THE BLUE-EYED OMEGA
Akala ko hindi siya tutuloy. May pakiramdam akong nag-aalala na baka totohanin niya ang banta niya pero isinawalang bahala ko 'yon. Walang magtatangkang sumulong sa bahay ng Alpha. Mangmang lang ang gagawa no'n. At dahil matalino si Hansel, alam kong hindi niya gagawin 'yon.
'Yon nga lang, may ugali siyang hindi kinikilala ang salitang 'takot'. Para sa isang Omega, ang ugali niya'y maihahalintulad sa Alpha; may tiwala sa sarili, matapang at mautak.
Minsan, naiisip kong mas bagay pa sa kaniya ang katungkulan ko kaysa sa akin.
"Narinig ko 'yong kaguluhan kanina, Apollo," mahinang untag ni Ina. Nakaangat nang bahagya ang kilay niya. Huminto si Ama sa pagsubo ng pagkain at pinanood ako gamit ang mapanuring tingin. "Anong nangyari?"
"Wala po 'yon..." Naunsyami ang pagpapaliwanag ko noong may kumatok sa pinto. Kaagad na tumayo si Papa para salubungin ang panauhin.
Si Hansel. Halos sigawan ko si Ama noong takbuhin ko rin ang pinto't pinigilan siya. "Pa! Ako na po."
"Apollo," may babala sa kaniyang boses, "kanina ko pa napapansin 'yang pagiging aligaga mo."
Pansin ko rin, Ama. Umiling ako't hinayaan na lamang siya. Baka mas lalo itong magduda. Pinigilan kong huminga noong nabuksan na ang pinto. Hindi man umatake sa akin ang amoy ng mga bulaklak, karagatan at unang patak ng ulan sa lupa, napasinghap ako sa hitsura ng isang galit na Omega.
Masama para sa akin kapag nalalapit siya. Gusto kong manakit. Hindi ko siya puwedeng hawakan.
"O, Hansel," bungad ni Ama. "Anong maipaglilingkod ko sa 'yo, anak?"
Hindi katangkaran si Hansel. Hanggang mga mata ko lamang siya't pareho kaming kinse anyos. Hanggang balikat siya kay Ama pero matigas kung makatitig.
"Gusto ko pong kausapin si Apollo, pinuno." Nanliit ang mga mata niya, itinutok sa akin. "Gusto ko lang po s'yang kausapin dahil sa ginawa niya kanina."
Umaktong gulat si Ama roon. Napahilamos ako ng palad sa mukha. Gusto kong isilid sa sako si Hansel at ipatapon sa ilog. Bakit ba kailangan niya 'tong gawin?
"Hinalikan niya si Bia," mariing ani Hansel noong bumakas ang pagkalito sa mukha ni Ama. "Hinalikan niya si Bia sa harapan ng marami."
"Ah..." Tumikhim si Ama. "At nagagalit ka dahil nobya mo itong si Bia, Hansel?" Saglit akong tinapunan ni Ama ng hindi natutuwang tingin bago bumalik kay Hansel.
Maingay akong napalunok. Ginawa ko nga 'yon. Hinalikan ko si Bia. Mukhang hindi nga tama 'yon.
"Hindi po. Hindi po tama 'yong ginawa n'ya." Sumaglit ang sakit sa mga mata ni Hansel. Halos suntukin ko ang sarili dahil doon. Hindi dapat siya nalulungkot.
Dahil sa sinabi niya, mas lalong nalito si Ama't naiinis na. "Hansel, bakit hindi dapat 'yon mangyari? Baka kapares ni Apollo si Bia!"
Nanlumo nang tuluyan si Hansel. Bumagsak ang kaniyang balikat at humaba nang kaunti ang nguso. "Imposible po 'yan..."
"A-Ama totoo po ang sinabi n'yo. Kapares ko si Bia...hindi mali na halikan ko siya."
Hindi ito ang unang beses na itinanggi ko si Hansel bilang akin. Hindi rin ito ang magiging huli. Hangga't nasa tabi ko siya't hindi umaalis hanggang kaya ko na siyang akuin, mananatili akong sinungaling.
Hihintayin ko ang araw na hindi ko na kayang tagalan ang dismayado niyang tingin sa akin, kapag dumating ang araw na 'yon, buong puso kong isisigaw ang pangalan niya kasama ang apilyido ko.
BINABASA MO ANG
Lilies Near Me
Random(One-Shot Collection) Wala na naman si Ma'am. Tara't magsulat saglit.