Chapter 1
Kyle's Point of View
"P're, parang namumukhaan na kita." lakas-loob kahit pa nagdadalawang isip kong sabihin iyon sa bagong saltang magiging bagong kasama namin sa team. Kailangan kasi namin ng isang posisyon bilang guard pagkatapos magresign ang isa naming kasamahan.
Kaninang ipinakilala sa akin ng aming coach ay hindi sumagi sa isip ko na siya iyon. Nang pangalawang tinitigan ko siya ay medyo naghinala na ako at nang tumagal pa ang patagong pagtitig ko sa kaniya sa malayuan ay alam kong hindi ako puwedeng magkamali. Siya nga siguro ito.
"Nakikilala mo na ako?" tanong niya. Halata sa mukha niya ang halong saya at pagtataka.
Tumango lang muna ako habang mas inigihan kong titigan siya. Ang mga mata niya, ang ilong at ang ngiti. Nagbago man ng bahagya ang lahat ng ito ngunit iyon pa din kasi yung dating hitsura ng musmos na bata na kahit kailan ay hindi ko makalimutan.
Bumunot muna ako ng malalim na hininga bago ko sinagot ang unang tanong niya.
"Oo kilala kita, p're." Yumuko ako.
Gusto kong mawala yung kakaibang kabog sa dibdib ko.
Napalunok muna ako saka ko muli siya tinignan sa kaniyang mga mata.
"Andoy... ikaw si Andoy hindi ba?"
Kahit pa sigurado na ako, humiling pa din ako sa Diyos na sana hindi siya. Gusto kong linlangin sana ang sarili ko.
"Ako nga 'to! Natatandaan mo parin nga ako. Ikaw si Kuya Kaloy, hindi ba?"
Akmang yayakapin niya ako.
Umatras ako. Halatang umiwas sa kaniya.
Maamo ang kaniyang mukha ngunit nakadikit doon ang simula ng kalbaryo ng aking buhay. Siya ang dahilan ng mga mahihirap na pagsubok na pinagdaanan ko at ng aking pamilya. Aksidente man marahil ang nangyari ngunit hindi ko parin kayang tanggalin sa isip ko na siya ang puno't dulo ng malaking pagbabago ng aking buhay. Sa pagligtas ko ng kaniyang buhay ay buhay ko naman ang dumanas ng paghihirap. Kapalit ng pagtulong ko ay ang kamuntikan ding dahilan ng hindi ko pag-abot sa aking mga pangarap.
"Kumusta na? Idol, antagal kong hinintay ang pagkakataong muli tayong magkita. Idol kaya kita noon pa. Napakalakas kasi ng paniwala kong ikaw yan eh! Kahit nang napapanood pa lang kita sa TV, kahit noong madalas kitang makita habang naglalaro ngunit hindi lang kasi kita malapitan at matanong. Paano kung hindi nga ikaw 'yan? Pero nang makita ko yung balat na korteng puso diyan sa baba ng dibdib mo, alam ko, sigurado akong ikaw nga si Kuya Kaloy." Mahaba niyang litanya ngunit matipid lang na kindat ang sukli ko. Ni hindi nga ako nangiti.
"Sige, maghanda ka na p're. Mag-eensayo na tayo mamaya." pabulong iyon kasunod ng pagtalikod ko sa kaniya.
"Pagkatapos ng laro natin baka puwedeng makapag-bonding din tayo. Kahit kape o kaya dinner kuya." pahabol niya sa akin.
"Hindi mo ako kapatid. Huwag mo akong tawaging kuya." suplado kong baling sa kaniya. Sandaling naglaho ang ngiti sa kaniyang labi.
"Eh, di idol! Hayon! Idol na lang!"
"Ayaw kong tinatawag ako ng idol ng kasama ko sa team."
Hindi ko na siya nilingon. Nanatiling kunot ang aking noo, salubong ang kilay.
"Eh, ano?"
"Ano bang tawag ko sa'yo kanina?"
"Pare?"
"Oo, pare."
"Binata pa naman ako't walang anak at wala din akong inaanak na anak mo? Bakit pare?" Alam kong diskarte lang niya iyon para humaba pa ang usapan.