face. Mula noon ay hindi na sila nagkita pa ni Ken. Ibinenta na ng kanyang pamilya ang bahay ni Lolo Horacio at hindi na sila napadpad pa ng Tierra Roja.

"Ang mga tita mo rin ay mabilis na nakilala ang kani-kanilang mga esposong galing sa panaginip," paalala pa ni Cleo sa kanya. "And, oh, don't forget your cousin Melchiorre, it worked for him, too! The quilts are really magical, you know?"

"Baka naman hindi talaga tumatalab sa lahat ang power ng quilt na 'yan, Mommy."

"Oh, dear. Masyado ka lang yatang cynic. Siya, kung hindi ka naniniwala sa mahika ng kumot ay at least mag-boyfriend ka naman na, anak. I'm not getting any younger, you know? Gusto ko pang makipaglaro sa mga magiging apo ko na hindi bumibigay ang mga tuhod ko."

May mga nanliligaw sa kanya, at naranasan niya na ring makipag-date nang ilang beses. Pero wala pa sa isip niya ang magkaroon ng boyfriend, lalong-lalo na ang pag-aasawa! She loved her freedom and independence. Minsan na siyang nagkaroon ng steady date, si Richmond, at hindi niya nagustuhan ang set-up nila. Masyado itong possesive at istrikto, pinapakialaman nang husto ang buhay niya at napakaseloso din nito.

"Baka makikilala ko rin siya one of these days," pagtatapos ni Amber ng kanilang usapang mag-ina dahil sigurado siyang hahaba pa iyon.




KUMAKAIN si Ken sa opening party ng kabubukas na lodging units ng Sunglo, isang malaking resort sa Tierra Roja kung saan isa sa tatlong may-ari ay ang nakakatanda niyang kapatid na si Lantis. Sa quadrangle ng mga lodge kung saan may malaking swimming pool ginaganap ang pagtitipon na dinaluhan ng mga kaibigan at kamag-anak ng mga may-ari at staff and crew ng Sunglo sa gabing iyon.

Hanggang sa nahuli niya sa sulok ng kanyang paningin ang isang pamilyar na babae, si Ericka De Luna. Kababayan niya ito sa Tierra Roja at dating classmate sa college. At oo, dati niya rin itong sinisinta.

Sinisinta? What the hell, napapailing niyang palatak sa isipan saka inilayo ang tingin mula sa babaeng nag-aayos ng buffet table. Si Ericka ang pinakaunang babaeng nagustuhan niya, tahimik kasi ito at mahinhin. Sa pag-aaral lamang ang atensiyon nito noon kaya naman hindi niya ito ginambala habang nasa kolehiyo sila kahit may pagnanais siyang ligawan ito noon. Ngunit hindi na nakapagtapos ng pag-aaral si Ericka, hanggang third year lamang ito sa kursong Financial Management. Mula ito sa isang mahirap na pamilya at hindi na siguro nakayanan ng mga magulang nitong pagtapusin pa ito sa kolehiyo.

Ang huling pakikipag-usap niya sa babae ay noong birthday party ng isang matandang abogadong kaibigan ng kanyang ama, ang kanilang kapitbahay na si Horacio Caliente. Nagtatrabaho yata sa catering business noon si Ericka at naroroon ito. Naglakas-loob siyang lapitan ito noon, kinausap at niyayang magsayaw kahit hindi naman talaga siya nagsasayaw. Ngunit tinanggihan siya ng dalaga. Huli niya itong nakita mga tatlo o apat na taon na ang nakakaraan, may kaakbayan itong isang lalaki sa mall.

Muli niyang tinanaw si Ericka mula sa kinauupuan. Maganda pa rin ito, ngunit hindi na kagaya ng dati...

"Siya ang bagong assistant ni Payne," pukaw sa kanya ni Lantis na nakaupo sa kanyang tabi.

Napa-"Huh?" si Ken sa kapatid.

"'Yang babaeng kanina mo pa ninanakawan ng tingin, assistant kako siya ng misis ko bilang restaurant manager dito," nangingiting sabi ni Lantis. "Gusto mo ipakilala kita?"

"Kilala ko siya," aniya at pilit na itinuon sa pagkain ang paningin. "Classmates kami dati sa college."

"Mukhang type mo," tudyo pa ng kapatid.

"Shut up."

"Kelan ka ba magkakaroon ng nobya?" pangungulit pa nito.

"Pati ba naman ikaw ay mangungulit sa akin niyan? 'Tang-na-loob, Kuya, nakukulili na ako kina Mommy at Daddy pagdating sa isyung 'yan."

"Ayaw ka lang naming tumandang binata. Napaka-anti-social mo kasi. Hindi mo puwedeng pakasalan ang mga mahogany sa Vista Verde, uy."

Pinigil niyang murahin ang kapatid na ang tinutukoy ay ang malawak nilang pataniman ng mahogany kung saan siya ang kaagapay nito sa pagpapatakbo niyon.

"Kumusta na pala 'yung palagi mong ka-date noon, ano na ba'ng pangalan nu'n? Mindie?" ungkat pa ni Lantis sa kanyang non-existent lovelife.

"Lindy," pagtatama niya dito. "Matagal na kaming hindi nagkikita. Wala na akong balita pa sa kanya."

Si Lindy ay isang bank teller sa downtown na naging steady date din niya ng ilang buwan. Kaso ay nawalan siya ng gana sa pagka-clingy nito sa kanya. Lagi-lagi na lang ay gusto siya nitong kausap sa cellphone at gusto pa ay lagi siyang sumasagot sa mga texts nito. Shit, sa hindi siya marunong mag-text, lalo pa't sa touchscreen!

Tumayo na siya't iniwanan ang kapatid sa mesa, tinungo niya ang bar counter at um-order doon ng flatliner.

Dreamlovers: Kenobi and Amber  (PREVIEW ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon