Wattpad Original
Mayroong 4 pang mga libreng parte

Kabanata 1

350K 7.3K 1.8K
                                    

Ikinalawit ni Tash ang mahahaba niyang binti sa malamig na pole habang malambot na kumekembot ang kanyang balingkinitang baywang.

Namangha ang mga miron na nagmamasid at nagpuyat sa fiesta ng baranggay masilayan lang ang kanyang alindog. Bigay na bigay siya sa bawat indak, kesehodang kakapiranggot lang ang suot niyang makintab na kulay puting tela na halos kumawala na ang malulusog niyang dibdib.

'Giling pa, gerl. Para sa ekonomiya.'

Patay-sindi ang ilaw sa stage kaya hindi niya nabibigyang-pansin ang mga kalalakihang naglalaway sa kanya. Isa pa, sanay na siyang pinagmamasdan nang may malisya. Masyadong mababaw ang mga lalaki, pasabikin mo ng kaunti, tiyak na mahihipnotismo agad sa iyo.

Nanliit ang mga mata niya nang makita niya ang kanyang kapatid na si Wendy na humahangos patungo sa entablado na akala mo ay tinatawag ng kalikasan.

"Tasya!" matinis na sigaw nito.

Pinanlakihan niya ng mata ang kapatid. Walang nakakaalam ng tunay niyang pangalan. Siya si Estancia Ligaya Rosanna Roces, ang panganay na apo ni Candida, ang notorious na lola ng San Isidro. Mas gusto niyang tinatawag na Tash, mas sosyal, mas nakakaangat, mas nakakatakam.

"Tasya, bumaba ka riyan! Nagising ang dragon!" Tarantang-taranta si Wendy na panay ang kaway sa kanya.

Meron pang isang minuto bago matapos ang tugtog ng kanyang sayaw. Ibinigay niya ang lahat sa paggiling, nagpalakpakan ang mga manyakis. Halos sampahin ang stage kung walang mga tanod na nakaharang.

Hindi nagtagal, nakita na niya ang kanyang Lola Candy kung kanyang tawagin, may bitbit na mahabang payong kahit wala namang ulan. Nanlilisik ang mga mata sa kanya.

"Estanciaaaaaa!" malakas na sigaw nito. Dahil doon, nawalan siya ng balanse. Napasinghap ang mga nanonood nang bumagsak ang kanyang likod sa stage. Napangiwi siya sa sakit. Maagap siyang tinungo ni Wendy at hinila pababa ng stage.

Kahit nananakit ang balakang, hinanap ng mata niya si Ian, ang baklang nag-booking sa kanya sa piyestahan.

"Beks, idaan mo sa bahay ang TF ko ha!" sigaw niya habang nagmamadaling umeksit sa madilim na bahagi ng entablado. Narinig na niya ang anunsiyo ng host pero mas nangingibabaw ang sigaw ng kanyang lola.

"Estancia! Ikaw talaga ang papatay sa aking bata ka!"

Sa 'di-kalayuan ay nakita niya ang tricycle ng pinsan nilang si Harold, ang madalas nilang rentahan tuwing kailangan nilang pumunta sa bayan. Napailing siya nang maisip ang patak ng metro ng kanyang pinsan. Tiyak na napamahal dahil dalawang bayan ang binyahe ni Wendy at ni Lola Candy; tiyak na hihirit pa ito ng bayad sa naunsiyami nitong tulog. Agad siyang itinulak ni Wendy papasok ng tricycle, uupo sana ito sa tabi niya nang hiklatin ito ni Lola Candy papalabas.

"Doon ka sa likod. Magtutuos kami ng kapatid mo."

Umikot ang mga mata ni Tash. As if naman meron pa ring effect ang sermon sa kanya ng kanyang lola. Bingi na siya, matagal na. Hindi lang talaga maunawaan ng kanyang Lola Candy ang kanyang pangangailangan. Ayaw niya ng masikip, ng mabaho; gusto niyang umangat sa buhay! Palagay niya ay hindi siya nababagay sa lusak; doon siya nararapat sa mga bituin.

"Hindi ba sinabi ko na sa iyo? Ingatan mo 'yang katawan mo! Templo 'yan ng Diyos."

"Luh, ang liit naman ng templong 'yon kung katawan ko ang address."

Tinuktok ng matanda ang kanyang noo. "Mangungumpisal tayo bukas. Ilang kaluluwa na naman kaya ang nagkasala nang dahil sa iyo!"

"E di sila ang mangumpisal! Bakit ako?"

"Dahil ikaw ang ahas na tukso!"

"Grabe! Akala ko ba love mo ako? Bakit ahas na tawag mo sa 'kin ngayon?" Maarte niyang hinawi ang buhok. Napangiti siya nang maamoy niya ang bagong biling mamahaling pabango. Three gives, pero mababayaran naman niya 'yon basta makalimang fiesta siya. Kakanta, sasayaw, magho-host o magiging hurado siya, pupwede na iyon para makaipon. May gusto pa nga siyang sapatos na nakita niya sa Instagram, labinlimang libo. Naku, harinawa ay maragdagan pa ang fiesta sa kalendaryo; sana rumami ang santo.

Temptation Island: Role PlayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon