Chapter 11

980 69 2
                                    

"Hello," ani Jeraldine. Nanlalamig ang kamay niya, pero mainit na mainit naman ang pakiramdam niya. Maging ang kamay niya ay bahagya pang nanginginig. Lumabas siya ng bahay at naupo sa garden set.

"Hi. Kumusta?"

Napahinga nang malalim si Jeraldine, "Okay naman. Ikaw?"

"Hindi okay. Kung nadiyan ako at kasama ka, siguradong okay ako," ani Owen. Si Jeraldine naman ang walang maisip na isagot doon. Nakagat niya ang labi. "Umalis na ba si Martin?"

"Hindi."

"Damn, hindi effective. Matigas din s'ya, ha." Napatawa siya. Hindi niya alam kung matatawa o maiinis sa kalokohan ng dalawa. Nakakahiya kay Martin. "Pero okay na rin, at least nakaabala ako. Mas masaya nga sana kung nasunod ang gusto ko, 'yung umalis ang manliligaw mo."

"Owen!" Hindi napigilan ni Jeraldine ang mapatawa.

"Crushmate, ako ang dapat kasama mo. Nataon lang na may trabahong hindi ko pwedeng ipagpaliban. Pero as soon as matapos ko ito, uuwi kaagad ako diyan."

Muling walang maisagot doon si Jeraldine. Anticipation and excitement filled her heart.

Sa background ay may narinig siyang tumawag sa pangalan ni Owen. Bumuntong-hininga ang lalaki, "Isinigit ko lang ang pagtawag sa iyo. Nasa opisina pa rin kami. May inadjust kami sa bid estimate. Kailangang matapos namin ito hanggang bukas."

"May ginagawa pala kayo. Ako pala ang nakakaabala," ani Jeraldine. Ang totoo ay ayaw pa niyang ibaba ang tawag.

"Mas gusto ko pang kausapin ka at abalahin kayo ang bwisita mo diyan kaysa titigan ng mga figures dito. Hindi numero, ibang figure ang gusto kong kaharap ngayon," ani Owen sa pabirong tono.

Napatawa si Jeraldine. Ipinagpasalamat niyang hindi niya kaharap ang lalaki. Dahil kahit pabiro ang pagkakasabi ni Owen, matindi naman ang epekto noon sa kanya. Ipinatong niya sa garden table ang bouquet at pinaypayan ang mukha. "Kahit kailan talaga, Owen. Puro ka kalokohan."

"Seryoso 'yon, crushmate," anang binata. Muli niyang narinig ang pagtawag sa pangalan ni Owen at ang pagsagot ng binata ng 'Sandali na lang'.

"Bye na. Kailangan ka na yata nila."

"Tatawag ulit ako sa iyo mamaya."

"Okay. Bye. Ingat ka," ani Jeraldine niya tuluyang pinutol ang tawag.

Tatlong katok.

Hindi kailangang tumingin ni Jeraldine sa pinto para malaman niyang si Owen iyon. Sapat na ang biglang pagbilis ng pintig ng puso niya.

"Pauwi ka na, Crushmate?" nakangiting tanong ni Owen.

Gosh. His smile almost melt Jeraldine's resolve. Kinailangan niyang kumapit sa bangko dahil kung hindi ay tatayo siyang kaagad at lalapit sa lalaki. Huminga siya nang malalim, kinastigo ang sarili. Daig pa niya ang teenager sa nararamdaman at gustong iakto.

Isang linggong halos na naglagi sa Maynila si Owen. Pero araw-araw naman itong tumatawag sa kanya. Ang sabi nito ay kailangan nitong sumama sa pagpepresent ng bid sa condominium building na itatayo sa Muntinlupa. Pero oras na matapos naman daw iyon ay uuwi kaagad ito.

"Oo," ani Jeraldine, yumuko siyang muli, isiniksik na lang niya sa bag ang mga gamit. Mamaya na niya aayusin iyon pagdating sa bahay nila. Matapos mai-shutdown at mailagay sa bag ang laptop ay nilingon muna niya nang mabilis ang kwarto, sinigurong patay na ang aircon bago lumabas.

Si Owen ay nanatili lang sa labas. Gusto mang iiwas ni Jeraldine ang mga gamit na dala ay agad na kinuha ng binata ang mga iyon paglabas niya. "Ihahatid na kita."

Crushmate (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon