AKO

59 5 0
                                    

Bago pa tuksuhin ng ahas na kagatin ni Eba ang ipinagbabawal na bunga ay nakaramdam na ng lungkot si Adan sapagkat sya'y nag-iisa. Bago pa buksan ni Pandora ang kahon na ipinagkatiwala ni Prometheus sa kapatid nyang si Epimetheus ay nariyan na ang kaguluhan sa pagitan ng mga Diyos ng mitolohiyang Griyego. Bago pa magkakilala at magmahalan si Gus at Hazel ay pareho na silang may dinaranas na karamdaman. Tao at problema. Para na silang pedal ng bisikleta na hindi uusad kung wala ang isa.

Hindi mabubuhay ang isang tao ng walang dinaranas na problema. Sa aking pananaw, maituturing din na problema ang hindi pagkakaroon nito. Hindi mo na mararanasan ang pagkalungkot na parte ng emosyon na inilalabas ng mga hormones sa ating utak. Kahit ang mga tao na akala natin ay nasa kanila na ang lahat ay nakakaranas pa din nito. Wala tayong malay na ang mga bagay na kulang sa kanila ay nasa atin naman.  Maaring ang iba pa nga sa kanila ay handang makipagpalit ng buhay sa atin. Samantalang tayo naman ang nakakaramdam ng inggit sa kanila. Dahil tao tayo, at hindi tayo marunong makuntento.

Problema. Mahirap, masakit, nakakalugmok. Mararamdaman mong nag-iisa ka, iniwan ka na ng lahat ng taong inaasahan mong masasandalan mo sa ganitong panahon. Yun ang realidad na kailangan nating tanggapin. Ngunit sa kabila ng lahat ng problema ay hindi natin napapansin ang mga magagandang bagay na ibinibigay ng panibagong kinabukasan. Ang pagsikat ng araw at pagtilaok ng manok sa umaga, ang hangin na nalalanghap natin kahit na puno ng polusyon, ang ganda ng pagbabago ng kulay ng langit hanggang sa sumapit ang gabi, ang ganda ng mga bituin na hindi na natin natititigan dahil mas nanaisin natin ang magpahinga na lamang. Hindi na natin nakikita ang mga simpleng bagay na nasa paligid natin dahil masyado nating binibigyan ng pansin ang mga nakakapagpalungkot sa atin. Sa huli, sarili lang natin ang maaasahan natin dahil kahit gaano mo pa kinamumuhian ang sarili mo ay hindi ka nito iiwanan. Kaya kailangan mong tibayan ang sarili mo. Hindi man matibay ang pundasyon ay may panahon ka pa rin para postehan ang paligid. Maraming tanong, "paano?", "saan ako magsisimula?", simulan mo sa sarili mo. Simulan mong subukan ang mga bagay na sinasabi ng iba na hindi mo kaya at patunayan mong mali sila. Simulan mong ngumiti sa tuwing gigising sa umaga. Tingnan mo ang mundo sa pamamagitan ng mata ng isang bata. Lahat ay maganda, lahat ay masaya at mapapansin mo, masarap ang mabuhay. Mahalin mo ang buhay, at makikita mo, unti unting magiging magaan ang lahat.

Lumaganap ang pagtanda, karamdaman, inggit, paghihiganti, pangamba, pighati, kasakiman, pagkamuhi at kung ano ano pang kasamaan na maaari mong maisip magmula ng buksan ni Pandora ang kahon. Ngunit dahil nakinita ni Promitheus ang pangyayaring ito at naglagay sya ng isang mabuting bagay sa loob ng kahon -- PAG-ASA, na hanggang ngayon ay tumutulong sa sangkatauhan na malagpasan ang mga problemang mararanasan. Kailangan lamang nating tumingin sa mga magagandang bagay at gumawa ng paraan upang malagpasan ang mga suliranin. Maaring nariyan ang mga kapatid, magulang at kaibigan natin upang tayo ay gabayan sa ating paglalakbay ngunit nasa atin pa rin ang natatanging desisyon. Kahit ano pang sabihin ng iba, mabuti man o masama, tayo pa rin ang gagalaw upang makamtan ang ninanais nating saya o kahit man lang kapayapaan. Tayo pa rin, sarili natin. Kaya ano pa bang inuupo, hinihiga at tinatanga ko sa lugar na ito? Hindi ba dapat sa ganitong edad ay nagsasaya ako? Nakikisalamuha sa mga kaibigan at ginagawa ang mga bagay na makakapagpasaya sa akin? Nagpapangiti ng mga taong nagpapasaya at nagmamahal sa akin? Kaya sisimulan ko sa sarili ko, gamit ang pag-asa, walang ibang kikilos, kung hindi AKO.

OverthinkingThingsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon