Bata pa lang ako, wala na akong hilig sa bata. Nangungurot ako ng mga batang nakakasalubong ko sa mall. Laking tuwa ko ng mga panahong iyon sa tuwing magsisimula silang humikbi at malukot ang mukha hanggang sa umiyak. Bully nga. Tapos syempre di alam yun ng mga magulang na may karga sa kanila. Dahil sino bang maghihinala sa isang batang akay sa paglalakad ng magulang nya?
Hanggang high school, di ako nahilig mag-alaga ng bata. Maigsi ang pasensya ko at madalas napapasigaw. Dumating ang una kong pamangkin sa panganay kong kapatid. Nakarga ko sya pero di ko sya inalagaan tulad ng ginawa ng ate, siya ang pangatlo sa amin. Hanggang ngayon na apat na ang pamangkin ko, hindi pa rin ako naging malapit sa kanila. Madalas nila akong kaaway dahil pinagkakatuwaan ko sila.
Kung nag-iisip kayo, opo mahal ko ang mga pamangkin ko. Di lang ako sanay na ipakita ang pagmamahal ko sa kanila. Marahil ay ganon din ako pinalaki ng mga magulang ko. Pinalaki sa pagdidisiplina. Kailangang sumunod sa mga pangaral nila. Na ang gantimpalang matatanggap mo ay ang katahimikan sa bahay. Dun mo lang malalaman na tama ka, kapag di ka nila pinagsasabihan. Wala kang maririnig na "ang galing mo anak", maswerte pa kung may, "mas pagbutihan mo pa sa susunod". Hindi ako naghinanakit sa kanila dahil alam kong iba iba naman ang paraan ng tao sa pagpapahayag ng pagmamahal. Pero hindi nyo ako masisisi kung hahanapin ko ang katiting na pagbibigay ng maigsing, "i'm proud of you". Noong elementarya ay wala naman akong pakealam sa kung anong nararamdaman ko. Basta, kailangan ko daw mag-aral ng mabuti para hindi ako mawala sa Star section. Nang makatungtong ako sa mataas na paaralan, natanto kong naghahanap na pala ako ng appreciation, o kahit simpleng recognition. Nagawa ko pa magsinungaling sa mga malapit kong kaibigan na lilipat ako ng paaralan upang makuha ko ang hinahanap kong pagpapahalaga mula sa kanila. Sa ikalawang taon, nakaaway ko ang buong klase na naging dahilan upang maranasan ko ang mag-isa. Dun ko naman na-realize na wala sa ibang tao ang kailangan ko. Nasa akin. Kailangan kong magpakatatag at tibayan ang loob ko, para sa sarili ko. Para sa mga pangarap ko.
Pangarap. Ngayong nakatungtong na ako sa kolehiyo, ang pangarap kong sasakyan, bmga lugar na gustong marating, bahay at buhay, ay nadagdagan na ng isa pa. Ang magkaroon ng sarili kong anak. Ang magbuntis ng syam na buwan. Hirap sa paghinga, pagtayo, paglilihi, paggawa ng mga normal na bagay at pagbabago sa pisikal na anyo. Magluluwal at masisilayan ang isang anghel na bigay ng mahusay na Lumikha. Papalakihin ko sya ng masaya ngunit may kasama pa ring disiplina. Kailangan nyang makita ang kahalagahan ng mga bagay na makukuha nya, tulad ng maliliit na laruang aabutin ng sweldong kinikita ko. Sa bawat tagumpay ay makakasama nya akong magdiwang at sa bawat pagkabigo ay kasama nya akong luluha. Tatabihan ko sya at susubaybayang bumangon sa sarili nyang paraan. Mamahalin ko ang magiging anak ko.
Pero natatakot ako. Nangangamba sa tuwing makakakita ako ng isang batang kalong ng kanyang ina. Mapapatanong na lamang ako sa sarili ko, "Paano kung hindi ako magkaanak? Paano kung hindi yun matanggap ng magiging asawa ko?"
Hindi sa pagbubuhat ng bangko, pero bubuhatin ko na din. Matulungin ako. Sa mga nanlilimos lalo na sa kabataan. Mahapdi sa mata ang makita silang walang takot na nananakbuhan sa gitna ng malaking highway. Ang iba naman'y nakaupo sa center island habang sumisinghot ng solvent na isinupot o ipinahid sa pinilas na tela. Madalang akong makatulong ngunit ginagawa ko. Hindi ako nag-aabot ng pera, sa halip ay ililibre ko sila ng simpleng calamares na alam kong maiibsan ang mga kumakalam nilang sikmura. May ibang hindi nagpapasalamat ngunit ayos lang. Minsan nga, kahit pa kuting, tinutulungan kong makababasa hagdan ng footbridge. Mayabang ba? Wala kang pakealam, nakikibasa ka lang.
Pero sa kabila ng buong puso kong pagtulong, naitatanong ko din, "Kakayanin ko ba ang mag-aampon? Kakayanin ko bang mag-aruga ng hindi ko dugo?". Malaki ang kaibahan ng pagtulong sa aktwal na pag-aalaga mula pagkabata. Kaya nakakagulo ng isip. Nakaka-baliw ang magtanong sa sarili patungkol sa mga bagay na maaaring mangyari sa hinaharap. Wala kang maisagot, ngunit tahimik mong hinihiling na mangyari ang mga bagay na pabor sa kagustuhan mo. Sa dulo nito, maiisip mo na lang na, "Sa ngayon, magpapaka-anak na lang muna ako sa magulang ko."