REBOUND OF FOUL HEARTS
Undisputed Bromance Novel by: Joemar Ancheta
(Note from the Author: Hindi ako bihasa sa mga terminologies sa basketball, hindi din ako nanonood o kahit fan lang ng PBA para alam ko yung pasikot-sikot nito. Maaring may mali sa ilang bahagi lalo na sa technicalities ng larong basketball o sa kung paano ang talagang proseso sa PBA. Nagbasa man ako at nagkaroon ng pahapyaw na pagsasaliksik ngunit alam kong may kulang o sobra pa din kaya sana, kayo na lang po ang pupuno sa kung anong kulang at magbabawas sa kung anong sobra. Ang mahalaga lang sa akin sa ngayon at ang ipupunto ko sa kuwento ay ang buhay at pag-ibig nina Andrei at Kyle.- Joemar Ancheta)
Chapter 3
KYLE's Point of View
Nang tanungin ako ni Andrei kung anong kasalanan niya sa akin, nagpigil muna akong sabihin sa kaniya ang totoo kahit pa gustung-gusto ko nang ilabas ang lahat ng hinanakit ko sa kaniya. Bigla kasing naisip ko na hindi sa pagsasabi ng hinanakit ko ang mas mahusay na paraan para gantihan siya. Mas nanaig yung kagustuhan kong ipalasap din sa kaniya yung hirap na pinagdaanan ko para lang marating ko kung nasaan man ako ngayon. Ako ang magiging hadlang niya sa kung anuman ang kaniyang pangarap. Alam kong nakapahalaga sa kaniya ang mapabilang siya sa aming team at may magagawa ako para pahirapan siya kundi man tuluyang biguin siya sa pagkamit ng kaniyang tagumpay.
Nang naglalaro na kami, ginawa ko ang lahat ng paraan para umangat si Benjie laban kay Andrei. Katunayan, nahirapan akong hanapan si Andrei ng paraan para masira ko ang concentration niya. Magaling siyang maglaro, inaamin ko iyon. Malaki na nga ang ipinagbago niya. Ang tikas ng kaniyang katawan, ang bilis niya at lakas sa paglalaro idagdag pa ang pagiging shooter niya ay hindi basta-basta maisantabi. Hindi gano'n kadaling mapataob ang taong may kakayahan sa pinapasok niyang mundo. Bigla akong kinabahan, kung hindi ko kayang supilin ang kaniyang pag-angat, malaki ang posibilidad na aagawin niya ang lahat ng kung anong meron ako sa ngayon. Nasanay na ako sa taas. Gusto kong tapatan kundi man lagpasan ang narating ni Alvin Patrimonio. Gusto kong mangibabaw sa mundo ng basketball ngayon at kahit sa panahong reterado na ako, dapat kikilalanin pa din ako ng mga susunod na henerasyon. Uhaw pa ako sa katanyagan. May mga gusto pa akong patunayan. Pero sa pagdating muli ni Andrei sa buhay ko, mukhang isa siyang malaking balakid sa akin. Anong meron siyang kamalasang dala-dala sa buhay ko?
Hanggang sa nahanapan ko din siya ng isang kahinaan. Nang maramdaman kong medyo iritado siya sa tuwing nabubunggo ang katawan ko sa kaniya, nawawala ang konsentrasyon niya sa tuwing masagi ng bahaging iyon ng harapan ko ang kaniyang puwitan o kaya sa kaniyang tagiliran. May kalakihan ang katawan ni Andrei, guwapo. Hindi man siya maskulado ngunit ang kinis ng kaniyang balat na binagayan ng maamo niyang mukha ay maaring sabihin na nasa kaniya ang isang kainosentehan. Sa unang tingin, aakalain ng iba na hindi siya kailanman sasabak sa kahit anong gulo. May gusto akong palabasin, ang kung paano siya magalit. Kung hindi ko kontrolado ang laro niya ngayon sa court, kaya kong diskartehang ilabas ang nakatagong kademonyohan sa likod ng inosente niyang mukha. Susubukin ko siya kung hanggang saan ang kaya niyang pagpipigil. Hindi ko siya titigilan hangga't alam kong hindi pa naabot ang rurok ng kaniyang pagtitimpi. Ilang sandali pa't hindi nga ako nabigo. Sumabog ito sa harap naming lahat.
"Tang ina p're nakakabastos ka ah! Ano bang gusto mong patunayan ha!" singhal niya sa akin.
Natigilan hindi lang ang buong team na naglalaro kundi pati ang mga kinauukulang may hawak ng susi sa pagpasok niya sa aming team.
Nanlaki ang mga mata ko hindi dahil sa nagulat ako kundi dahil alam kong nahulog na siya sa bitag ko. Kumagat na ang plano ko.
Nakita ko ang pagtayo ng tatlong sumusuri sa kaniya.