DAPITHAPON
Nagtataka ang mata ng iilan, bakit naghihintay ako sa labas ng isang praybeyt iskul suot ang uniporme kong mula rin sa isang iskwelahang pribado? Hindi ko rin alam. Nakakapagod ang araw na ito. Sana hindi na lang ako pumunta sa paaralan ngayong araw, pag-tsi-tsek lang naman ng papel ang aming ginawa.
C
arly:
Wait lang. Hinihintay pa namin ang waiver. Nasaan ka?Ako:
Sige lang. Nasa labas ako.Dapat siguro hindi na ako tumuloy rito. May praktis kami ng mga kaklase ko sa sayaw mamayang alas sais at matatapos ng alas nueve. Dapat nagpapahinga ako ngayon o hindi kaya gumagawa ng mga takdang aralin. Hindi madali ang kinuha kong strand sa Senior High na ABM. Inisip kong maganda itong challenge kaya ko pinasukan, hindi ako aware kung gaano iyon nakakapagod.
"Jax!" tili ng isang pamilyar na boses sa kabilang dako ng kalsada. Nag-angat ako ng tingin at kumaway sa babaeng magulong magulo ang buhok, pulang pula't pawis na pawi--as usual. Hindi ko matandaan kung kailan ba naging presentable si Carly. Lagi siyang haggard, laging may hinahabol.
Tangay niya si Harold at Seraphim na kapwa rin eksayted nang makita ako. Itinago ko ang cell phone, hinanda ang sarili sa pagyakap ng tatlo.
Lumapit silang tatlo, maigi kong nasilayan ang malalapad nilang ngiti. Masaya silang makita ako. Ako rin.
"Jax, nako! Iba talaga ang mga taga-Samsville, o," buyo ni Carly.
"Mababango, hmn!" sabi ng kaibigan naming binabae na si Harold.
Umiling si Sera bago hinampas si Harold. "Tumigil ka nga! Umaariba 'yang kaharutan mo, a."
"Tumigil nga kayo," saway ko, labi ko'y naiinat nang husto dahil sa pagngiti. "Kumusta?"
"Nagkita na tayo no'ng isang araw," Carly.
"May nangyari ba, Jax?" mabilis na urirat ni Harold.
Pumalatak si Sera. "Sinasabi ko na nga ba! Dapat sa isang school lang tayo pumasok, e. Hindi natin nababantayan ang isa't isa."
Nag-iwas ako ng tingin at namulsa. "Wala naman. Okay sina Mama't Papa. Maayos ang mga kaklase ko. Mayayaman, malilinis...minsan maaarte."
Humalakhak si Carly, laway ay tumatalsik. "Dito hindi. Mababait mga ate't kuya namin dito. Transfer ka na rito."
Bumaling ako sa entrada ng paaralan nila. Maliit ang eskwelahan nina Carly. Kaunti pa ang mga kagamitan at tatlong araw lamang ang pasok. Wala akong matututunan sa ganoon. Nakakaangat ang Samsville kaysa sa paaralan nila. Mas maganda roon. Isa pa, ayaw ni Mama na magpalit ako ng iskul.
"Ayos lang. Gusto kong makasubok ng bago..." pagdadahilan ko.
"Nga pala, nasa loob pa sina Hansel. Ngayon ba sila bibili ng pang-socialization?"
"Oo. Magpapasama raw pero mauna na tayo sa mall kasi kukuha pa sila ng waiver," imporma ko.
Tumango silang tatlo. "O, siya, maglakad na tayo," sabi ni Harold.
"Excuse me?" singhap ko. "Lakad?"
"May pera ka ba?" pakli ni Sera.
May limampung piso pa ako sa bulsa pero hindi ko iyon sasabihin. "Wala."
"O, e 'di sorry ka kasi wala ring pera mga kaibigan mo kaya maglalakad tayo," aniya.
Ngumiwit ako. "Ang init kaya."
Hinubad ni Carly ang suot na jacket. "O, ayan. 'Wag mo paarawan 'yang makinis mong kutis kasi maraming naghahabol diyan."
Tinanggap ko ang damit at isinuot. "Hindi naman sa gano'n, masakit kasi sa balat..." bulong ko.
Umakbay sa akin si Harold. "Alam namin. Halika na!"
Nagpaubaya ako sa tatlo. Naglakad kami sa mausok na kalsada, nag-uunahang magpunta sa lilim ng mga nagtatayugang establisimento habang tumatawa. Suot nila ang pulang damit na may print ng strand nila. Ako naman ay babad sa sariling pawis sa loob ng puting uniporme at jacket. May kumikiliti sa aking tiyan tuwing tumatalsik ang laway ni Carly, tuwing pumuputok ang hindi mawala-walang ubo ni Harold at kapag pinagagalitan kami ng maliit na si Sera.
"'Yong school n'yo, Jax? Wala kayong aktibidad ngayong buwan?"
Ngumisi ako't pinahid ang gumugulong na butil ng pawis sa aking pisngi gamit ang dulo ng manggas ng jacket ni Carly. "May Sayaw sa Pista kami ngayong katapusan. Competition 'yon. Katatapos lang ng midterm namin pero walang patawad ang mga titser, as usual."
"Nyay!" bulalas ni Harold. "Kami chill chill lang...parang wala kaming natututunan. Puro activities kami."
"Gano'n ba..." Inisip ko ang mga numerong hindi ko ma-balance-balance at mga lesson na hindi maintindihan. "Hindi kayo...nag-aalala?"
"Nag-aalala saan?"
Nagkibit-balikat ako. "Na sa hinaharap wala kayong magagamit kasi wala kayong natututunan."
Ngumuso si Harold. "Nakakaya naman naming makisabay sa bilis ng pagtuturo ng mga titser namin. Don't worry."
"Mabuti."
Ang mga kaklase ko ngayo'y matatalino. Nakakayang mag-ingles nang walang hinto. Mayayaman. Kaya akong ilibre tuwing wala akong pera.
Sa umaga, ang mga kaklase ko ngayon ang nagpapaalala sa akin ng kung ano ang magiging kinabukasan ko. Tuwing may pasok, sila ang nagduduldol sa utak ko ng mga obligasyong minsan kong nakalilimutan. Sila ang nagtuturo sa aking maging malinis sa galaw, matipuno, at pormal. Sila ang nagpapaalala sa akin kung gaano kaimportante ang pera.
"Bili tayo ng tempura, o!" aya ni Sera. Hinigit niya ang laylayan ng suot kong jacket pati na ang braso ni Harold. Humabol ang nakangising si Carly. Humalakhak ako sa asta ng tatlo.
Tuwing dapithapon, sila ang hanap-hanap ko. Tuwing dapithapon at pagod ako, sila ang tanging hinihiling ko. Sila ang katotohanan, walang tabing at nakabalandra. Tuwing wala ng pasok, sila ang nagpapaalala sa akin ng kahalagahan ng pagiging masaya anuman ang mangyari. Sila ang nagsasabi sa aking kamahal-mahal ako kahit hindi ako mayaman o kahit hindi kilala ang aking mga magulang.
Sila ang nagpapatunay na kahit gaano ko pa lokohin ang sarili na ako'y buo at totoo sa harap ng marami, walang duda na mas kalmado ako kapag nariyan sila kahit hindi dapat.
Nakaramdam ako ng inis.
"Jax! Libre kita ng isa pero isa lang, ha?" sabi ni Carly habang pinipili ang mas malaking prito sa lalagyan. "Harold, akin 'yan!"
"Hala! Ang sarap nitong sago..." ungot ni Sera.
Niyakap ko ang dalawang babae't nakipili na rin sa kanila ng kakainin. "'Yan, 'yan akin," sabi ko.
Naiinis ako dahil kahit hindi na dapat, sila pa rin ang hanap ko. Na kahit anumang kinang ng nasa umaga, hinihintay ko pa ring dumating ang dapithapon dahil sa kanila.
BINABASA MO ANG
Lilies Near Me
Random(One-Shot Collection) Wala na naman si Ma'am. Tara't magsulat saglit.