Part 5

24 7 0
                                    

Naglalakad ako sa gitna ng palayan. Madilim na madilim ang paligid ngunit may hawak akong gaserang tumatanglaw sa dinaraanan ko.

Sa aking paglalakad, napadpad ako sa isang maputik na lugar. Maya-maya, bumuhos ang malakas na ulan ngunit nanatiling buhay ang apoy sa gaserang hawak ko.

Malamig ang tubig-ulan, maalat ngunit may kakaibang pait.

Nakakita ako ng mga kawayan sa di kalayuan, mga kawayang nakausli sa gitna ng dilim. Lumapit ako roon.

Habang papalapit, nalaman kong hindi lang pala kawayan ang mga ito kundi mga sibat na tila nakalutang sa gitna ng dilim. Binilang ko. Sampu.

Habang papalapit ako, may kakaibang lamig akong naramdaman, may kaakibat na takot. Ilang yapak na lang ang layo sa mga sibat nang hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Ang sampung sibat ay hindi lumulutan sa dilim kundi nakabaon sa isang babaeng nakaitim at mahaba ang buhok at nakatalikod sa akin.

Biglang tumigil ang ulan. Tumayo ang babae. Dahan-dahang umikot ang babae paharap sa akin.

Kilala ko ang babae. Si Inay. Maputla siya, walang itim ang mata at nangingitim ang mga labi.

Malalaki at mabibigat ang sampung sibat na nakatarak sa kanyang likod ngunit hindi ko nasilayan ang sakit sa mukha ni Inay. Ganoon pa rin ang mukha ni Inay nang gabing kinuha niya ang kanyang sariling buhay at tuluyang namatay.

Gusto kong tumakbo ngunit sa sobrang takot ay hindi ako nakagalaw. Itinaas ni Inay ang kamay na tila gusto niyang makalipad.

Pinagmasdan ko ang kanyang mga kamay, may mahahabang itim na kuko.

"May susunod na!" sabi ni Inay habang nakatitig sa akin. "Paparating na ang mga gamugamong talim!"

Pumikit si Inay, sinabi,

"Gamugamong maiitim,
Gamugamong naghahanap ng dilim
Sakit ang ipatitikim
Ng mga gamugamong talim!"

Gamugamong TalimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon