PARANG bumalik lahat ng kaba at lungkot na naramdaman ni Angelo habang tumatakbo papunta sa puno ng Narra kung saan nakahandusay ang kaibigang si Ria.
Ni hindi niya na nagawang magpaalam sa mga kaibigan. Kung meron mang nakakaalam ng kinalalagyan ni Ria, siya ‘yun dahil kabisado niya ang camp site na ito. Madalas siyang tumatambay rito kapag kailangan niyang mapag-isa.
Isang buwan na ang nakaraan simula nang makita nila ang kalunos-lunos na nangyari sa nobyang si Annika ngunit sariwang-sariwa pa rin sa kanya ang sugat na dinulot nito. Inis na inis siya sa sarili dahil hindi niya nagawang ipagtanggol ang minamahal. Inis siya kay Annika dahil pumayag ito sa masamang plano ng pumapatay. Abot langit ang galit niya sa kung sino mang gumawa sa pagpaslang kay Annika. Ngunit hindi niya mapigilang magalit sa Diyos dahil hinayaan nitong mangyari ang mga insidente sa mga taong mahal niya. Nang isang buwan ay si Annika, ngayon naman ay si Ria.
Nang makita ang nag-iisang puno ng Narra sa masukal na bahagi ng camp site ay nanlambot na lamang ang tuhod ng binata. Malayo pa lang ay kitang-kita niya ang nakahandusay na bangkay ng dalaga. Lumapit siya rito at halos ipikit na ang mga mata nang makita nang malapitan ang lagay ni Ria. Mas masahol pa ito sa ginawa kay Annika.
“Ria…” ‘yun na lamang ang tanging nasambit niya habang tahimik na lumuluha. Napakabait na kaibigan ni Ria, umabot na nga sa puntong nahulog na ang damdamin niya para sa dalaga. Lalo na’t isa ito sa mga taong hindi siya iniwan nang mamatay ang nobyang si Annika. Hindi niya lubos maisip na may magagalit nang husto kay Ria dahil napakabait nito.
Gustuhin niya mang takpan ang hubo’t hubad na katawan ni Ria ay hindi niya na ginawa. Nanginginig siyang nag-dial sa cellphone at tumawag sa taong maaaring makasagot sa mga tanong niya.
“Sir Mon, kailangan mo pong pumunta rito sa Dalupian Camp Site, may nangyari…” naguguluhang sambit niya sa tawag.
“Angelo? Anong nangyari?” tanong ng tao sa kabilang linya. Muling idinako ni Angelo ang tingin sa bangkay ni Ria at maluha-luhang sumagot sa private investigator na si Raymond Montecillo.
“Pinatay po ang kaibigan ko, at sa palagay ko ay iisa lang ang pumatay kay Annika at Ria.”
Saglit na katahimikan ang namayani sa kabilang linya. Suspetsa ni Angelo ay ina-analisa ng imbestigador ang pangyayari.
“Hintayin mo ako d’yan, kung maaari ay ‘wag na ‘wag niyong gagalawin ang bangkay,” turan ng nasa kabilang linya.
Tango na lang ang nagawa ni Angelo. Ibinaba niya na ang telepono at inilagay sa bulsa ng pantalon niya. Dahan-dahan siyang lumapit kay Ria para tingnan ito nang mabuti, pilit na naghahanap ng palatandaan para matunton ang kung sino mang pumatay sa dalaga.
Pero natigilan siya nang makita ang isang maliit na susi. Pamilyar ang susing ito, ang hindi niya lang maalala ay kung sino ang nagmamay-ari ng susi na nakikita niya. Mali man ay kaagad niyang kinuha ang susi at maingat na inilagay sa bulsa ng pantalon. Alam niyang mahihirapan ang imbestigador para mahanap ang kung sino mang pumatay sa dalawang dalaga. Napakalinis magtrabaho ng suspek, para na itong isang magaling na serial killer dahil nagawa nitong makapatay na hindi man lang nag-iwan ng ano mang ebidensya.
BINABASA MO ANG
Belleza Perdida
HorrorAn official entry for Wattpad Literati's Final Round. This is under Horror and Mystery/Thriller Category.