Part 56 . . . "Mikhail"

209 13 3
                                    

"Mikhail"

----------

Bolstok, Rusya. Maingay ang tugtugan sa loob ng club. Maraming kabataang Ruso ang nagsisiksikan habang sumasayaw sa bulwagan ng club. Iba't ibang uri ng mga ilaw ang nagbibigay kulay at saya sa mga sumasayaw na ang iba ay humihiyaw pa sa tuwa. Mahaharot at nakakaindak na tugtog ang pinatutugtog ng dj. Isa ang club na ito sa pinakasikat sa Bolstok at dinarayo ng maraming kabataang Russo.

Apat ang mga bar tenders na nagbibigay ng mga alak at bawal na drugs. Alam ng mga pulis ang kalakaran ng drugs sa club pero wala silang magawa. Isang multi milyonaryo at maimpluensiyang Russo ang may ari ng club. Pinuno siya ng isa sa mga grupo ng mga Mafia sa buong Rusya.

Sa mezzanine ng club ay one way mirror ang isang dinding at nakikita mula sa loob ng mezzanine ang nangyayari sa ibabang bulwagan. Maraming nakapalibot na camera sa loob at labas ng club kaya alam nila ang bawat kilos ng mga tao sa loob at labas.

Isang grupo ng mga kalalakihang Russo ang dumating at kinakausap ng dalawang bouncers sa main door ng club. Tila ayaw silang papasukin ng mga bouncers. Naka zoom-in ang mga mukha ng mga bagong dating at nakikita sila sa mga monitors sa loob ng mezzanine.

"Sabihin mo kay Mikhail may mga bisita tayo." Sabi ng nagbabantay sa mga monitors.

Pumasok sa isang kwarto ang sinabihan. Isa itong malaking opisina. Sa dulo ay may malaking mesa at naka-upo ang isang malaking tao na anim na piye at apat na pulgada ang tangkad. Sa harapan ng mesa ay dalawang sets ng mga sofas at naka-upo ang walong Rusong bodyguards ni Mikhail. Lahat sila ay malalaking tao.

"Boss may mga bisita tayo. Nasa main door camera sila."sabi ng pumasok na tauhan ni Mikhail.

Binuksan ni Mikhail ang monitor sa ibabaw ng kanyang mesa. Lumabas ang mga kuha ng mga cameras sa monitor. Pinindot niya ang sa main door at nakikita niya ang mga mukha ng mga bagong dating.

"Papasukin sila." Ang utos niya pagpindot sa intercom na narinig ng mga bouncers sa kanilang mga radyo.

"Humanda kayo. Kapag nagkamali sila ay paputukan na ninyo. Sawa na ako sa mga pesteng iyan." Sabi ni Mikhail ang may-ari ng club, ang pinuno ng mga Mafia sa Bolstok.

Naghintay sina Mikhail at nakangising iniisip ang gagawin niya sa kanyang mga bisita. Matagal nang hindi nakakatikim ng mukha ang kanyang mga kamao. Dati siyang professional boxer. Ibinenta siya ng kanyang handler sa isang laban na siya sana ang magiging kampion. Binugbog niya ang kanyang handler na naging baldado at natanggalan naman siya ng lisensiya sa boksing. Bumuo niya ng isang grupo. Pangingikil sa mga tindahan at clubs ang unang raket nila. Mahina ang kita kaya kidnapping ang kasunod na raket.

Kumita siya ng malaki at nakaipon. Droga ang naisip niyang raket. Dumami ang kanyang mga tauhan at kapit sa mga pulis at huwes. Iba ang salapi kapag itinapal sa mukha ng isang gahaman. Naging milyanaryo siya sa maikling panahon. Nagtayo siya ng mga legal na negosyo na mga front ng kanyang illegal na droga at prostitusyon. Dumami ang kanyang mga clubs at bars. Nakilala na siya ng ibang mga pinuno ng mga Mafia sa buong Rusya.

Siya ang nagpaparusa sa mga informers at hudas sa kanyang mga tauhan. Sa isang malaking bodega sa pier niya binubugbog hanggang sa mamatay ang kanyang mga biktima. Para walang bangkay na makikita ay ipinapasok nila sa drum ang kanyang napapatay at pinupuno ng semento saka itinatapon sa laot. Ngayon ay iniisip niya kung paano niya wawasakin ang pagmumukha ng mga darating niyang bisita.

Bumukas ang pinto ng opisina at pinapasok ang tatlong lalakeng matatangkad din at naglalakihan ang mga katawan.

"Aleksin! Mabuti at ikaw na ang pumarito!" Sabi ni Mikhail na itinaas ang mga paa sa ibabaw ng kanyang mesa. Ito ay tanda ng kabastusan ng isang Russo kapag hindi niya gusto ang isang tao.

Red Moon (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon