Chapter 13: Biro Lang

4.3K 128 2
                                    


        "Hello!" masayang bati ni Tyrone kay Jia.

        "Good morning!" ganting bati naman ni Jia bago sinimulang ilipat sa plato ang niluto niyang omelet. "Tamang-tama nakaluto na 'ko. Sinangag, omelet, longganisa, kamatis and of course..." Nagsalin siya ng kape sa mug. "Kape. Black, sing-itim ng singit ko este ng budhi ng ex mo. Char lang! Halika na, kain na," nakangiting aya niya sa lalaki.

        Humalakhak si Tyrone. Pansamantalang isinampay sa sofa ang coat nito at naglakad patungo sa dining.

         Winner ang aliwan effort number 1 niya sa araw na iyon.

        "Ang aga mo today," komento nito bago tuluyang dumulog sa hapag.

         "Last day ko sa trabaho ngayon e. Kailangan maaga ako para matapos ko lahat ng dapat kong tapusin." Humigop siya mula sa baso ng gatas na tinimpla niya at tuluyang umupo sa hapag. Araw-araw, sa nakalipas na tatlong linggo, maliban sa pag-effort niyang aliwin ito, ganito ang gawain niya— taga-luto ng agahan at minsan naman hapunan. Pero mas madalas na si Tyrone ang nagluluto ng hapunan. Kahit kasi panay ang aya nito sa kanya na kumain sa labas, panay rin ang tanggi niya. Insekyora pa rin kasi ng peg niya hanggang ngayon. Isa pa, madali na rin kasi siyang mapagod dahil ramdam na niya ang pagbigat ng tiyan niya kahit hindi pa naman 'yon gaanong halata— parang puson lang iyon ng kinakabag.

        "Oo nga pala," aniya nang may maalala. Mabilis siyang tumayo. Kinuha ang papel sa may counter at ibinigay iyon sa lalaki. Assignment niya 'yon sa English lessons nila. Nagprisinta kasi itong maging English tutor niya. Sa gabi bago siya matulog nagbibigay ito ng vocabulary words na hahanapin niya ang meaning sa dictionary at gagamitin niya sa isang sentence.

         Sandali nitong pinag-aralan ang papel niya bago, "Perfect! You got it all correct, Ms. Hidalgo. Mukhang magaling talaga akong tutor," nakangising puri nito sa sarili nito.

        Umirap siya. Ang aga-aga pinasok na naman ng hangin ang utak nito. "Oo na, ikaw na ang pinagpala. Inari mo na lahat ng magagandang katangian, 'di ka nagtira sa mga sawing-palad."

        Ngumiti lang ang lalaki bago inabot ang pisngi niya at marahan iyong pinisil. "You're really cute. Sana magmana sa 'yo ng ka-cute-an si baby."

        Tinabig niya ang kamay nito. "Ayoko nga! Hindi pwede. 'Pag sa akin nagmana si baby, cute nga pero may toyo naman."

        Humalakhak ito. " I really don't mind, basta maganda."

        Pinamungay niya ang mga mata, pinairal ang kapal ng mukha. "So, nagagandahan ka sa akin?"

       Nag-thumbs up ang lalaki. Hindi kasi ito makasagot dahil abala ito sa pang-nguya. Kinilig naman ang bawat himaymay ng katawan niya. At dahil expectorant siya, nilubos-lubos na niya.

       "Siguro, crush mo 'ko no?" aniya.

       "Actually, I have a very huge crush on you," mabilis na sagot nito, nakangiti.

       Natigilan silang pareho sa isinagot nito. Sandali silang nagkatinginan. At dahil masipag sa pagtambol ang asadong puso niya, 'di niya kinaya ang pagtitig ng mga mata nitong may magic. Siya na ang unang umiwas ng tingin. Mabilis niyang inubos ang gatas at hinugasan ang basong ginamit niya.

       "M-magsasapatos l-lang ako," paalam niya kay Tyrone bago siya mabilis na umakyat sa kuwarto niya.

       Hawak ang kanyang dibdib, wala sa sarili siyang naupo sa kama. Malakas ang pag-awit ng aleluya sa tenga niya. Ayaw niyang mag-expect, pero papunta na do'n ang direksyon ng utak niya. Totoo nga kaya? Kahit hindi pang-diwata levels ang ganda niya, patok na patok kay Tyrone ang slight niyang ganda?

My Unexpected You (PUBLISHED UNDER IMMAC PPH)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon