Part 13 . . . Pagsubok

192 14 1
                                    

"Pagsubok"

Nangunguna sa paglalakad si Yuri. Kasunod niya sina Ivan at Yorac. Kung siya lang ang susugod ay kaya niyang mag-isa. Isinama niya ang dalawa bilang pagsubok na rin niya sa kanilang katapatan sa kanya. Sa itaas ng mga puno siya dadaan. Kailangan niya ang buong tiwala nina Ivan kaya isinama niya. Masyadong marami ang mga kalaban at hindi basta kalaban. Katulad niya ay may taglay din silang kakaibang lakas. Kaya kailangan niya ang tulong ng mga pinagkakatiwalaang mga tao at magsisimula siya kina Ivan at Yorac.

Maliwanag ang buong paligid kahit malalim na ang gabi dahil sa nasisinagan ng buwan ang namumuting nyebe sa lupa at sa mga dahon ng mga naglalakihang puno ng fines.

Malayo pa lang ay nakita na nina Yuri ang mahinang sinag ng ilaw mula sa bintana ng isang cottage. Pahiwatig na may tao sa loob. Sumenyas si Yuri sa dalawa na sa masukal na lugar sa gilid ng cottage sila pumunta. Tumango sina Ivan at Yorac.

Umupo ang dalawa sa likod ng makapal na halamanan. Tahimik silang naghihintay.

Mahigit isang oras na silang naghihintay ng may dalawang nakakabayo ang dumating. Tumigil sila sa tapat ng cottage. Hindi sila bumababa sa mga kabayo. Nabuksan ang pintuan ng cottage. Lumabas ang isang matangkad na lalake na may pasang isang hubad na tao. Putol ang isang kamay nito hanggang balikat. Isinakay niya ang hubad na lalake sa isa sa mga naka-kabayo.

"Bresnev sabihin mo kay Assov na itong taong ito ang nahuli kong tumatakas. Kinuha ko na ang parte ko. Tatlong araw na akong hindi nakakatikim ng laman." Sabi ng matangkad na lalake.

"Makararating sa kanya. Pagbutihin mo ang pagbabantay. Dadaan pa kami sa susunod na tagabantay. Mauna na kami. Hiyaaa!" Sagot ng naka-kabayo at umalis na sila.

Nakatayo pa rin ang matangkad na lalake sa labas ng cottage. Nililibot nito ang tingin sa paligid at tila ina-amoy ang hangin. Tumingin ito sa dako nina Yuri. Matagal na nakatingin. Halos hindi na humihinga sina Ivan at Yorac.

"Ang aga yatang nagising ng mga usang gubat." Bulong ng matangkad na lalake at narinig ni Yuri. Pumasok siya sa cottage. Ilang minuto pa ay namatay na ang liwanag mula sa loob ng cottage.

"Maghihintay pa tayo ng isang oras Ivan bago natin siya pasukin sa loob."

"Sige Ginoong Yuri. Inihanda ni Ivan ang dalawang posas na bakal para sa mga kamay at mga paa.

*****

Parang nanunuyot ang mga lalamunan nina Vladimir at Lucia. Uhaw na uhaw sila at alam nilang hindi sa tubig. Bumukas ang pinto ng silid. Pumasok si Olga, asawa ni Ivan. May dalawa itong tray na may dalawang baso at isang boteng puno ng dugo ng usa.

Kay Olga nakatingin ang mag asawa. Iba ang amoy ni Olga, amoy ng dugong nananalaytay sa kanyang mga ugat. Nararamdaman ni Vladimir na parang may umuusli sa kanyang bibig. Nasasalat ng kanyang dila na tumutulis ang kanyang dalawang ngipin at humahaba.

" Hindi ito tama. Mali ito. Kailangan ko itong labanan." Sa isip ni Vladimir. Hinawakan niya ang kamay ni Lucia at pinisil.

Umurong ang mga tumutubong pangil sa kanyang bibig maging kay Lucia.

Pumasok sa silid si Sofia.

"Salamat at nakapagpigil kayong dalawa. Sinadya kong si Olga ang mag hatid nitong dugo ng usa upang subukan ko kayo." Sa isip ni Sofia na narinig ng dalawa.

"Sige Olga iwanan mo na kami." Atas ni Sofia. Ipinatong ni Olga ang tray sa mesita sa tabi ng kama at lumabas na ng silid.

Naglagay ng dugo sa mga baso si Sofia at iniabot sa dalawa na kinuha naman nila.

"Noong una ay katulad ninyo rin ngayon ang naramdaman ko. Salamat kay Yuri tinulungan niya akong matanggap ko lahat at natutunan kong ikontrol ang aking sarili. Sa mga mata ng iba ay mga halimaw tayo at patutunayan natin na mali sila."

"Kung ito ang nakatadhana sa amin ni Lucia ay tinatanggap ko na." Sagot ni Vladimir at niyakap ang asawa niya.

***

Walang ingay na nakalapit si Yuri sa tapat ng pintuan ng cottage. Naiwan sina Ivan sa kanilang pinagtataguan. Hihintayin nila ang hudyat ni Yuri.

Tinignan ni Yuri ang pinto at marahan itong nabubuksan. Madilim sa loob pero nakikita pa rin ni Yuri. Pinagmamasdan niya ang kabuuan ng loob ng cottage. May malaking mesa at sa ibabaw ay isang putol na kamay ng tao na buto na lang ang parteng itaas. Pumasok siya sa loob. Nakita niya ang higaan. Bakante ito. Walang nakahiga.

"Hindi maganda ito!" Sa isip ni Yuri at nagbago ang kanyang anyo.

"Pumasok ka pa at akin ka na!" Sa isip ng matangkad na lalake at narinig ni Yuri.

Sa itaas nakakapit ang lalake sa ilalim ng bubong. Hinintay niya ang pagpasok ng sino mang taong naamoy niya kanina. Iba ang amoy ng dugo ng usang bundok. Tama ang kanyang hinuha. May nagmamasid sa kanya kanina. Nasa tapat na niya ang lalaking pumasok. Unti unti na rin siyang nagbabago.

Pulang-pula na ang mga mata ni Yuri. Sumisingasing na siya. Humaba na rin ang kanyang mga kuko. Lumakas lalo ang kanyang pakiramdam.

Bigla siyang tumingala na siya namang pagbagsak ng taong lobo.

"Growwwll!"

Sa isang kisapmata ay umilag si Yuri at nasa likuran na siya ng taong lobo. Dinakma niya ito sa batok at bumaon ang kanyang mga kuko. Binuhat niya at inihagis sa dingding. Nasira ang Dingding at lumusot ang taong lobo. Bumagsak ito sa nyebe na bakas sa mukha ang pagkagulat. Lumingon siya sa cottage at patayo na siya ng biglang nasa harap na niya si Yuri. Isang malakas na suntok ang dumapo sa kanyang panga. Napangiwi siya at nagdilim bahagya ang kanyang paningin. Nanlisik ang kanyang mga mata at hinahanap niya ang kanyang kalaban. Paglingon niya sa kanan ay may tumama sa kanyang sentido. Nagdilim ang kanyang paningin at para siyang lantang gulay na napasubsob sa nyebe. Tulog na ang taong lobo.

Nakita nina Ivan ang nangyari. Kung paano lumusot bigla ang taong lobo sa dingding at hindi pa bumabagsak sa lupa ay nakasunod na si Yuri. Napansin nila na parang may nagbago kay Yuri. Pula ang mga mata. Nakita nilang sinuntok ni Yuri ang halimaw at sa isang iglap ay nawala si Yuri at ng lumitaw ay may hawak na kahoy at pinalo sa ulo ang halimaw.

Sa bilis ng nangyari ay napanganga ang dalawa. Sumenyas lang si Yuri kaya sila nagising. Mabilis silang kumilos at lumapit sa taong lobo na nakasubsob ang mukha sa nyebe. Nilagyan nila ng posas ang mga kamay at paa. Naglabas si Yorac ng lubid at maliit na sako. Usinuot niya ang sako sa ulo ng halimaw. Itinali ang katawan para hindi maigalaw ang mga kamay.

Kinuha ni Yuri ang dalawang kabayo sa likod ng cottage. Binuhat nila ang halimaw at isinakay sa isa sa mga kabayo.

"Ivan, kayo na ang sumakay. Mauna na kayo at susunod ako sa karuwahe sa hangganan. Hintayin ninyo ako. Kapag nagigising siya ay hatawin ninyo sa ulo para makatulog ulit."

"Oo Ginoong Yuri. Mauna na kami. Hiyaaaa!"

Hinintay muna ni Yuri na makalayo ang dalawa bago siya kumilos. Tinignan niya ang nyebe. Sariwa pa ang bakas ng mga naka kabayong kasama ng taong lobo kanina. Sinundan niya ang mga bakas. Bumilis ang kanyang lakad hanggang sa tumatakbo na siya na kasing bilis ng hangin.

Narating niya ang lupain nina Assov. Madilim pa ang madaling araw at tulad ng isang pusa ay walang ingay siyang nakalapit sa mansion. Naglakad siya sa dingding ng mansion at iniisa isa niya ang mga bintana. Sinisilip kung sino ang nasa loob. Wala siyang nakita. Narinig niya ang mga ingay at mga usapan. Sa bulwagan ng mansion nanggagaling. Pumasok siya sa bintana sa ikalawang palapag. Binuksan niya ng kaunti ang pinto ng silid. Maliwanag sa bulwagan at walang tao sa pasilyo. Lumabas siya at tumayo sa likod ng isang poste. Sumilip siya sa ibaba.

Nakikita niya sa ibaba ang mga lalake na naka upo sa apat na mahahabang mesa.

"Hark! Hark! Maaasahan talaga ang mga tauhan mo Assov. Walang nakakatakas dito sa bayan!"

"Ikaw lang kasi Papa. Kung noon pa kinuha mo na kami ni Petrovich sana matagal na sa aming tiyan ang kalaban mong mortal na si Yuri. Hark! Hark!"

"Ahhh! Ang walanghiya isa na rin pa lang halimaw. Babalikan ko kayo Boris!" Sa isip ni Yuri.

Lumabas siya sa bintanang kanyang pinasok at tumalon. Kasing bilis ng hangin ay nawala siya sa dilim upang magbalik para sa kanyang paghihiganti.


********

Red Moon (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon