Chapter 2 - Eroplanong Papel

263 2 0
                                    


"Ano'ng nangyari?"

Alam ko may pagkapraning itong bago kong kaibigan pero...

"May problema ba, Jonathan?"

Nakatayo siya sa dulo ng urinals, nakatitig sa akin at sumisigaw. Paano naman ako iihi nito?

"May ipis ba?" tanong ko sa kanya.

"I-Ikaw... ikaw..." pautal-utal siyang nagsalita.

"Ano'ng meron ako? Seryoso, 'tol, may ipis ba sa buhok ko?"

Hinawakan ko agad ang ulo ko at pinagpag ang aking buhok. Mahirap talagang maging long-hair.

"Ikaw... la-lalaki ka...?!"

Natawa ako sa sinabi niya.

"Malamang!" sagot kong pabiro. "Ano sa tingin mo?"

Nakatitig siya sa mukha ko, tila hindi makapaniwala. "Eh... 'yang buhok mo..." sabi niya habang tinuturo ang buhok kong abot balikat.

"Ah, matagal na nga akong nagbabalak magpagupit, eh," paliwanag ko sa kanya. "Kaya lang, ayaw ako payagan ng utol ko. Kamukha ko raw iyong paborito niyang K-pop artist."

"S-Sorry..." sagot niya.

Mukhang nahimasmasan na si Atan. Naitaas na niya ang pantalon niya. Tinuloy ko ang pag-ihi. Ganoon din si Atan pero pumasok muna siya sa isang cubicle. Mukhang hindi pa rin siya makapaniwalang lalaki ako.

Napaisip tuloy ako... hindi kaya ibinili niya ako ng cake kasi akala niya babae ako? He-he-he, malas naman nito...

Alam ko sinasabi ng ibang tao na mukha akong babae pero maskulado naman ang katawan ko kahit papaano ano! Payat nga pero maskulado pa rin.

Ayan, lumabas na siya.

"Sige, mauna na ako sa 'yo."

Ngayon bigla niya akong iiwan?

"Ah, saan ka nga pala nakatira?" tanong ko sa kanya bago siya makaalis. "Ako sa Mercedes Street sa St. John's Subdivision."

Matagal bago siya sumagot.

"Sa kabila lang."

Ang iksi naman ng sagot niya.

"Saang kabila?"

Hinawakan ko uli siya sa balikat para hindi siya makaalis. Tumingin siya sa kaliwa tapos sa kanan, tapos sa baba, sabay buntong-hininga.

"Sa St. Francis Street."

"Talaga?" pagulat kong sagot. "Apat na kanto lang pala ang layo ko sa 'yo!" Kung susuwertehin ka nga naman! "Napakalaking coincidence nito, ah. Biro mo, magkalapit-bahay lang pala tayo!"

"Um," sagot ni Atan.

"Bagong lipat lang kayo ano?" tanong ko ulit sa kanya. "Kilala ko kasi halos lahat ng taga-St. Francis Street, at hindi pa kita nakikita doon."

"Um," sagot niyang muli.

"Dati kasi nakatira kami doon sa street ninyo. Palipat-lipat lang kami ng utol ko. Madalas kasi talaga kaming lumipat." Tiningnan ko si Atan na nakatitig pa rin sa baba. "Actually, sa sobrang dalas namin lumipat, minsan nababalik din kami sa dati na naming naupahan."

"Bakit?"

Napatingin ako kay Atan. Medyo nagulat lang ako na parang interesado siya sa sinabi ko. Nakatingin siya sa akin, may pagtataka sa kanyang mga mata, pero agad din siyang tumingin uli sa baba. Napangiti ako habang nagkukuwento.

Watching People's Feet (teaser)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon