Chapter 2

1.3K 91 10
                                    

PALAPIT pa lang si Jeraldine ay napansin na kaagad niya na mukang masaya ang ina. "Anak, dumaan si Owen dito kanina. Hinahanap ka. Sabi ko nga ay tiyak na parating ka na. Hindi ka na nga lang niya maantay at kailangan na raw nilang makabalik sa Maynila."

Hindi man inaasahan ay hindi na ikinagulat ni Jeraldine iyon. Hindi niya tinawagan si Owen kahapon kahit kinukulit siya ng kapatid na i-miss call ang lalaki. At ang kaalamang dumaan pa talaga si Owen sa palengke at hinahanap siya ay nagbigay ng init sa kanyang puso.

"Ayan, ate. Sabi na kasi sa'yong i-miss call mo si Kuya Owen," ani Chen. Kasabay niya itong pumunta sa palengke. Sa tuwing wala silang pasok at walang gagawin sa bahay ay doon sila pumupunta.

"Nasabi nga niya sa akin na inantay niya ang tawag mo."

Pumasok sa loob ng stall si Jeraldine, nakasunod pa rin ang kapatid sa kanya, "Kita mo na, ate. Sabi na sa'yo, inantay nga tayo ni kuya."

Nakaramdam nang panghihinayang si Jeraldine. Sana nga pala ay nag-miss call siya sa lalaki pagkatapos nilang kumain ni Chen. Tutal, pasado ala-una na noon, baka tapos na nga ang meeting nina Owen.

"Nakakahiya nga, Chen. May meeting 'yong tao. Paano kung nag-uusap sila, tapos saka magring ang phone n'ya?" Ipinatong ni Jeraldine ang laptop bag sa isang sulok ng stall. May iniwan talagang espasyo ang nanay niya para sa kanya, para sa tuwing naroon siya ay may paglalagyan sila ng gamit. Dalawang magkatabing unit ang kinuha nila kaya mas maluwag ang pwesto nila kumpara sa ibang nagtitinda roon.

"Ang sabi ko nga kay Owen, kung gusto kang makausap ay antayin ka na lang. Kaso nagmamadali 'yong kasama niyang babae. Baka malate raw sila sa meeting."

"Nay, 'yong kasama ba ni Kuya Owen ay matangkad na babae, bob cut ang buhok tapos may nunal sa ibabaw ng labi, bandang kanan?"

"Oo. Si Ava, kasamahan daw niya sa trabaho."

"O, ayan, ate. Mapapalagay ka na. Wala silang relasyon. Masungit lang talaga si ate girl kasi threathened sa'yo," nanunudyong susog ni Chen.

"Chen, tumigil ka nga. Kahapon ka pa!" pinandilatan niya ang kapatid. Dali-dali itong lumabas ng stall at tumabi sa nanay niya.

"Bakit? Manliligaw ba sa iyo si Owen? Kaya ka ba n'ya hinahanap, anak?"

"Palagay ko po, Nay."

Pinandilatan niya ulit ang kapatid. "Hindi po. 'Wag kayong maniwala d'yan sa makulit na batang 'yan." Naupo siya, dinampot ang mga box at inayos ang pagkakapatas sa ilalim ng mga estante ng prutas.

"Sus! ate, ang saya kaya ni Kuya Owen nung nakita ka n'ya. Tapos kinilig ka rin noong tawagin ka n'yang crushmate. Wag mo na kasing itanggi! For sure, manliligaw 'yon. Tawagan mo na s'ya. Dali na."

"Ibinilin nga ni Owen na tawagan mo raw siya. May sasabihin yata tungkol sa reunion."

"Tawagan mo na, ate. Palagay ko'y dahilan lang ni kuya ang reunion. Gusto lang no'n makuha ang number mo. Aba, sunggaban mo na, ate. Malapit nang umalis ang tren mo, baka maiwan ka ng biyahe. Sige ka, ilang birthday mo na lang, tatawagin na kitang matandang dalaga."

Tumayo siya at lumapit sa kapatid na tumakbo namang palayo sa kanila ng nanay n'ya. Rinig pa n'ya ang malutong nitong pagtawa.

"Kaya pala nagpilit si Owen na makuha ang number mo kanina. Ang sabi sa akin ay nagbigay na siya ng number sa iyo. Pero para daw siguradong magkakausap kayo, hiningi rin sa akin ang number mo," ani Nanay Fely na napapangiti pa habang nag-aayos ng prutas.

Napabaling bigla si Jeraldine sa ina, "Ibinigay n'yo po ang number ko? Himala. Hindi n'yo basta-basta ibinibigay ang number ko kung kani-kanino."

"Si Owen 'yon, hindi s'ya kung sino-sino lang. Kilala ko naman ang batang iyon mula pagkabata n'yo."

Crushmate (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon