Tahimik na nakamasid si Jia habang nakaupo sa harap ng hapag nang kinaroroonan nilang bahay. Kanina pa pagala-gala ang mga mata niya sa kabuuan ng bahay. Sinasadya niya iyon dahil ayaw niyang tignan si Tyrone. May dala kasing pagbabanta ng delubyo ang mga mata ni Tyrone na nakaupo sa tapat niya.
Kanina habang sakay sila ng kotse nito, wala silang imikan. Hanggang sa pumasok sila sa isang ekslusibong subdivision at bumaba sa tapat ng isang dalawang palapag na bahay. Kahit na nang pumasok sila roon, wala sa kanilang dalawa ang nagsalita. Basta nang pumasok ang lalaki sa gate, sumunod lang din siya.
Maganda ang bahay, moderno. Gusto niya ang disenyo, hindi masyadong shala, simple pero may tinatagong ganda. Parang siya.
"Jia," tawag ni Tyrone sa kanya maya-maya.
"Maganda itong bahay mo," komento niya, gumagala pa rin ang mga mata.
"Jia, bakit mo 'ko pinagtataguan?" anang lalaki, seryoso ang tono. Lalong nataranta si Jia.
"M-maganda ang kurtina, bagay na bagay sa sofa! Y-yayamanin. Tapos itong kusina..." Tumayo siya upang libutin kunwari ang kusina. "Pak din ang disenyo! Shala kung shala! At saka—"
Nabitin sa ere ang mga sasabihin pa niya nang sa isang iglap, nasa harap na niya si Tyrone. Pumulupot ang kamay nito sa beywang niya upang lalo siyang hapitin palapit dito. Ilang sandali pa, bilanggo na siya ng bisig at mga mata nito.
"Kapag hindi mo sinagot ang tanong ko, hahalikan ulit kita, Jianna Elise," seryosong pahayag nito.
Napalunok si Jia. Nanuyot kasi ang lalamunan niya sa sinabi ng lalaki. Juskohan! Wiz na niya bet ang tukaan! Zombie mode na nga siya gabi-gabi dahil sa pantog niya tapos magpapabaon pa ito sa kanya ng halik na bibigyan na naman niya ng iba't ibang meaning. Suko na siya! Baka tuluyan nang masaid ang ganda niya.
"So, sasagot ka ba o hindi?" ani Tyrone, tutok na tutok ang mga mata nitong may magic sa kanya.
"S-sasagot p-po, y-your honor," windang na sagot niya.
Ngumiti ito bago pinisil ang tungki ng ilong niya. "Good. So, anong sagot mo?" Bahagyang lumuwag ang kapit nito sa kanya.
"O-oo. Sinasagot na kita."
"Ha?"
"Ha?" natatangang balik tanong niya. Mabilis siyang umiling bago tumikhim. "A-ang ibig kong sabihin, nagtagu-taguan ako k-kasi... k-kasi..." Nanirik ang utak niya. Ayaw tumulay ng lohika patungo sa dila niya.
"Kasi?"
"K-kasi, kinabag ako." Napangiwi na siya sa lumabas na rason sa dila niya. Tuluyan na siyang napayuko upang itago ang pamumula ng pisngi niya.
Juskolerd! Ano bang klaseng nilalang siya? Slight na nga ang ganda, pilipit ang dila sa Englishan tapos ututin pa?
"Kabag?" tanong ng lalaki bago siya tuluyang binitiwan.
Muli siyang nag-angat ng tingin. "T-truli! Alam mo 'yon... when you... eat many many. And you have to... to..." Juskolerd! Ano bang nakain niya at naisipan niyang mag-English! Nagkamot siya ng ulo. "You have to... evacuate but no evidence."
Nangunot noo ang lalaki bago kumurap-kurap. Halatang parehas silang nawindang sa isinagot niya. Ilang sandali rin itong nakatitig lang sa kanya bago pagod na bumuntong hininga.
"Okay, let's just forget about that, shall we?" Pinisil nito ang pagitan ng mga mata nito bago muling tumingin sa kanya. "I have one more question? Bakit ka nasa fashion event kanina?"
BINABASA MO ANG
My Unexpected You (PUBLISHED UNDER IMMAC PPH)
RomanceBangenge nang magising si Jia kinabukasan, matapos niyang lumaklak ng ilang litrong alak nang nagdaang gabi sa kasal ng matalik niyang kaibigan na si Json dela Vega. Ayos lang ang sakit ng ulo, inaasahan niya iyon, pero ang pagkirot ng mga kasu-kas...