Lhevyrose Gonzales POV
"Sigurado ka na ba sa desisyon mo?" nag-aalalang tanong ni mama sa akin habang abala ako sa pag-iimpake ng aking mga gamit na dadalhin patungong Manila.
Luluwas ako ngayon ng manila para magbakasakali. Kailangan ko siyang mahanap.
"Opo, Ma. Buo na po ang desisyon ko." Pinipigilan ko ang maging emosyonal. Kailangan kong magpakatatag kahit hindi ko pa alam kung ano ang kahihinatnan ko pagdating doon dahil ito pa lang ang kauna-unahang beses kong tatapak sa lungsod.
"P'wede pa naman tayong humingi ng tulong sa iba." Kaagad akong umiling kay mama.
"Huwag na po kayong mag-alala. Ako na po ang bahala." Niyakap ako ni mama at hindi ko na mapigilan pa ang pagtulo ng aking mga luha. Agad ko itong pinunasan. Kailangan kong maging matatag. Kailangan kong maging matapang.
Kung hindi lang talaga kailangan, hindi ko na gagawin 'to. Hindi ko na kailangan pang hanapin ang lalaking naging dahilan ng isang malaking dagok na dumating sa buhay ko.
Pero kailanman ay hindi ko pinagsisihang nakilala ko siya. Dahil siya ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ako ng isang anghel sa buhay ko.
Hinagod ko ang likod ni mama. Alam kong sobra siyang nag-aalala para sa akin.
"Kayo na po muna ang bahala sa kanya, Ma."
"Huwag ka ng mag-alala, kami na ang bahala sa kanya. Narito naman ang tatay mo at mga kapatid mo." Napangiti ako ng mapait sa tinuran ni mama.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako kinakausap ni kuya ganun din ang tatay dahil sa maling pagkakamali na nagawa ko dalawang taon na ang nakalilipas. Hindi ko naman sila masisisi. Ilang beses na akong humingi ng tawad sa kanila. Binigo ko sila. Hindi ako nakatapos ng aking pag-aaral dahil sa nangyari.
"Maraming-maraming salamat, mama. Mag-iingat po kayo dito." Niyakap ko na din si mama ng mahigpit. Mami-miss ko silang lahat.
"Ikaw ang mag-iingat doon, anak. Malaki ang Manila. Iba ang buhay ng mga tao doon kaysa dito sa atin. Maraming mga hindi mapagkakatiwalaang tao doon."
"Opo. Wag po kayong mag-alala. Mag-iingat po ako at tatawag po ako kaagad sa oras na makarating na ako doon."
Bumitaw na ako mula sa pagkakayakap ko kay mama at lumapit sa munti kong anghel na payapang natutulog sa kanyang kuna na yari sa kawayan.
Hinalikan ko siya sa noo at ilang beses hinaplos-haplos ang buhok niyang maninipis pa lamang."Mami-miss kita ng sobra-sobra, anak. Mahal na mahal kita at gagawin ko ang lahat-lahat para sa'yo."
Muli ko siyang hinalikan. Ayokong magising siya. Ayokong marinig ang pag-iyak niya dahil baka hindi ko na kayanin pang umalis.
Tumayo na ako at binitbit na ang hindi naman kalakihang bag. Ilang pirasong damit lang ang dinala ko. Nagbaon ako ng isang pirasong lampin ng anghel ko para sa tuwing mami-miss ko siya ay may maaamoy ako at mahahalikang gamit niya.
Naglakad na ako palabas ng silid at nagpaalam na sa aking mga kapatid.
"Kuya," tawag ko kay kuya na walang emosyong nakatitig sa akin habang nakasandal sa gilid ng pinto. "Aalis na po ako."
Tiningnan lang niya ako at mabilis din siyang tumalikod at lumabas ng bahay.
Napahinga na lang ako ng malalim. Wala si tatay. Alam niyang aalis ako ngayon para lumuwas ng Manila. Niyakap ko si Lheila, ang bunso naming kapatid. Nasa labindalawang taong gulang pa lamang siya.
BINABASA MO ANG
Wildly And Desperately [EXCLUSIVE ON DREAME]
Ficción GeneralAll Rights Reserved (2020-2021) Warning!|R-18| Read at your own risk. Isang simpleng babae lang si Lhevyrose Gonzales. Tindera ng mga sariwang gulay sa kanilang bayan sa probinsya ng Mindoro. Kuntento na sa buhay at hindi na naghahangad ng higit pa...