Chapter 6
Andrei's Point of View
"Ano pang hinihintay mo, Mr. Kyle Santos na hinangaan ko pa man din ng husto? Ikaw na ba mismo ang magsasabi kay Andrei sa ginawa mo o ako?" lumabas ang pagiging palaban ng girlfriend kong si Carla.
"Sandali, anong nangyayari dito?" tanong ko.
Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa. Nalilito ako. Nakita ko agad sa mukha ni Kyle ang takot. Kinutuban na ako ng hindi maganda. Buong akala ko kasi, na kay Carla lang ang inhaler ko ngunit sa mga naririnig at nasasaksihan ko ngayon, nagdududa na akong may kinalaman si Kyle.
Napabuntong-hininga lang si Kyle.
Ibinulsa niya ang kaniyang dalawang kamay saka siya dahan-dahang tumingin sa akin. Nagkatitigan kami. Naghihintay ako ng kaniyang pagpapatotoo sa mga duda ko.
"Andoy," tinawag niya ako sa pangalan ko noong bata pa ako. Nakita ko sa kaniya ang dating Kaloy na hinangaan ko. Ang Kaloy na napakatagal na panahon ko nang hinanap.
"I'm sorry." pabulong iyon. Kasunod ng paggagap niya sa kamay ko.
Unang pagkakataon iyong hinawakan ako sa palad ng kapwa ko lalaki. Oo, nakikipagkamay ako ngunit hindi sa paraan kung paano niya hawakan ang aking kapay. Ang pisil niya, ang kaniyang pagtitig sa aking mukha. May kakaibang dating sa akin.
Napalunok ako. Lumalakas ang kabog ng aking dibdib. Iyon ay dahil mukhang tumatama ako sa aking hinala. Ngunit gusto kong marinig muna sa kaniya ang pag-amin.
"P're, bakit ka humihingi sa akin ng tawad. Anong ginawa mo?" bumangon na ako. Nagsimulang namuo ang aking mga kamao. May galit sa aking mga mata habang nakatingin sa kaniya. Lumapit sa akin si Carla. Naramdaman ko ang marahan niyang paghaplos sa aking likod.
"Andoy, hindi ko naman alam na aabot pala sa ganito. Ang akala ko lang, kapag maramdaman mong hinahapo ka na, ikaw na mismo ang uupo at magpahinga." pagpapaliwanag niya. Biglang parang naging maamo siyang tupa. Nakita ko pa ang pagpunas niya sa pawis niya sa kaniyang noo.
"Hindi ko hinhingi ang paliwanag mo p're." sinikap kong ibuka ang aking kamao. Hindi ko siya sasaktan. Hindi ako magagalit. Iyon ang sinasabi ko sa sarili ko. Muli ko siyang tinitigan. "Ang tinatanong ko lang ay kung ano ang ginawa mo?"
Hindi siya sumagot. Nanatili siyang nakatitig sa akin.
"O gusto mong ako mismo ang magtatanong sa'yo ha! Ako mismo ang magsasabi sa'yo kung ano sa tingin ko ang ginawa mo na kamuntikan ko ng..." huminga ako ng malalim. Pakiramdam ko hinihika uli ako dahil sa galit. Biglang bumalik lahat sa akin yung mga ginawa niyang paghuli sa loob ko bago at habang naglalaro kami. Mga akbay, mga kabaitan, taktika pala niya ang mga iyon para bulagin ako at hindi siya pag-isipan ng masama.
Humarap ako sa kaniya. Nilapitan ko siya at tinitigan siya sa kaniyang mga mata. Mas matangkad ako sa kaniya kaya medyo nakatingala siya sa akin at siya ang unang nagbaba ng kaniyang tingin.
"Ano, ha! Ikaw ang kumuha ng inhaler ko di ba? Ikaw ang nakakita sa akin noon nang ginamit ko iyon noong unang laro natin. Kaya ka nagbabait-baitan sa akin bago ang ating pangalawang laro para hindi ako magdududang ikaw ang may pakana sa pagkakawala ng inhaler ko. Mahirap bang aminin 'yon? Mahirap bang sabihin kung anong naging kasalanan mo?" singhal ko.
Umatras siya.
Tumango tanda ng pag amin.
"Tang ina lang P're! Tang ina lang!"
"Sorry." matipid niyang sagot. Hindi na siya yung Kyle na kilala kong palaban. Parang bumalik siya sa pagiging Kaloy niya noon. Palaban at astig ngunit may puso. Ngunit hindi iyon kayang tupukin ang lumalagablab kong galit.