Chapter 3 - Sikreto at Pangako

218 4 2
                                    


"Kuya, laro po tayo!"

Iyon ang paulit-ulit niyang sinasabi.

"Laro pa tayo uli!"

Tila hindi na matatapos ang aming paglalaro habang ang mga eroplanong papel ay lumilipad sa nagdidilim ng langit. Masaya siyang umiikot, lumulutang kasama ng mga eroplanong papel. Napakasaya niyang panoorin. Naisip ko nga na sayang at hindi siya nakikita ni Sam.

"Salamat, Kuya! Ang saya-saya nito! Mami-miss ko itong school, pati ang ibang mga kasama ko!" kanyang sabi matapos magpaikot-ikot.

"Tandaan mo ang pangako mo," sabi ko sa kanya. Palabo ng palabo ang kanyang anyo sa paglubog ng araw.

"Anong pangako?" patawa niyang tanong sa akin.

"Huwag mong ipapaalam sa iba," pahabol ko habang unti-unti siyang naglalaho.

"Oo, Kuya... sikreto natin ito..." mahinang boses na lang ang natira sa batang multo.

"Sikreto..."

May pirasong papel na nahulog mula sa kanyang kinatatayuan sa hangin. Itinaas ko ang kamay ko para kunin iyon.

Napakahirap talagang magpaalam.

Naalala ko bigla na may ibang tao sa paligid. Napatingin ako kay Sam na nakatitig sa akin. Malamang iniisip niya na nababaliw na ako.

"Wala na siya," sabi ko sa kauna-unahang tao na nakaalam sa sikreto ko.

Ngayon, habang nakahiga ako sa kama, napapaisip ako. Mas makabubuti ba kung tutulungan ko sila? Kung kakausapin ko sila para malaman ang pangangailangan nila? Kung aalamin ko ang dahilan ng pananatili nila dito sa lupa? O mas makakabuti pa rin ba na patuloy akong tumingin sa baba, pagmasdan ang kanilang mga paa na matagal nang nawala? Patuloy ba dapat akong magbulag-bulagan sa aking nakikita?

Nagsimula na ang malungkot na mga hikbi mula sa kabilang kuwarto.

Dati ko ng naitanong sa kasambahay namin na si Manang Rita ang tungkol sa babaeng umiiyak tuwing gabi. Napakalaking pagkakamali niyon dahil isinumbong niya ako sa nanay ko. Naghahanap daw ako ng atensiyon. Ang masasabi ko lang, matatagalan ko pa ang mga hikbi sa kabilang kuwarto kaysa sa paghilik niya.

Sa pag-patay ko ng ilaw, ang tanging liwanag nalang ay galing sa poste sa labas ng bintana. Wala ng ibang gumagalaw, maliban sa anino ng puno sa harap ng bahay, at ang katawan ng lalaking nakabigti sa sanga.

Nakakapagod ang araw na ito.

Ipinikit ko ang aking mga mata at agad nakatulog.


"Jonathan! Gising na!"

May tumatawag sa pangalan ko?

"Ano ba? Bangon na!"

"Manang Rita?"

"Sino pa sa tingin mo?" sagot ng kasambahay. "Bumangon ka na at maligo, ininit ko na ang tubig mo!"

"Anong oras na po?"

"Alas-singko pasado na!" sagot niya. "May sakit ka ba? Muntik na akong tanghaliin dahil hindi mo ako ginising!" reklamo ng masipag naming katulong. "Alas-kuwatro ka lagi nagigising, 'di ba? Masama ba pakiramdam mo?"

Ang totoo, alas-tres pa lang gising na ako. Ngayon lang uli ako hindi nagising nang maaga.

"Bilisan mo't maligo ka na. Kanina pa nakaalis ang Mommy mo, kaya walang maghahatid sa 'yo sa eskuwelahan."

Matapos ang minadaling ligo at agahan, nakaabot din ako sa paaralan na may ilang minuto pa bago ang first bell. Papasok na sana ako ng classroom nang biglang may mabigat na kamay na pumatong sa balikat ko.

Watching People's Feet (teaser)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon