MUSIC VIDEO
"Ano ba naman 'yan," bulong ko sabay yakap sa kurtinang ipinapabalik ng lider namin, "hindi makapag-decide, dinadamay-damay pa 'ko."
Napabaling ako sa kanan noong kumaway si Faith. She's grinning like an idiot. Sa kaniya nabaling ang inis ko noong maalalang ideya niya ang dahilan kung bakit ako inaali-alila ng lahat ngayon. Bakit hindi nalang ako ang maging bida? Mas bagay naman sa akin!
"Nakasimangot ka d'yan? E hyped ang lahat sa music video natin," pagbibida niya.
Inginuso ko ang kurtinang aking dala. "Hala sige, magsaya kayo. Ito duty ko, o, dahil sa 'yo."
Sumimangot siya't mabilis na itinapon ang kaniyang sarili sa akin. Itinirik ko ang aking mga mata habang tinatapik-tapik siya sa balikat. "Hindi mo kasalanan."
"Alam ko. Napakaboring kasi kung love story ang gagawan natin ng music video. Palagi na lang pag-iibigan..."
"Naiintindihan ko."
Tumunog ang pito ni Clark. Humugot ako ng hangin bago nilingon ang puwesto niya. Nasa loob siya ng kiosk. Nakita kong kalalabas lang nina Cynthia do'n kaya sigurado akong naro'n si Clark. Kung saan naglalagi ang isang kalabao, may nakasuksok na linta.
"Ghad, asim pa lang ng tingin mo ro'n halatang 'di lang ang concept natin ang ayaw mo, a," puna ni Faith.
Umingos ako. "Gano'n ba talaga ka halata? Dapat pina-print ko na sa noo ko, 'no? Para less obvious."
Umalis ako sa tabi ni Faith at mabigat ang mga paang pinuntahan si Clark. Malayo pa man, umaalingasaw na ang kaangasan n'ya.
"Nasa'n ang babaeng 'yon? Hindi niya ba alam na hindi p'wede matunaw ang make up ko!"
Pumasok ako ng kiosk at ibinagsak ang makakapal na kurtina sa kaniyang likuran. Nakatalikod siya sa akin at nakapamaywang. Sa lamesita mayro'ng nakabukas na mineral bottle. Nakahubad ang pang-itaas niya.
May tubig ito at ka-la-lunch lang din. Anong bagay na naman ba sa kalawakan ang nais niyang sungkitin ko?
"Clark..." sabi ko.
Napatalon siya sa boses ko. Bumungad sa akin ang nakasimangot niyang mukha. Kuminang nang bahagya ang earings niya sa kaliwang tainga and I resisted, with all my strength, 'wag lang 'yong hilain at ilipat sa ilong niya.
Mabait naman si Clark. Iba siya sa mga lalaking tumatakbo sa hallway tapos humahalakhak na parang kinikiliting kabayo. Si Clark Eusebio 'yong tipo ng lalaking hahabol sa mga pasaway. Pero hindi ibig sabihin no'n, hindi na siya maarte.
"N-Nandiyan ka na?" aligaga niyang inayos ang magulo niyang gamit sa paligid. Noong mayamaya'y tumigil siya, nakaupo na ako sa mahabang silya't iniisip kung saang aspeto ng pag-iisip nagkulang ang lalaking 'to. Naturally, he barked. "N-Nagbago ang isip ko. Ikaw nalang pala maglinis ng kalat!"
Pinandilatan ko siya pero ngumiwi lamang siya saka nag-iwas ng tingin. Bumuntong hininga ako bago pinagpupupulot ang mga kalat sa paligid.
"Nga pala, Gail," untag niya mayamaya. Mas kalmado na siya ngayon at nakadamit na rin. "Gusto mo pa rin bang matuloy 'yong change concept?"
Nabitiwan ko ang walis tingting. Pinulot ko 'yon habang inaalala ang maangas na pagsayaw nina Clark sa saliw ng isang kantang banyaga. Nakakainis aminin pero mas maganda nga ang naisip nila.
Sa next lifetime ko, ire-request ko ang Beauty and The Beast tapos si Clark ang candleholder na nagsasalita. P'wede ring siya ang Beast kaso marami siyang babae.
Pangarap ko talagang magka-role sa lahat ng may kinalaman sa big screen. Ngayon sa music video namin, ini-reject ang ideya ko, alalay ang naging gawain ko. Hindi matutuwa ang nanay ko nito. Dapat star si Wella Estrellas!
"Oo para kakaiba 'yong atin." Suminghot ako. Napakamaalikabok dito!
"Hoy, iniiyakan mo ba 'tong paggawa ng music video?" usig ni Clark, pinagtatatapik ang kawayang haligi ng kiosk. "Pa'no kung change of plan ulit tayo?"
"Sisipain tayo ni Faith."
"Ikaw lang," buyo niya.
O siya, sige, masiyadong takot si Faith sa kaniya.
"Ano bang suggestyon mo?"
Bumuntong hininga si Clark. Akala ko nagbago ang isip niya't 'di na lang ako bibigyan ng role. Sisipain ko na sana siya noong bigla siyang gumiling nang malaswa tingnan.
"H-Hoy..." Nagpalingon-lingon ako para masigurong walang nakatingin. May saltik nga yata ang lalaking 'to. "...itigil mo nga 'yan!"
Napasinghap ako noong magsimula siyang gumiling pahiga sa lupa.
"Gawin nating..." Mas nilakasan niya ang paggiling. "...kwento ng isang idol na nalulong sa bisyo pero nakabangon dahil sa tulong ng isang babae."
"B-Babae?" pag-uulit ko. "Ako 'yon? Ako?"
Huminto siya sa pagsayaw saka humahagikhik na bumangon. Rumehistro sa akin kung gaano kalambot ang katawan niya. "Oo naman. Ikaw lang."
Bumagsak ang panga ko sa lupa. Sinikop ko 'yon bago nagtatatakbo paalis. Nanlalamig ang kamay ko. Ano bang nasa isip niya?
"Bumalik ka dito! Huy!" tili ni Clark.
Akala niya babalik pa ako? Hah!
'Babalik nga ako.' Yumuko ako't ngumisi. 'Pero mayamaya na kapag kumalma na ang pagtibok ng puso ko sa tuwa.'
BINABASA MO ANG
Lilies Near Me
Random(One-Shot Collection) Wala na naman si Ma'am. Tara't magsulat saglit.