Lason.
Iyon ang unang pumasok sa isip ko habang feeling disoriented na naglalakad pauwi ng inuupahan kong apartment.
Pumainlanlang ang isang malakas na kulog sa maitim na langit halos kasabay ng pagguhit ng isang matalim na kidlat na nagpaliwanag saglit sa gitna ng madilim na gabi. Mukhang nakikiramay ang langit sa aking pighati.
Bakit nga ba hindi? Lason ang pinakamagandang paraan para wakasan ko na ang buhay kong ito na puro na lang problema at pasakit. Wala naman na akong iba pang maiiwan na tiyak na magdadalamhati sa aking pagpanaw.
Namatay ang mga magulang ko sa isang road accident na ako lang ang tanging survivor nang ako ay sanggol pa lamang. Lumaki sa isang bahay ampunan na pinamamahalaan ng mga Madre. Tumakas sa ampunan sa edad na dose. Nagpalaboy-laboy sa kalsada. Nagpahada sa mga baklang naghahanap ng panandaliang aliw sa may harapan ng simbahan kapalit ng halagang bente pesos na kulang pa na pambili ng pagkain para sa kumakalam na sikmura. Nakaranas ng kaunting ginhawa nang ibahay ng isang gay benefactor sa edad na katorse. Nag-ipon ako at nagpumilit makapag-aral para man lang maiba ang daloy ng buhay. Nakatapos ng Education at naging malaya nang mamatay ang benefactor pero ang lahat ng pinagdaan ay nanatiling nakaukit na sa aking pagkatao.
Naging malaya man ako pero hindi ko na rin matakasan ang pagkagusto sa relasyong kinasuungan ko ng mahabang panahon. Kaya chest out at chin up kong hinarap ang aking pagkatao. Nagsubok na umibig. Nabigo. Umibig ulit. Niloko. Nagmahal na naman pero ginamit.
Halos manginig ang laman ko sa galit kaninang maabutan ko si Nicco, ang lalaking karelasyon ko sa kasalukuyan na mas bata sa akin ng limang taon sa edad kong bente-singko, sa kaniyang apartment na inuupahan ko para sa kaniya, na nasa aktong nakikipagsex sa kaniyang ex-boyfriend at dalawa pang lalaki na ipinakilala na rin niya sa akin dati na naging friends niya sa pagcha-chat. Ilang beses na niya itong ginawa at sa tingin ko ito na ang huli. Bahala na siya sa buhay niya. Tambay lang naman siya nang pulutin ko sa kalye. Pinakain, binihisan, ibinigay ang lahat ng luho dahil akala ko magiging kagaya ko siya na magtitino at magpupumilit ding mag-aral. Pero nabigo ako sa kaniya, pati na ang puso ko.
Pumasok ako sa loob ng apartment na ilang taon ko na ring tinirahan na malapit nang ilitin ng bangkong napagsanglaan ko nang minsang mangailangan si Nicco ng pera. As usual, wala na rin sa loob ang mga naipundar kong mga gamit na unti-unting naibenta tuwing uungot si Nicco ng pera na hindi ko naman mapahindian sa sobrang pagmamahal ko sa kaniya.
Hindi ko maramdaman ang gutom kahit wala naman akong kain mula kaninang tanghali.
Sa labas ng bahay ay nagsimula ng bumuhos ang malakas na ulan. Nag brown out sa buong paligid.
Gamit ang flashlight sa cell phone ko, tumuloy ako sa loob ng aking silid at kinuha ang isang botelya ng lason na nabili ko na dati sa first suicide attempt ko na hindi natuloy dahil pinigilan ni Nicco. Kasama nito ang isang kwintas na pinilit ibenta sa akin ng isang matandang lalaki nang araw na bilhin ko ang lason. Gawa iyon sa ugat ng puno na nakatirintas at may pendant na parang anito. Imbes na pera, pagkain ang ibinayad ko sa kaniya.
Lumabas ako ng bahay pagkatapos maghubad ng t-shirt at wala sa sariling isinuot ang kwintas. Gusto kong sa ilalim ng buhos ng ulan ko gawin ang ritwal na tatapos sa aking buhay.
Sobrang dilim ang paligid. Ramdam kong parang tusok ng karayom ang patak ng ulan sa aking katawan habang walang puknat ang pagdaloy ng luha sa aking mga pisngi. Hindi na ako gagawa pa ng suicide letter, tutal wala namang magkakainteres pa na magbasa niyon. Pinihit ko ang takip ng botelya para buksan saka basta na lang inihagis sa kawalan. Itinaas ko ang botelya na para bang makikikampay pa ako sa humahagupit na ulan.
“Paalam Nicco!” Tatlong beses ko iyong isinigaw bago tunggain ang lason.
Ngunit hindi yata naging pabor ang langit dahil sa ikatlong sigaw ko gumuhit ang isang kidlat mula sa langit pababa sa kinaroroonan ko at diretsong tumama sa botelya ng lason.
Ramdam ko ang paglukob ng kakaibang lamig sa aking katawan pagkatapos ay binalot ako ng dilim.
BINABASA MO ANG
Bakal At Bulaklak -Complete
RomanceIto ay Short Story ni joshX na binigyan ako ng permiso to repost