Sa buhay ng tao, maraming nagbabago. Mula sa pisikal na anyo, emosyonal, mental, may ilang nag-iimprove, ang iba nama'y nag-dedeteriorate. Ngunit sa bawat pagbabago, may mga bagay na nadaragdag, at mga bagay na kailangan iwan. Ikaw? Ilang beses ka nang naiwan? Ilang beses ka nang nang-iwan?
Ako? Masaya akong katabi ka sa bench o nakasandal habang may nakaipit na sigarilyo sa iyong mga nangingitim na labi. Minsa'y nakita kitang hapong-hapo dahil sa init ng araw, sumisilong ka sa aking tabi kapag minsan ring sobrang lakas ng ulan. Masaya akong mabigyan ka ng comfort sa tuwing kailanganin mo ako. Ang makitang mawala ang sibangot sa'yong mukha at unti-unting mapalitan ng ngiting may kasabay na buntong-hininga. Gusto kong akapin ka at iparamdam ang galak na nararamdaman ko ngunit hindi ko magawa. Nakatitig lamang ako sa'yo hanggang sa dumating sya. Mas lumaki ang ngiti sa'yong mukha, masama mang makaramdam ng lungkot dahil ramdam kong matatapos na naman ang sandaling magkasama tayo. Hinawakan mo ang kanyang kamay at sabay hinalikan sya sa noo. Ayokong makita ngunit hindi ko maipikit ang aking mga mata. Ganito ang mga panahon na hinihiling kong sana ay umiyak ang langit ng malakas at anurin kasabay ng ulan ang aking mga luha. Pero ano nga bang magagawa ko? Wala akong karapatan upang pigilan kang maging masaya.
Isa lamang akong waiting shed sa EDSA. Mas madalas kong makitang umuusad ang mga tao sa paligid ko, patungo sa iba't ibang destinasyon. Ang pagsakay mo sa bus sa umaga papasok ng trabaho. Ang pag uwi mo pagpatak ng alas-siete y media ng gabi. Ang pagsundo mo sa kanya tuwing alas-kwatro ng hapon kapag sabado. Habang ako? Naiiwang nakatayo dito sa gilid ng kalsada, nakatitig sa'yo habang paalis ka. Minsan kong hiniling na sana nama'y maranasan kong kawayan mo bago ka umalis. Pasabi man lang na masaya ka rin dahil nakatabi mo ako. Pero hindi maaari. Maiiwan lang ako, walang karapatang umupo o sumandal man lang. Tanging pagyuko at pagtingala lang sa langit ang nagagawa, at masasabi sa sariling, "Kailan kayang, ako naman ang mabibigyang halaga? Kailan naman kayang ako naman ang makakasandal? Ako ang iintindihin at pasisilungin. Kailan?". Sagot ng langit? "Ewan." kasabay ng pagkibit nya ng balikat.