"Ms. Condino, nasa labas po ang tatay ninyo," anang security guard nang palabas na siya.
Napatingin siya kay Owen na nakatingin din sa kanya. Hindi niya inaasahan na muli siyang pupuntahan ng ama. Naibigay naman niya ang inilapit nito sa kanya noong huli silang nag-usap. Ano na naman kaya ang kailangan nito?
"Sweetheart, mauna ka na kayang umuwi. Mag-uusap lang kami ni tatay," ani Jeraldine. Hindi niya alam kung matatagalan silang mag-usap ng ama at alam niyang pagod din si Owen. Full blast na ang construction ng bagong building kaya busy na rin ang lalaki.
"Saan kayo mag-uusap? Ihahatid ko na kayo roon."
"I was hoping you'd say that. Actually, gusto ko ngang isama ka sana. Ayoko lang mag-impose kasi alam kong pagod ka."
"Alam mo namang basta para sa iyo, lahat gagawin ko, di ba?" Masuyo siya nitong nginitian. "At hindi na ako sanay na hindi kita kasabay, sweetheart.""
"Sinanay mo na rin ako na lagi kang kasama." Gumanti siya sa ngiti nito, "At pagkakataon na rin ito para pormal na ipakilala kita kay tatay."
Ngumiti si Owen, "Kukunin ko lang ang kotse."
"Sa labas ng gate ka namin aantayin ni Tatay."
Muli ay sa Gulod sila nagpunta. Nakapwesto sa lamesa na nakasanayan na nilang pwestuhan ni Owen sa tuwing nagagawi sila roon. Pormal na niyang naipakilala si Owen sa ama. Lalabas sana muli si Owen pero pinigilan na niya ito. Kung gusto nitong maging parte ng buhay niya, kailangan na nitong malaman ang lahat nang nangyayari sa kanya.
"Ilang araw na akong nag-iipon ng lakas ng loob na lumapit ulit sa iyo, anak, at itanong kung matutulungan mo ba ulit ako," halata sa mukha ng ama niya ang hiya at pag-aalinlangan.
"Kung may maitutulong po ako, bakit naman ang hindi. Kahit naman po baliktarin natin ng mundo, tatay ko pa rin kayo."
"Salamat, anak...," tumigil sa pagsasalita ang ama niya, halata ang pag-aalinlangan sa mukha.
"May problema pa rin po ba? Hindi pa rin po ba sapat ng idinagdag ninyong computer units?"
"Salamat nga pala sa tulong na iyon, anak..." muling tumigil sa pagsasalita ang ama niya. Namasa ang mga mata nito, huminga muna ito ng malalim bago muling nagpatuloy, "Malaking tulong sa negosyo namin ang limang unit na nabili ko galing sa perang bigay mo. Pero magkokolehiyo na si Alyssa sa darating na pasukan. Si Marisol ay nag-aaral pa rin. Dalawang taon pa ng bubunuin niya sa kolehiyo. Hindi namin kakayanin kung mag-sasabay sila ni Alyssa."
Hindi pa man ay may ideya na ni Jeraldine kung saan ang punta nang pag-uusap nilang mag-ama.
"Maaari mo rin bang sagutin ang pagpapaaral ng mga kapatid mo? Graduating naman na si Chen ngayong taon, hindi ba?"
Hindi niya alam ang dapat isagot sa ama. Seryoso ba ito? Talaga bang ihinihingi nito ng tulong sa kanya ang pag-aaral ang mga half-sisters niya?
"Hindi ko na sana ilalapit sa iyo ito, anak. Kaso ay may maintenance din akong iniinom. Tapos ay HRM pa ang inaaral ang kapatid mo sa Maynila. Hindi na kinakaya ng computer shop namin ang gastusin sa pagpapaaral sa kanilang dalawa. Sana naman ay matulungan mo rin sina Marisol at Alyssa. Kahit paano ay kapatid mo rin naman sila, anak."
Hindi niya alam ang dapat niyang maramdaman at isagot sa ama.
"Anak, hindi ko naman ilalapit sa iyo ang mga kapatid mo kung kaya ko. Kaya lang ay talagang mahina na ang katawan ko kaya hindi na ako makasakay sa barko. Sana naman ay matulungan mo sila. Wag na ako o ang mga pagkakamali at pagkukulang ko ang tingnan mo, anak. Ang tingnan mo na lang ay ang mga kapatid mo. Kapag nagkataon, sila lang sa mga kapatid mo ang hindi makakapagtapos. Sana ay matulungan mo rin sila, anak."
BINABASA MO ANG
Crushmate (COMPLETED)
General FictionSpin-off of My Not So Ideal Man Classmates Series Book 1 Noong high school ay may crush si Owen kay Jeraldine, hence, the "Crushmate" endearment. Pero hindi naging sila, dahil maliban sa mga pranks, hindi naman nanligaw si Owen sa kanya. Makalipas...