FAITH
Namatay si Tiyo Amor nang walang paalam. Ibig sabihin, namatay siya sa isang aksidente. Walang may alam na noong nakaraang Lunes siya lilisan dala ng iilang parte ng pedicab na kaniyang minamaneho araw-araw. Si Tiya Goreng, iyak nang iyak.
Ako, umiyak din. Hindi nga lang gaano. Hindi rin nahimatay. Nalungkot ako, hindi nga lang gaya ng kanila. Hindi ako naglupasay, hindi ako nagmukmok, lalong hindi rin humagulgol.
Nalulungkot ako subalit hindi gaano. Hindi kami ganoon kalapit ni Tiyo Amor. Hindi palausap sa anak niyang unico hijo na si Bernard. Hindi ito nag-aaral. Maraming pera si Tiyo, ayaw namang mag-aral ng anak niya.
Mahal ni Tiya Goreng si Bernard. Kahit siguro harap-harapan niya itong makitang bumabatak ng shabu, sasabihin niyang naglalaro lang ito ng polbo. Dahil ang bente dos anyos niyang anak ay hindi tumatanda. Bata pa rin sa paningin ni Tiya.
Nilingon ko ang lalaking katabi. Hindi pa rin umiiyak si Bernard. Ilang araw nang nakahiga sa kabaong ang kaniyang ama. Hindi rin kaya siya malapit kay Tiyo gaya ko?
Imposible. Ang mga anak ay malapit sa mga tatay nila. Alam ko 'yon dahil tinuturo 'yon sa iskul. Alam ko 'yon kahit wala akong tatay.
"Faith, halika..." Tumayo na si Mama't niyakap sa huling beses si Tiya Goreng. "Babalik ako mamaya, Ate. Pagpapahingahin ko lang 'tong si Faith."
Tumango si Tiya Goreng. Kahit isang beses hindi pa siya tumingin sa akin, o kahit kanino maliban kay Mama't Bernard. May ibang taong nag-aasikaso sa mga bisita. Ang parte ni Tiya lang ang ginagampanan niya; ang pagluluksa.
Sinuot ko ang itim na damit na kabibili lang ni Mama kahapon para sa araw na ito. Mas lalo akong gumanda, sabi ni Mama. Naniniwala ako roon. Marami na kasi ang nakapagsabi sa akin na kamukhang kamukha ko siya, at walang mas maganda kay Mama sa pananaw ko kaya alam kong kahit papaano, may hitsura ako.
Madalas akong kinukuha ng mga titser ko kapag may pagandahan sa isteyds.
Sumakay kami ni Mama ng pedicab pauwi. Noong makababa na kami, dali-dali siyang kumuha ng abo. Doon daw ako tatapak bago papasok ng bahay. Tinanong ko siya kung para saan 'yon. Gaya ni Tiya Goreng, sagot niya lagi'y 'ssh'.
"Ma?" tanong ko noong matuyo na nang husto ang basa kong buhok. Si Mama ay nagbibihis pa rin. Inuna niya akong ayusan at linisin bago ang kaniyang sarili. "Nakakulong na po ba 'yong nakabangga kay Tiyo Amor?"
Suminghap si Mama at ilang segundong nanahimik. Lumuhod siya sa aking harapan. Pinanood ko siyang lumunok nang paulit-ulit.
Nakabasa na ako ng ganito sa mga kwentong pambata ni Ma'am namin. Kapag ganito ang isang tao, nalulungkot siya. Hinawakan ko si Mama sa mukha. "Ayos lang po..."
"Ayos lang, 'nak," ani Mama. "Wala akong maisagot sa tanong mo kasi...walang bumangga sa sasakyan ng Tiyo Amor mo, Faith."
Inaya ako ni Mama na matulog matapos 'yon. Hindi ko maintindihan. Ang usapan sa labas, may bumangga raw kay Tiyo. Imposibleng nagmaneho ito nang lasing dahil hindi ito palainom. 'Yon nga lang daw, panay ang kain ng baboy.
May sakit sa puso ang aking Tiyo. Madalas 'yong pagtalunan nila ng kaniyang asawa lalo na kapag kumakain. May mga okasyong dumadalaw kami ni Mama sa kanila. Mas nakalalamang kasi sila sa buhay kaysa sa amin. Masasarap lagi ang pagkain nila! Maraming maraming marami rin.
"Faith, sorry sa nangyari sa Tito mo, ha."
"Kawawa naman 'yong Tiyo mo, 'no?"Kasabay ko ang iilang mga kaklase ko sa pag-uwi. Karamihan sa kanila'y kapitbahay ko. Nagkibit-balikat ako gaya ng utos ni Mama. Sabi niya kasi, 'wag daw pansinin ang mga ganito. Kasama na ni God si Tiyo. Dapat hindi ako malungkot.
BINABASA MO ANG
Lilies Near Me
Random(One-Shot Collection) Wala na naman si Ma'am. Tara't magsulat saglit.