Chapter Fourteen - FINALE

694 53 13
                                    

MAAGANG umalis ng isla sina Roni. Kapuna-puna ang pananahimik nilang apat, lalo na sila ni Borj. Halos hindi sila nag-uusap. Hindi na rin naungkat ang pag-iyak niya nang nagdaang gabi habang kumakanta.

Hindi sumabay si Apple sa kanila papunta sa San Joaquin. Bibisita raw muna ito sa mga kamag-anak nito sa Maynila kaya sa kotse ni Tom ito sumakay.

Kaya wala siyang nagawa ng dalawa lang sila ni Borj ang magkasama sa kotse nito.

Maging sa loob ng kotse ay tahimik pa rin sila.

"You must miss Basti so much para umiyak ka ng ganoon," wika ni Borj mayamaya.

Napakurap siya. So, inakala pala nito na kaya siya umiyak ay dahil na-miss niya si Basti. Kung alam lang nito na ito ang dahilan ng pag-iyak niya.

Hindi niya ito sinagot. Hindi naman siya nito kinulit kaya nanahimik na lang uli sila hanngang sa makarating sila sa hacienda nila.

"Kumusta ang bakasyon ninyo, hija?" tanong ng kanyang mama nang salubungin sila nito. "Nag-enjoy ka ba?"

"M-magpapahinga po muna ako," paiwas na sabi niya bago pa siya maiyak sa harap nito.


PAGKARAAN ng dalawang araw, nagulat siya nang sabihin ni Aling Medel na may bisita siya. Si Tom iyon.

"Tom! Ba't ka nandito?"

Ngumiti ito sa kanya. "Ginawa akong personal assistant ng pinsan ko." Ipinaikot nito ang mga mata. "Ako ang pinakakuha ng mga gamit niyang naiwan sa Hacienda Jimenez. Naaliw kasi roon sa Manila at matatagalan pa siyang bumalik dito."

"G-ganoon ba?"

"Kumusta ka na?"

Nagkibit-balikat siya. "Eto, malungkot pa rin."

Bumuntong-hininga ito at ngumiti. "Just give it time, Roni."

Biglang namasa ang mga mata niya. "Ang sakit kasi, eh. Hindi ko man lang nasabi sa kanya na mahal ko siya."

"Naiintindihan ko ang nararamdaman mo. Kailangan mo lang tatagan ang sarili mo. Marami pa namang ibang lalaki."

Pero si Borj lang ang gusto ng puso ko, malungkot na pahayag niya sa isip.



"SO, ITO lang ang gamit ni Apple, 'no?" tanong ni Tom kay Borj habang kinakalkal ang gamit ni Apple sa sala ng mga ito.

Inilabas niya ang laman ng isang bag ni Apple upang masigurong nandoon ang lahat ng gamit na ipinapakuha ni Apple kay Tom.

"Ayan lang pala iyan, eh!"

Napalingon sila ni Tom kay Derek. Bumababa ito ng hagdan at tila excited na nakatingin sa mga gamit ni Apple.

"Ang tagal ko nang hinahanap 'yan, kinuha niyo lang pala," sabi ng pinsan niya.

May kinuha itong gamit at excited na niyakap iyon. Ang sunblock lotion ni Apple.

"Ano'ng ibig mong sabihin, Derek?" nagtatakang tanong niya.

"Ang tagal ko na kaya itong hinahanap," sabi nito. "Hindi tuloy natapos iyong eksperimento namin ni Monica. Sino ba'ng kumuha nito? Inilagay ko lang ito sandali diyan sa coffee table, tapos biglang nawala."

"Pinaglaruan ninyo ni Monica iyang sunblock?" gulag na tanong niya.

"Kasi nga po, scientist kami ni Monica. Aba, ito na ang hinahanap ninyong gamot laban sa AH1N1 virus," pagmamalaki nito.

Napailing na lang siya sa natuklasan. So, mali pala siya sa pagbibintang noon kay Roni. Kailangan niyang humingi ng paumanhin dito. At kailangang magkalinawan na rin sila dahil mababaliw na yata siya kung hindi pa ito magiging kanya. Kailangan na niyang gumawa ng paraan bago mahuli ang lahat.


Naughty Princess Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon