Matapos kong mapanuod ang video, hindi pa din ako makatulog. Pinagmamasdan kong maigi ang mukha ni mokong. Himbing ang pagtulog at ang mga labi ay may guhit pa din ng ngiti. Naupo ako sa tabi niya habang nakasandal sa kama. Biglang pumasok sa isip ko ang pangyayari kagabi lang. Nahihiya ako ng sobra kay mokong.
Tumayo ako mula sa aking kinauupuan at dahan-dahang naglakad palabas ng kanyang silid. Bago ko tuluyang isinara ang pinto, muli kong sinulyapan ang mukha ni mokong. Nakapagdesisyon na akong itigil na ang pagsusulat sa aking blog at tuluyan na ding lisanin at hindi na magpakita pa kay mokong. Ipinangako kong iyon na ang huling beses kong makikita si John Aaron Coronel.
Nang makapag-impake na, hindi na ako nag-aksaya ng panahon pa. Iniwan ko ang CD#5 at isang sulat sa aking higaan upang madali niyang makita ito sakaling pumasok siya sa aking silid. Inilapat ko na ang pintuan ng aking tinuluyang silid. Dahan-dahan akong humarap upang paghandaan na din sakaling nasa bungad ng pintuan ng katapat na silid si mokong. Nakahinga ako ng maluwag nang makitang nakasara pa din ang pinto.
Hindi na din ako nagpaalam kay Ellaine. Nagpasabi na lang ako sa receptionist at tuluyan ng nilisan ang Tagaytay.
Hindi ko na din inisip na umuwi sa aking kinalakhang tirahan at pamilya dahil alam kong doon ang unang pupuntahan ni mokong upang ako ay hanapin. Sa halip ay sumakay ako ng bus nang hindi ko man lang tinitignan ang karatulang nakapaskil sa harapang bintana nito. Naupo ako sa bandang dulo sa tabi ng bintana. Isinara ang kurtina sakaling mabilis na nakasunod si mokong upang hindi ako makita.
Nagsimula ng umandar ang bus at sa pagod at puyat na din, ako ay nakatulog.
May kung sino ang tumatapik sa balikat ko. Dahil antok pa din ako, ilang beses ko itong hinawi pero nagpatuloy pa din siya. Sa inis ko, binulyawan ko ang nang-iistorbo sa pagtulog ko.
“Ano ba! Nakikita mong natutulog yung tao, tapik ka pa din ng tapik!” kunot-noo kong sabi. Napalakas yata ang boses ko kaya nagsitinginan ang mga kapwa ko pasahero.
“Nandito na ho tayo, boss.” Sabi ng konduktor.
Hinawi ko ang bintana at bumungad sa akin ang tindi ng sikat ng araw. “Anong oras na ho ba?” biglang baba ng boses ko.
“Pasado alas tres na ho ng hapon.” Mahinahon namang sumagot ang konduktor sa kabila ng pagsigaw ko sa kanya.
Kung kanina ay antok na antok pa ako, namulat at namilog ang mga mata ko. Kinapa ko ang aking bulsa upang kumuha ng pambayad. “Shit!” sabay ng paglagatik ng dila ng mapansin ko ding wala sa tabi ko ang gamit ko.
“Manong, may nakita ho ba kayong bag –“
“Yung kasama mo, siya na daw ang magbitbit at pinakiusap na lang sa akin na gisingin ka. Kakababa lang din.” Sa pagsagot ng konduktor, alam kong naguguluhan siya sa reaksyon ko. Hindi na ako kumibo pa at tumayo na lang sa aking kinauupuan at tuluyan ng bumaba ng bus.
“Saan ako pupulutin nito?” panenermon ko sa sarili ko. Nakalimutan ko na ding tanungin ang konduktor kung sino at ano ang itsura ng kumuha ng gamit ko. Bumalik ako sa sinakyan kong bus ngunit nakagarahe na pala ito at umuwi na ang drayber at konduktor nito.
“Badtrip!” gigil ko sa sarili. Halos wala na din ang mga pasaherong nakasabay ko sa bus na iyon. Ilang beses ko nang iginala ang paningin sa paligid at nilibot paikot-ikot ang bus terminal na iyon pero wala talaga. Hindi ko kilala ang lugar. Para akong isang alien mula sa ibang planeta. Sinubukan ko na ding magtanong pero iba ang wikang binabanggit nila at sa kamalas-malasan naman, ni-isa sa mga tinanungan ko, hindi marunong magtagalog.
BINABASA MO ANG
Si Mokong at Ako (boyxboy)
RomanceKayo ba talaga sa isa't isa o papakawalan mo siya? May destiny ba talaga? Please Comment & Share. :)