Alas siyete na ng umaga ng magising si mokong at ako. Ang planong alas singko ng umagang paggising ay hindi natupad. Pareho kaming nagkukumahog sa paghahanda ng aming mga bitbitin. Nang maiayos na namin sa harapan ng pintuan ng bahay ang mga gamit ay nag-uunahan kaming bumalik sa aking kwarto upang maligo at magbihis. Para kaming mga batang naghahatakan ng damit upang pigilan ang isa’t isa sa pareho naming gustong gawin. Hinatak ko ang damit niyang suot upang makauna sa kanya. Mabilis naman niyang nahawakan ang balikat ko at pwersahang ibinaba ako sa sahig at laktawan. Nauwi ang aming gantihan sa pag gulong-gulong namin sa sahig ng aking kwarto ng mapansin kami ni nanay.
“Abay ang mga batang ire, dalian ninyo at baka mahuli kayo sa biyahe!” panenermon ni nanay sa amin sa kabila ng ngiting gumuguhit sa kanyang mga labi sa pagkakakita sa posisyon namin naghahatakan ng damit. “Bakit di na lang kasi kayo magsabay sa paliligo tutal naman ay pareho kayong lalaki!” dugtong at sabay alis ni nanay sa silid.
Tinignan ko ang mukha ni mokong para makita ang magiging reaksyon nito sa sinabi ni nanay. Napatingin din siya sa akin matapos marinig iyon. Parang isang sirang plakang paulit-ulit na tumutugtog sa isipan ko ang salitang “… maligo kayo ng sabay…”. Kita ko sa mga mukha ni mokong ang isang ngiting nakakaloko. Alam kong may pinaplano siya o naiisip na kalokohan. Tinanggal niya ang pagkakakapit sa damit ko at tumayo. Nanatili naman ako sa pagkakahandusay sa sahig.
“Tara!” sabay abot niya ng palad niya sa akin. Sa halip na abutin ay tinabig ko ito.
“Mauna ka na, moks!” at tumayo ako ng mag-isa. Wala akong balak na sumabay sa kanya sa paliligo sa isang banyo lalo na sa aking maliit na banyo. Napikon yata si mokong ng marinig niyang tinawag ko siyang moks. Ramdam ko ang inis niya ng makita ko ang kanyang mga matang nakatitig sa akin. Hindi ko pinansin ang reaksyon niyang iyon. Pakunwari akong walang alam sa nagpupuyos niyang damdamin. Kinuha ko ang nakasukbit na tuwalya sa likod ng pintuan ng kwarto ko kasabay na din ng paglalapat ng pinto na iyon. Dahil hindi ako nakaharap sa kanya, ibinato ko patalikod ang tuwalya na dapat ay iaabot ko sa kanya. Kinabahan ako ng hindi pa din naririnig ang tunog ng tubig sa banyo. Dahan-dahan akong lumingon at nakita kong nasa mukha ni mokong ang tuwalyang ibinato ko.
“Sorry! Sorry tol!” sabi ko matapos ko siyang lapitan at tanggalin ang tuwalya sa mukha. Nag-iba ang reaksyon nito mula sa inis sa mukha ay ngiting nakakaloko muli ang aking nakita. Inihakbang niya paisa-isa ang kanyang paa palapit sa akin. Napaatras naman ako at biglang napatumba sa sahig. Ipinansalag ko ang dalawang hintuturo na pinag-krus na para bang nagtataboy ng isang masamang espiritu.
“Ano bang palagay mo sa akin, demonyo?” kasunod ng tawa niyang panggagaya sa tawa ng demonyo. Ipinasok niya ang kanang bisig sa ilalim ng pareho kong tuhod at hinawakan ng kaliwa niyang kamay na dumaan sa aking likuran ang aking kaliwang balikat. Para akong isang bride na katatapos lang ikasal sa mga oras na iyon.
“Tol, ibaba mo nga ako!” utos ko sa kanya hanggang sa napakapit na ang dalawa kong kamay sa kanyang batok sa kanyang paulit-ulit na pananakot na ibagsak ako sa sahig.
Bigla siyang naglakad patungo sa banyo ng aking silid. Gamit ang paa ay binuksan niya ang pinto ng banyo. Nang makapasok na sa loob ay tsaka lamang niya ako ibinaba. Sa inis sa ginawa ni mokong sa akin, tinabig ko siya upang makadaan palabas ng banyo ngunit agad niyang ni-lock ang pinto.
“Bading ka ba!?” paratang ko sa kanya. Hindi siya nakaimik sa bigla kong nasambit sa kanyang pagmumukha. Dahan-dahan siyang pumapaibaba at hindi ko na nagawang tignan pa ang reaksyon niya. Sa puntong iyon, pakiramdam ko ay nasaktan ko siya sa aking sinabi. Sinubukan ko siyang alu-aluin upang gumaan ang kanyang pakiramdam.
BINABASA MO ANG
Si Mokong at Ako (boyxboy)
RomanceKayo ba talaga sa isa't isa o papakawalan mo siya? May destiny ba talaga? Please Comment & Share. :)