ALAS tres na ng hapon ngunit tirik na tirik pa rin ang araw. Kanya-kanya nang uwian ang mga estudyante sa St. Bernard’s University. Maaga kasing dinismiss ang lahat ng klase sa lahat ng antas dahil University Day nila ngayon. Araw para bigyang pugay ang kagalingang ipinamalas ng unibersidad sa mga nagdaang taon. Ang ibang mga estudyante’y nagsisipuntahan na sa mga mall, ang iba nama’y umuuwi at ang iba nama’y tumatambay sa plaza. Ngunit hindi si Angelo at ang kanyang mga kaibigang sina Benedict, Jun, Mish, Ria, Jessica at Erika. Sabay-sabay silang naglalakad papunta sa Audio Visual Room para sa birthday celebrant na si Angelo.
Hindi matanggal ang konsentrasyon ni Angelo sa isang invitation na iniwan sa kanyang locker. Nakuha niya ito kaninang umaga at alam niyang galing ito sa malambing niyang girlfriend na si Annika.
“Sosyalin ng imbeteysyon mo p're ah? Astig talaga ng girlfriend mo!” nakangiting bulalas ni Jun sa birthday celebrant habang sinisipat ang isang black-themed invitation na mukhang movie ticket dahil sa disenyo nito.
Umiling lang si Angelo sa tabaing kaibigan, tila kinakabahan sa mangyayari. Kanina pa kasing umaga hindi nagpapakita si Annika. Alam niya sa sarili niya na may surpresa na naman ang dalaga. Bawat holiday at celebration ay sinusurpresa siya nito. Ang ayaw niya lang kasi ay ang sinusurpresa niya, isa kasi siyang dakilang kill joy 'pag dating sa mga ganitong bagay.
“Tol, ayos ka lang?” tanong ni Benedict kay Angelo na ngayon ay naka-akbay sa kaibigan nilang si Mish. Tumango naman ang nananahimik na binata at nagpatuloy na sa paglalakad.
“Nga pala, nasaan si Aning?” tanong naman ng kababata ni Angelo na si Mish. Ngumiti lang si Angelo sa tawag ni Mish kay Annika. Nang wala siyang maisagot ay ginulo-gulo niya na lang buhok ng dalaga, isang bagay na lagi niyang ginagawa kay Mish mula nang bata pa sila.
“Tama na! Ano ba Elo,” inis na daing ni Mish kay Angelo nang makitang gulong-gulo na ang buhok na maayos niyang sinuklay kanina.
“Nagtanong ka pa, busy na naman ‘yun sa pag-aasikaso niya sa surprise niya sa AV room, ‘no?” mataray na sabat ni Erika na ngayon ay masyado namang abala sa pag-aayos ng make up niya.
“Taray talaga neto, halika nga!” utos naman ni Ria.
Marahang tiningnan ni Angelo si Ria. Napansin niyang napakaganda talaga ng mga mata nito. Palibhasa ay Kano ang ama nito kaya mukha ring foreigner ang kinalabasan ng itsura ni Ria.
Lumapit naman itong si Erika sa kaibigang si Ria at nagtanong, “Okay na ba ang lipstick ko, girl?” Tumango naman ang Fil-American at ngumiti.
“Guys, pagkatapos nito, saan na tayo?” sabat ni Jessica, ang classic nerd nilang kaibigan.
“Diretso tayo sa bahay ko, naghanda si Mama ng konting salo-salo,” sambit ni Angelo habang diretsong naglalakad. Tumahimik na rin ang maingay na magkakaibigan.
Nang marating nila ang pintuan ng AV room ay nagtinginan silang lahat. Kaagad na pinihit ni Angelo ang door knob at pumasok. Sumunod naman ang kanyang mga kaibigan sa pagpasok niya.
BINABASA MO ANG
Belleza Perdida
HorrorAn official entry for Wattpad Literati's Final Round. This is under Horror and Mystery/Thriller Category.