KUNG meron mang itutulin pa ang sugatang paa ni Ria, kanina niya pa nagawa iyon. Malalim na ang gabi, tanging ang ingay mula sa mga palaka ang naririnig niya. Idagdag pa ang malakas na kalabog ng puso niya sa sobrang kaba. Mabuti na lamang at may liwanag na nanggagaling sa bilog na buwan, dahilan para hindi siya mawala sa masukal na damuhan ng camp site.
Palinga-linga siyang tumakbo, hindi na iniinda ang sakit na idinulot ng bubog na tumutusok sa kaliwang paa nang mapadaan siya pumpon ng bubog habang pilit na tumatakas sa gustong pumatay sa kanya. Alam niyang malaki na ang sugat na ginawa ng bubog pero ano pa nga bang magagawa niya? Wala na siyang ibang maisip, kundi ang tumakbo para sa buhay niya.
Saklolo. Paulit-ulit na pumapasok sa isipan niya na para bang sirang plaka ang salitang iyon. Pero hindi niya magawang sumigaw para humingi ng tulong. Isang bagay ang pumipigil sa kanya para gawin ‘yun. Kung sisigaw siya, mas lalo lang siyang masasaktan.
Habang tumatakbo ay naalala niya kung paanong araw-araw siyang dumadaan sa kapilya para magdasal. Napakalakas ng pananalig niya na kaya niyang lampasan ang lahat ng pagsubok dahil may Diyos siyang handang umagapay sa bawat pagsubok na kinahaharap niya.
Ngunit nasaan ang Diyos niya ngayon? Mukhang limot na siya ng Diyos niya. Habang tumatakbo, unti-unti na siyang naniniwalang walang halaga ang mga dasal niya. Dahil kung meron, hindi Nito hahayaang mangyari kay Ria ang katakot-takot na kinahaharap niya sa ngayon.
Wala siyang nagawa, kundi ang tumakbo. Panandaliang nakadama siya ng kapanatagan nang makitang wala na sa likod niya ang humahabol. Ang akala niya’y nakatakas siya. Ngunit natigilan si Ria nang marinig ang pamilyar na boses mula sa taong dahilan ng paghihirap niya ngayon.
Unti-unting umagos mula sa kanyang mata ang mga luha. Kahit alam niyang wala nang magagawa ang pagmamakaawa ay pinilit niyang ipakita sa kaharap ang pagmamakaawa niya. Nahihirapan man ay lumuhod siya at marahang inabot ang kamay ng kaharap. Nanlilisik at mamula-mula ang mga mata nito, ni hindi rin mawala-wala sa labi nito ang isang ngisi na para bang tuwang-tuwa pa itong nakikitang nahihirapan si Ria.
Nagsusumamong tiningnan ni Ria ang kaharap, pilit na ipinararating ang pagmamakaawang tanging sasalba sa kanya sa bingit ng kamatayan.
"Ano? Masarap ba ang mga halik niya? Sarap na sarap ka ba?! Putang ina mong babae ka! Malandi kang hinayupak ka! Pinatay ko na nga si Annika, gusto mo pa talagang sumunod na puta ka!" nanggagalaiti sa galit na sigaw ng kasama ni Ria.
Nanghina siya nang marinig ang sinabi ng kaharap. Ito ang pumatay kay Annika isang buwan na ang nakakaraan. Matagal nang hinahanap ng atworidad ang salarin ngunit hindi nila ito mailantad dahil walang iniwan na ebidensya o kahit thumb marks and suspek sa crime scene. Wala man lang silang kaide-ideya na kasama lang pala nila ang nagwakas sa buhay ni Annika.
Napakasama niya.
Pinisil niya ang kamay nito ngunit isang napakalakas na sampal lang mula sa kasama ang natanggap niya, dahilan para matumba siya sa pagkakaluhod at mapahiga sa maputik na damuhan.
Hindi akalain ni Ria na ang taong pinagkakatiwalaan niya nang buong puso ang gagawa sa kanya nito. Magkaibigan na sila mula first year college. Ito pa nga ang unang lumapit sa kanya nang minsang umiiyak siya dahil namatay ang Nanay niya habang nasa klase sila. Ni sa hinagap ay hindi niya naisip na kayang gawin sa kanya ng kaharap ang pahirap na natatanggap niya ngayon.
BINABASA MO ANG
Belleza Perdida
HorrorAn official entry for Wattpad Literati's Final Round. This is under Horror and Mystery/Thriller Category.