Muli mo akong tiningnan na para bang ako lang ang narito sa malawak na espasyo dito sa ating tinatayuang entablado.
Binigkas mo ang mga katagang nagpabilis ng pagtibok ng puso. Kay tagal kong hinintay na marinig ito mula sa iyo.
Dahan-dahan kang lumapit sa akin. Ang bagal ng pagtakbo ng bawat segundo–hindi– parang huminto ang pag-inog ng mundo. Ikaw lang ang tanging nakikita ko.
Hinawakan mo ang aking mukha. Bakas sa iyong tinig ang kasabikan. Sabik sa yakap at piling ng isa't isa. Tila ba'y ilang taon na ang lumipas. Ngunit ang pag-ibig sa iyo'y hindi pa rin kumukupas.
Mabilis kitang hinila para mayakap. Lahat ng alaala ay biglang sinariwa dahil sa pagdikit ng ating mga katawan. Nadarama mo ba ang pintig ng aking puso? Ikaw. Ikaw ang dahilan nito.
Tumagal pa ng ilang saglit ang ating pagyakap. Ipinikit ko ang aking mga mata. Kasabay ng pagsambit ng "Mahal kita."
Humigpit ang kapit mo sa akin. Tila ba ay senyales ito na huwag akong bibitaw dahil ikaw mismo ay patuloy pa ring kakapit.
Kapwa na tayong kumalas. May butil na ng luha ang iyong mukha. Pinunasan ko ito gamit ang kamay ko. Marahan kang ngumiti.
Hindi ko pa man nasasabi ang mga salitang matagal nang nakatago, nakakubli at naghihintay dito sa aking puso. Muling may sumigaw. Natapos na. Tapos na. Ito na ang wakas. Humarap tayo sa kanila. Magkahawak pa rin ang ating mga kamay.
Nabibingi ako. Malalakas na palakpakan, hiwayan at masasayang mukha ang aking nakita.
Nais kong sumaya. Dahil sa wakas, tapos na. Tapos na ang ilang buwan nating pinaghandaan at pinaghirapan. Ngunit, kasabay din nito ang pagtatapos ng ating kwento, kwentong binuo ng isang romantiko na naghahangad ng isang magandang wakas sa kaniyang naudlot na pag-ibig.
"Binabati ko kayo! Tapos na ang film na pinaghirapan natin. Ang mga editors na ang bahala. Sa susunod na linggo ay ipapasa na natin ito." Masayang anunsyo ni direk. Samantalang ako, nalulungkot sapagkat 'di na kita muling mahahawakan at mararamdaman. Tapos na. Tapos na ang kontrata.
BINABASA MO ANG
Koleksiyon ng mga Dagli, Maikling Kwento at Mga Nakatagong Salita
Short StorySinulat ko ang mga kwentong ito dahil trip ko lang.